Umiiyak na tumatakbo si Chinny sa gitna ng kalsada ng nakapaa habang dala sa kanyang likuran ang maliit na bag pack na naglalaman ng ilang piraso ng kanyang mga damit at underwear.Ang kanyang Lola Sima ang naglagay niyon sa bag niya bago siya mabilis na pinaalis ng kanilang bahay para makatakas sa malupit niyang tiyahin na si Elvie.
Bata pa lamang si Chinny ay ang Lola Sima na niya ang nag-alaga at nagpalaki sa kanya dahil iniwan siya ng kanyang ina sa pangangalaga ng kanyang ama noong siya'y musmos pa lamang.Iniwan naman siya ng kanyang ama sa piling ng kanyang Lola Sima na ina nito upang magtrabaho ngunit sa malas ay naaksidente ito at namatay.Hindi niya nakilala at nakita ang kanyang ina maski sa litrato man lang dahil hindi ito nag-iwan ng litrato sa kanyang ama kahit isa.Ang tanging iniwan nito para sa kanya ay isang maliit na figurine na hugis ng isang dragon.Maliban do'n ay wala na itong naiwan na makapagpapaalala sa kanya.Wala ring naikuwento ang kanyang lola tungkol sa pagkatao ng kanyang ina dahil wala rin naman daw naikuwento rito ang kanyang ama bago ito pumanaw.Wala tuloy siyang ka-ide-ideya kung anong klaseng tao ang kanyang ina.Ngunit sa tingin niya ay wala itong kuwentang ina dahil natiis nitong hindi siya makita at makasama.Tumatak sa isip niya na hindi siya minahal ng kanyang ina kaya siya nito inabandona.
Ngunit sa kabila ng kinikimkim niyang galit at sama ng loob sa kanyang ina ay naging masaya pa rin si Chinny sa piling ng kanyang lola.Mapagmahal at maaruga ang kanyang lola.Pinupunan nito ng pagmamahal ang kakulangan niya sa mga magulang.Ang masaya at tahimik nilang pamumuhay ay biglang nagbago nang dumating ang kanyang Tita Elvie.Nakatatanda at kapatid ito sa ama ng kanyang yumaong ama.Nakiusap ito sa kanyang lola na kung maaari ay sa kanila na ito titira kasama ang anak nitong si Tonya na kasing edad niya lamang.Dahil likas na mabait ang kanyang lola ay pumayag ito na pumisan sa kanila ang mag-ina.Pinatulong ng kanyang lola ang babae sa pamamahala sa kanilang maliit na negosyo.
Sa umpisa ay maayos ang pakikitungo ng mag-ina sa kanilang mag-lola ngunit wala silang kaalam-alam na palihim na palang kinakamkam ng mag-ina ang negosyo ng kanyang lola.Sa tulong ng isang abogado at ng mga pekeng dokumento ay nailipat sa pangalan ng kanyang Tita Elvie ang pagmamay-ari ng kanilang negosyo at pati na rin ang titulo ng bahay na kanilang tinitirahan.
Hindi sila pinalayas na mag-lola sa kanilang sariling tahanan ngunit ginawa naman silang mga alila ng mag-ina.Pinahinto siya sa kanyang pag-aaral at pinagtrabaho na lamang sa bahay bilang katulong.Awang-awa sa kanya ang kanyang Lola Sima ngunit wala itong magawa para maipagtanggol siya dahil matanda na ito at sakitin na rin.Pero nang malaman nito na balak siyang ipakasal ng kanyang tiyahin sa matandang milyonaryong Chinese na biyudo ay mabilis itong nagpasya na siya'y patakasin.Ayaw man niyang iwan ang kanyang lola sa poder ng masamang tiyahin ay wala siyang magagawa.Kung hindi siya tatakas ay siguradong mapapariwara ang kanyang buhay.
Kaya pagkaalis kanina ng mag-inang bruha ay mabilis na nag-empaki ng ilang pirasong damit at underwear niya ang kanyang lola pagkatapos ay nagmamadali siyang pinaalis ng bahay.Ngunit tamang-tama pagkalabas niya ng kanilang gate ay bigla namang dumating ang kotse ng tiyahin na ewan kung bakit biglang bumalik.Sa takot niya rito ay tumakbo siya sa kalsada palayo sa kanilang bahay pero mabilis siyang sinundan ng kotse ng tiyahin.Nagpasuot-suot siya sa makikipot na eskinita para hindi siya masundan ng kotse ng tiyahin.At kahit alam niya na hindi na nakasunod sa kanya ang kotse ng babae ay wala pa rin siyang patid sa pagtakbo habang tumutulo ang kanyang mga luha.At dahil tuliro ang kanyang isip kaya hindi niya namalayan ang isang itim na sasakyan na paparating at pa-ekis-ekis ang pagmamaneho na tila nakainom ang driver.Huli na nang mapansin niya ito.Nasa harapan na niya ang kotse at tinutumpok siya.Wala siyang nagawa kundi ang tumili na lamang ng malakas.
Naramdaman ni Chinny ang paglagabog ng kanyang katawan nang tumama siya sa unahang bahagi ng sasakyan.Tumilapon siya sa gitna ng kalsada.Ramdam niya ang sobrang sakit sa pagtilapon at pagbangga ng kanyang katawan.Nagdidilim na ang kanyang paningin at tila kinakapos na rin siya ng hininga.Walang taong lumalapit sa kanya para siya'y tulungan.Ni hindi man lang huminto at bumaba ang taong nakabundol sa kanya.Para siyang asong kalye na nasagasaan at basta na lamang iniwan sa kalsada.
"L-lola S-sima,h-hindi na t-tayo ma-magkikita,"paputol-putol niyang pagsasalita.Halatado sa boses niya ang sobrang sakit at paghihirap na dinaranas ng kanyang katawan.Unti-unti niyang ipinikit ang kanyang mga mata ngunit bago tuluyang nilamon ng kadiliman ang kanyang kamalayan ay nakita pa niya ang pagliliwanag ng kung anong bagay na nasa loob ng kanyang bag na hindi niya maintindihan kung paano nabuksan.
###
Dahan-dahang iminulat ni Chinny ang kanyang mga mata at pinaikot iyon sa loob ng kuwartong kinaroroonan niya ngayon.Bigla siyang napabangon nang maalala ang nangyaring aksidente.Kinapa niya ang bahagi ng kanyang katawan na tinamaan ng sasakyan ngunit nagtaka siya nang makitang wala siya ni anumang sugat sa kahit saang parte ng kanyang katawan.Wala rin siyang nararamdamang masakit sa kanya.Inisip tuloy niya na patay na siya at nasa langit na siya nang mga sandaling iyon.
"Ganito ba ang hitsura ng langit?Ba't parang puro makaluma ang lahat ng mga gamit na nakikita ko sa loob ng kuwartong ito?"bulong niya sa sarili habang sinisiyasat ng kanyang paningin ang kabuuan ng kuwarto."Akala ko ba puro puti ang makikita ko sa langit katulad ng mga napapanuod ko sa drama sa tv?"dagdag pa niya.
"Mabuti naman at gising ka na,Chin.Nagugutom ka ba?Gusto mo bang kumain?"
Biglang napatingin si Chinny sa lalaking nagsalita.Hindi niya namalayan ang pagdating at pagbukas nito ng pintuan.
"Patay na ba ako?Ito na ba ang langit?"magkasunod na tanong ni Chinny sa bagong dating na lalaki na weird ang kasuotan.
Natawa ng mahina ang lalaki."Bakit ka naman mamamatay?Hinimatay ka lamang kanina dahil sa takot sa kabayo.Nabundol ka nga ng kabayo kanina pero sa mga dayami ka naman tumilapon kaya hindi ka gaanong nasaktan.At saka ano bang langit ang pinagsasasabi mo?"
Biglang naguluhan si Chinny sa sinabi ng lalaki."Teka,sino ka ba?At bakit mo ako kilala,eh,hindi naman kita kilala?"Sigurado siya na wala siyang kilalang lalaki na katulad nitong manuot.Hindi niya maintindihan kung anong tawag sa kasuotan nito dahil malayo naman iyon sa kasuotan nila.Para itong nakasuot ng roba na may matingkad na kulay.At in fairness,mukhang mamahalin ang telang suot nito.Makintab kasi iyon at parang kay lambot hawakan.
"Ano ka ba,Chin?Hinimatay ka lang at hindi naman nabagok ang ulo mo sa matigas na bagay para magkaroon ka ng sakit sa pagkalimot,"paliwanag nito sa nangyari sa kanya."Ako 'to,si Fang.Ang iyong kasintahan at mapapangasawa na rin dahil malapit na tayong ikasal."
"What?"tanging nasambit ni Chinny.Mukhang may mali yata sa kanilang sitwasyon.
"Hay naku,huwag mo na nga akong lokohin.Halika,lumabas ka na't kanina pa nag-aalala sa'yo ang mga magulang mo."
"Mga magulang ko?"nagtatakang tanong pa rin niya rito.Bagama't nalilito ay nagpahila na rin siya sa kay Fang nang hawakan siya sa siko at marahang hinila palabas ng kuwarto.
Paglabas niya ng kuwarto ay nakita niya ang ilang mga tao na tila siya ang hinihintay.Nang yakapin siya ng mahigpit ng isang glamorosang ginang ay napag-alaman niyang ito ang kanyang ina.Tinawag kasi siya nitong anak at tila alalang-alala ito sa kanya.Samantalang ang sa tingin niya ay kanyang "ama" roon ay seryoso lamang ang mukha habang nakatingin sa kanya.Walang mababakas na emosyon sa mukha nito.
At dahil hindi niya kilala ang mga taong nasa harapan niya kaya inisip na lamang ng mga ito na nagkaroon siya ng sakit na pansamantalang pagkalimot.At kahit nagtataka ang mga ito sa kanyang pananalita at ikinikilos ay inintindi na lamang siya.Iniisip pa rin ng mga taong iyon na parte ng kanyang pagkakaroon ng amnesia ang mga kakaiba niyang ikinikilos.
Sa pag-oobserba at pagtatanong-tanong niya sa mga tao sa nakalipas na araw ay nalaman niyang na bumalik pala siya sa 20th century ng ancient China.Nagkataon na kamukha niya ang nag-iisang anak ng isang general na si Binibining Chin at mapapangasawa niya si Fang na anak ng hari sa bayang iyon.At dahil sa nangyaring aksidente sa dalaga kaya hindi nahahalata ng mga tao roon na hindi naman talaga siya si Chin ng panahong iyon kundi si Chinny na mula sa taong 2019.
Kaya pala napansin niyang kakaiba ang mga kasuotan at gawi ng mga tao roon ay dahil nasa sinaunang panahon pa siya ng mga Chinese.Pero bakit sa panahon ng sinaunang Chinese siya bumalik at hindi na lang sa panahon na nakikipaglaban sina Jose Rizal at Andres Bonifacio sa mga Kastila?At paano nangyari't nakapag-travel siya sa ganoon katagal na panahon?At fianceè pa siya ni Fang na prinsipe sa bayang iyon.At bakit siya?Hindi naman siya mahilig manuod ng mga palabas na Chinese?Ano ang koneksiyon niya sa panahong iyon?At paano siya makakabalik sa kasalukuyang panahon?Mga katanungang pilit na nagsusumiksik sa kanyang utak na hindi niya alam kung paano masasagot.