"Wari mo'y isang langaw na nakatuntong sa kalabaw,"
Kung hawakan at panindigan yaring kapangyarihan.
Daig pa ang matayog na kawayan sa kabukiran,
Kung magpakitang-gilas kahit walang laman.
Mabuti pa ang kalabaw, marunong magbanat ng buto,
Di ang tulad mo'y kamay laging nakasahod at nakasalo.
Sa mga biyayang iba ang nagsikap at naghirap,
Mistulang among marapat lumanghap at lumasap.
Nais mong kalugdan sa gawaing pawang kabanalan,
Subalit isip at budhi mo'y lunod sa kasinungalingan.
Pasasaan ba't langit ay iyong mapupuntahan,
Kung totoo ngang ikaw ay marapat dito at papurihan.
Nasusuklam sa gawa ng iba na para sa iyo ay kabalintunaan,
Bakit di subukan tingnan ang sarili doon sa salamaninan.
Baka ikagimbal ang sariling kaanyuan ng katotohanan,
Dala ng kabiyak nang iyong kaluluwang nasa karimlan.
Nakakapangilabot! Nais mong hablutin ang buhanging isang dakot,
Dahil sa kinang na taglay nito ay pilit mong inaabot.
Kahit batid sa sarili'y nababalot ng takot,
Dahil sa aninong nagkukubling nais mong malimot.
Saan ang tungo kahit di mo batid landas sa kawalan?
Patuloy bang mabubuhay sa sariling kahibangan?
O mananatiling lutang sa lingap na taglay na kapangyarihan?
Kailan nga ba? Sino ba sila? O mas higit ang, "Sino ka ba? -mula sa "Doon sa Amin ay May....."