NAGTATAKA si Nadine habang naglalakad papunta sa loob ng opisina ni Kyle, ang CEO ng Rodriguez Real Estate Company na kanyang pinagtatrabahuan, at ninong niya sa binyag.
Paano niya naging ninong ang katulad nito? Iyon ay dahil noong malaman nitong hindi pa siya nabibinyagan ay agad itong nagpresinta na maging ninong niya. Nang dahil sa hirap ng buhay ay walang kakayanan ang kanyang magulang na siya ay pabinyagan.
Ang katuwiran ng mga ito ay mas uunahin pa nila ang magtrabaho para kumita ng pera para may makain silang dalawang magkapatid. Kaya umabot siya sa edad na dalawampu't isa na hindi pa nabibinyagan. Nang makatapos siya ng Bachelor of Science in Computer Science sa PUP ay agad siyang nag-apply ng trabaho. Mabuti na lang dahil sa taglay niyang katalinuan at sipag ay nakakuha siya ng mga iskolarsyip kaya nakatapos siya ng pag-aaral.
Dahil sa matanda na ang nanay at tatay niya ay siya na lang sa kanila ang nagtatrabaho habang ang kapatid niyang lalaki na edad labingwalo ay nag-aaral pa ng kolehiyo at kumuha ng kurso sa pagiging inhinyero sa PUP na pinagtapusan ni Nadine. Kaya ngayong nasa edad na dalawampu't tatlo ay walang siyang ibang inisip kung hindi ang magtrabaho para buhayin ang kanyang pamilya na umaasa sa kanya.
Pagkarating ni Nadine sa harap ng pinto ng opisina ni Kyle. Pakiramdam ni Nadine ay sobrang nilalamig siya at sobrang bilis ng tibok ng puso niya na parang nakipag-maraton siya kung kanino dahil sa kabang nararamdaman. Sa dalawang taon kasi niyang nagtrabaho sa kompanya ay ngayon lang siya ipinatawag nito para pumunta sa kanyang opisina dahil tuwing Pasko ay natatanggap niya lang ang regalo mula sa kanyang ninong na ipinapadala sa kanilang bahay na naglalaman ng mga groceries.
Bumuga muna siya ng hangin bago kumatok sa pinto. "Kaya mo iyan Nadine. Huwag kang matakot dahil wala ka namang kasalanang ginawa."
"Please come in Ms. Alcantara!" sigaw ni Kyle mula sa loob ng kanyang opisina.
Pagkarinig ni Nadine ng paanyaya ni Kyle para pumasok ay agad niyang pinihit ang seradura ng pinto. Pagbukas niya ay nakita niyang malapad na nakangiti sa kanya si Kyle at animo'y may magandang balita itong nais sabihin sa kanya.
Agad na lumarawan kay Nadine ang pagtataka. "Good afternoon po Sir Kyle! Ipinatawag daw po ninyo ako?" magalang na tanong niya sa kanyang boss.
"Yes hija! Ipinatawag kita pati na ang anak kong si James. Mayamaya ay nandito na rin siya. Umupo ka na muna," nakangiting sabi ni Kyle kay Nadine saka itinurong umupo sa upuan sa harap ng kanyang lamesa.
Sabi pa ng iba isa siyang maganda ngunit manang kung tawagin siya sa kanilang opisina dahil sa kanyang pananamit, siya raw ang living Betty Lafea na nage-exist sa kanilang opisina na laging may suot na makapal na salamin sa mata, idagdag pang 'NBSB o No Boyfriend Since Birth'.
"Tungkol po pala saan Sir Kyle ang pag-uusapan po natin?" tanong ni Nadine. Kahit na sobrang lakas ng pagkabog ng kanyang puso sa labis na kabang nararamdaman ay pinilit niyang gawing natural ang boses niya. Umupo siya upuang itinuturo nito.
"Matagal na rin hija noong nagkita tayo pagkatapos ng binyag mo. Dahil nga busy na rin ang ninong mo sa pag-aasikaso ng negosyo," lihis na sagot ni Kyle sa tanong ni Nadine. "Kumusta naman ang pagtatrabaho mo rito sa kompanya?
Nalilito man sa inaakto ni Kyle si Nadine pero magalang pa rin niyang sinagot ito. "Opo, naka-dalawang taon na rin po akong nagtatrabaho rito noong nakaraang buwan.
"Balita ko e isa ka sa pinakamasipag na empleyado rito sa kompanya? Palagi ka raw nago-overtime?" tanong ni Kyle kay Nadine.
Alanganing ngumiti naman si Nadine kay Kyle. "Hindi naman po masyado. Kailangan ko lang po kasi para dagdag income na rin kaya po ako nago-overtime."