"I'm sorry Kass. I'm so sorry..." pabulong na sabi ni Jace habang mahigpit na nakayakap sa kanya.
Hindi niya inasahan ang ginawa nito. Ayaw man niyang aminin, pero biglang gumaan ang pakiramdam niya ng yakapin siya ng binata. Gustong-gusto rin niya itong yakapin pero pinigilan niya ang sarili.
Maya-maya ay tumunog ang cellphone nito.
"M-may tawag ka." aniya rito habang kumakalas sa yakap ito. Ramdam niyang ayaw pa rin siya nitong pakawalan. "Jace..." pakiusap niya rito.
Pinakawalan nga siya nito pero ayaw naman nitong bitawan ang isang kamay niya. Sinagot nito ang tawag habang nakahawak sa isang kamay niya.
"Trixie, napatawag ka?" anito na napatingin sa kanya.
Kunot-noong napatingin rin siya rito.
Trixie?
Agad na bumalik sa isipan niya ang eksenang nangyari noon sa canteen. Noong araw na hinalikan niya si Jace huwag lang itong makipag-date kay Trixie.
Hindi niya napigilang makaramdam ng selos. All those years ay may communication pa rin ang dalawa. Habang siya ay wala man lang maski phone number ng binata.
Nagseselos ka? Feeling girlfriend? Eh wala pa nga kayong label eh. Ano mo ba si Jace?
Kinuha niya ang kamay na hawak nito. Pero ayaw siyang pakawalan ni Jace.
Tinanggal niya ang isinuot nito sa kanyang cap and sunglasses at napasandal sa upuan habang nakatingin sa labas.
"Sure, ihahatid ko muna si Kass sa opisina then dederetso na ako agad diyan." masayang sabi ni Jace bago natapos ang tawag.
"Pwede ko ng kunin ang kamay?" walang emosyon na tanong niya rito.
"Nope, hanggat hindi mo naririnig ang paliwanag ko." malambing na sabi nito na muntik ng ikalaglag ng puso niya.
Hindi kasi siya sanay na ganun siya kausapin ni Jace. Mas normal kasi sa kanilang nagbabangayan.
"You don't have to explain anything to me, Jace."
Napangiti ito.
"I've known you since you were little Kassandra. Kaya kahit na wala ka pang sabihin, alam ko na agad kung ano ang iniisip mo."
"Really, so ano sa palagay mo ang iniisip ko ngayon?" hamon niya rito.
Tinitigan siya nito habang nakahawak pa rin sa kamay niya.
"Wala kaming relasyon ni Trixie, okay?" anito.
Umiwas siya ng tingin rito pero hinawakan nito ang pisngi niya at muling iniharap.
"Kahapon lang din niya nakuha ang number ko from Tristan. And tumawag lang siya to make sure na a-attend ako sa birthday party ni Mica which will be held sa bahay ng kuya mo. So after this, sa bahay lang ako ng kuya mo dederetso. Yun lang yun." paliwanag nito.
Tama nga ito, kilala nga siya nito.
"Okay..." matipid niyang sagot.
Masaya siya sa narinig na paliwanag nito pero hindi niya alam kung bakit nandun pa rin ang takot na baka bukas or sa susunod na araw ay mawala ulit ito.
Bahala na, ang importante ay pareho silang masaya ni Jace sa kung ano mang meron sila ngayon.
"Gusto mong sunduin kita mamaya pag-uwi mo?" tanong nito.
"Huwag na, nasa opisina naman ang kotse ko."
Tumango ito.
"So, kita na lamang tayo sa bahay ng kuya mo later?"
Siya naman ang tumango rito bilang sagot.
Hinalikan muna ni Jace ang kamay niya na hawak nito bago pinaandar ang sasakyan.
***
Ang sunod-sunod na pagkatok ang nagpabalik sa kanya sa realidad.
"Kassandra!!!" boses ng kuya niya. Kanina pa siya nito kinakatok pero wala siyang lakas na harapin ito.
Napapikit siya habang iniisip ang mga nangyari kahapon.
Papaanong ang magandang simula nila kahapon ni Jace ay napunta sa ganito?
Nang masiraan siya ng kotse kahapon ay tinawagan niya ang kuya niya para sana magpasundo. Pero ng maramdaman niyang medyo busy ito ay hindi na lamang niya ito inabala. Gusto niya sanang tawagan si Jace at magpasundo rito pero aside from wala naman siyang number ng binata at nahihiya rin siya.
She was about to end the call ng may narinig siyang usapan sa background ng kapatid niya.
"More!!!" sigaw ng mga kaibigan nito.
"Tama na yan guys, nilalasing niyo na si Jace." ang kuya Tristan niya.
"Come on Jace. Hanggang dun lang ba ang kaya mo?" boses ni Trixie.
Nagpanting ang tainga niya ng marinig ang boses ng babae.
"Hanggang ngayon ba naman ay hindi ka pa rin sinasagot ni Jace?" kantiyaw ng isa sa mga barkada nilang lalaki.
"Mag-ingat ka diyan kay Trixie, Jace. Sabi nga nila pag may alak, may balak! Sige ka, pipikutin ka niyan." hirit ng isang barkada nila at muling nagtawanan ang mga ito.
Biglang nag-init ang ulo niya sa narinig. Feeling niya ay malalagas ang lahat ng buhok ni Trixie sa oras na lumapat ang mga kamay niya sa ulo nito.
Pinakinggan niyang mabuti kung magsasalita si Jace pero hanggang sa naputol ang tawag ay hindi ito nagsalita.
Huminga siya ng malalim at pilit na kinontrol ang inis na nararamdaman.
Alas-siyete na ng gabi ng makarating siya sa bahay ng kuya niya. Gaya ng inaasahan ay nakauwi na ang lahat ng bisita. Hindi na rin niya nakita si Jace. Siguro ay nakauwi na rin ito sa bahay nila.
Kailangan nilang mag-usap ni Jace bukas. Mahirap man, pero kailangan niyang klaruhin rito kung ano nga ba talaga ang status nila dalawa. At ng sa ganun ay maihanda niya ang sarili niya. Nakakatakot kasing mag-assume at pagod na rin siyang maghintay.
***
"Kassandra!" narinig niyang tawag ulit ng kuya niya sa kanya habang kumakatok ng malakas. "Lalabas ka ba diyan? O wawasakin ko ang pintuan na 'to?!"
Gusto niyang maiyak sa sobrang kalituhan at kaba. Huminga muna siya ng malalim bago dahan-dahang binuksan ang pintuan ng banyo.
Kinakabahang napatingin siya sa kapatid. Gusto niyang magpaliwanag rito pero sa nakikita niya sa mukha ng kapatid ay malabong makinig ito sa kanya.
Payukong pinahid niya ang mga luha sa pisngi niya.
"Hindi ko alam kung saan kami nagkulang nila mommy at daddy sa pagpapa-alala sa iyo sa kung ano ang tama at mali Kassandra. Oo at malaki ka na, nasa wastong edad na para mag desisyon sa sarili mo. Pero hindi pa rin iyon excuse para gawin niyo ang bagay na iyon."
"Sinisigurado ko sa iyong walang nangyari sa amin ni Jace kuya." hindi niya napigilang sagot sa kapatid.
Kanina pa niya tsine-check ang sarili pero normal naman lahat ang pakiramdam niya. Wala siyang makapang masakit kahit saan mang bahagi ng katawan niya.
"Hindi ko talaga alam kung papaano kami napunta sa iisang kama at kung papaanong pareho kaming walang da--"
"Please don't say it." putol nito sa sasabihin niya.
Huminga ito ng malalim. Alam niyang nagpipigil lang ito.
"Ikaw na lang ang hinihintay namin sa sala. Nandun na sila mommy at daddy pati na rin sila Jace at mga magulang niya."
At bakit nandun ang mga parents ni Jace? Hindi ba at si Jace lang naman ang umuwi?
"Muntikan ng atakihin si Daddy ng malaman nito ang nangyari. Kaya please, umayos ka pagharap mo dun." paalala nito bago lumabas ng kwarto.
Daddy...
Nakonsensiya siya sa nalaman. Pero wala naman kasi siyang maisip na ginawa niyang mali except for the fact na gumising siyang katabi si Jace at pareho silang wala mga damit.
Bumalik sa alaala niya ang reaksiyon ni Jace kanina. Nanghihinang napaupo siya sa kama. Papaano nito naisip na magagawa niya ang ganoong bagay? Hindi nga ba at nagkaayos na sila? Bakit naman siya gagawa ng isang bagay na pareho silang lahat na mamomroblema?
Unless wala talaga siyang feelings para sa iyo...anang isipan niya.
Bigla siyang kinabahan and at the same time ay natakot sa naisip.
Paano kung hindi talaga siya nito mahal? Kakayanin niya ba ulit na masaktan?