Chapter 19 - Finding Ansel

TATLONG ARAW NANG hinahanap ni Cass si Ansel. Tatlong araw na niya itong fli-no-flood ng text at sinusubukang tawagan. Ki-non-tact na niya ito sa Facebook at sa ilan pang social media accounts nito. Kahit ano sa mga modes of communication na ginawa niya ay wala ni isang sinagot ang binata.

Ni hindi man lang nito s-in-een ang mga chat niya at mukhang never pa itong nag-online simula nang pumunta sila sa Villa Montenuma. He just... disappeared. Nakakailang contact na rin siya kay Greta kahit na ayaw niya sanang gambalain ito ulit. Ngunit hindi rin alam ng kaibigan niya kung asaan ang binata.

Wala rin ang binata sa bahay nila sa Baguio. Hindi naman ito umuwi sa apartment nito sa Maynila. At wala naman silang ma-contact sa kompanyang pinagtratrabahuan nito para malaman kung naroroon ba iyon.

Hindi na siya mapakali. Gusto niyang ayusin ang nangyari dahil kung tutuusin may kasalanan siya sa binata. He was trying his best. Ngunit, mas tumimbang lang sa kanya ang katotohanan na hindi ito maka-hold ng relationship.

Ni minsan hindi niya man lang naisip na posibleng magkagusto nga ito sa kanya or better, mahalin siya nito. He was giving out obvious signs and she's stupidly ignoring them.

Pinanindigan naman ng lalaki ang paglayo sa kanya kaya hindi niya naman mahagilap ito. Ngunit kahit ang focus niya ay hanapin ito, hindi niya pa rin nakalimutan na kumain at ayusin ang sarili. Mas gusto niya kasing kung nahanap niya ito ay at least prepared naman siya.

And that's the only thing that's letting her stay afloat, ang pag-i-imagine na makikita niya muli ito. Ini-imagine niya na rin kung ano ba ang sasabihin niya rito at pati na ang mga posibleng scenario kung sakali. Assuming na siya sa ganoong lagay pero determined pa rin siyang hanapin ito. Oras naman na siya naman ang gumawa ng paraan.

Ang pagtunog ng kanyang telepono ang pumukaw sa kanyang atensyon at mabilis niyang kinuha iyon. Nang marinig niya ang magandang balita ng kaibigan ay napabulalas siya. "Greta, isa ka talagang angel na mula sa langit." Nahanap na kasi nito ang binata at nag-offer pa itong ihatid siya sa kung nasaan ito. Apparently, asa kompanyang pinapasukan lang pala nito ang binata.

"Syempre naman, Cassie. Besides, I think you really need to see him. Sabi kasi ng contact ko hindi niya raw inaalagaan ang sarili niya," sabi ng kaibigan mula sa kabilang linya. "He took one big project and he has been working on it day in and day out. Ang cliche pero iyon lang siguro ang naisip niyang pang-coping mechanism."

Napapailing naman siya sa sinabi nito. Ang magaling na binata pa naman ang nagbilin sa kanyang alagaan niya ang kanyang sarili ngunit ito naman pala ang nagpapabaya. "Ang ewan talaga ng kakambal mong iyan."

"But you still love him," natutuwa pa ring sabi nito.

"Of course naman. So, malapit ka na ba?"

TINITIGAN SI CASS nang mabuti ni Manong Guard habang hawak hawak nito ang Voter's ID niya. Strikto kasi ang policy ng kompanya ng binata pagdating sa mga bisita. "Hmm, ano ulit ang pinunta mo rito, Miss?" Tanong ng security guard matapos ibalik sa kanya ang ID niya.

"Bibisitahin ko lang po si Mr. Ansel Dela Cruz," wika niya.

"May official business ka ba, Miss? Hindi ka kasi nakalagay sa Visitor's Information System namin, e. Pwede mo bang tawagan si Sir?"

Huminga siya nang malalim. Si Ansel lang ang contact niya sa lugar na iyon at halatang hindi naman siya nito kakausapin kahit tawagan niya ito. Wala naman siyang opisyal na business sa lugar na iyon at ayaw niya namang magsinungaling at baka iba ang mangyari kung mabuko siya.

"Manong, kailangan ko po talaga siyang kausapin... Mukha kasing may balak po siyang patayin ang sarili niya sa trabaho. I mean, chi-ne-check niyo po naman ang time in time out records ng mga empleyado di'ba? Paki-check nga po ang file niya at tignan niyo po kung kailan siya last na nag-time out."

Saglit naman siyang tinitigan ni Manong Guard bago nito ibinaling ang atensyon sa computer at ch-in-eck ang pinapa-check niya. Tumango tango naman ito. "Hindi pa nga lumalabas si Sir. Pero, Miss, minsan talaga kailangan mag-overnight ng ibang empleyado rito. Baka busy na busy lang talaga si Sir."

Gusto na niyang sigawan ito ngunit nagpigil siya. Ginagawa lang naman ni Manong Guard ang trabaho nito at wala siyang karapatang mang-bulyaw ng kung sino. Napahilot na lang siya ng sentido. "Sige, ganto na lang ho, Sir. Ayaw niya po kasi akong pansinin. Pwede niyo po bang pakitawagan? Sabihin niyo po may naghahanap sa kanya?"

Mukha namang naawa sa kanya si Manong Guard dahil tumango na ito at nagsimulang may tawagan sa walkie-talkie. Saglit na may kinausap si Manong Guard bago siya hinarap. "Ano po bang relasyon niyo kay Sir, Miss?"

"Wala pa po e. Konting push pa."

Napangiti naman si Manong Guard sa sinabi niya. Hindi ito nanghingi ng elaboration at ipinatawag na lamang nito sa kausap ang binata. Habang naghihintay ay pinagiisipan niya kung ano ang gagawin niya kung sakaling hindi pumayag ito. Tinignan niya na rin mabuti ang security system ng entrance para malaman kung kaya niya bang pumuslit sa loob. Yeah, as if.

"Are you Caz?" Tanong ng isang boses na hindi niya kilala.

Gulat na napatingin siya sa kung sino man iyon dahil ang alam niya si Ansel lang ang gumagamit ng nickname niyang iyon. Ang nalingunan naman niya ay isang babae na nakilala niya agad. Ito ang isa sa mga kausap ni Ansel sa waterslide noon. Tinanguan niya ito.

Ngumiti ang babae sa kanya at mukhang natutuwang makita siya. "It's nice to finally meet you. I'm Agnes, by the way," in-offer nito ang kamay nito na tinanggap niya naman, ngunit bago siya makapagsalita ay naunahan naman siya ni Manong Guard.

"Miss, sorry. Hindi namin ma-reach si Sir, e," binalingan naman nito si Agnes. "Good afternoon, Miss Agnes."

"Good afternoon, Kuya Jeff," bati naman ni Agnes. "Si Ansel ba 'yan?"

"Opo, Ma'am. Hindi daw po nila matawagan."

Napabuga na naman si Cass ng hangin. Pinanindigan talaga ng binata na iwasan siya na pati hanggang sa pinagtratrabahuan nitong kompanya ay hindi niya ito mahagilap.

"Kuya, papasukin mo na si Caz," wika ni Agnes na ikinagulat naman ni Cass. "Ako na ang bahala sa kanya. Paki-list na lang siya as visitor ni Ansel. Mamaya ko na siya i-va-validate sa VIS."

"Pero, Miss--"

"Don't worry, Kuya. I'll take full responsibility."

Ngumiti pa si Agnes at napatango na lang si Manong Guard. Hindi naman makapaniwalang napatingin si Cass dito at hindi niya alam kung bakit nito ginawa iyon. Nang lumingon si Agnes sa kanya ay marahang pinisil nito ang balikat niya.

"Never ko pa nakita si Ansel na sobrang nagpakasubsob sa trabaho. At kahit pa nakaka-amuse siyang makitang ganon, hindi na maganda sa health niya," wika nito at inaabot sa kanya ang Visitor's Pass. Tinanggap niya naman iyon. "You need to talk to him, okay? I'll make it happen, just get him out of the Rabbit Hole."

Idinaan nito ang ID sa scanner at sumunod naman siya bago tanungin ito. "Bakit mo naman kami tutulungan? I mean... baka masibak ka dahil dito."

Umiling lang naman ito at nanatiling nakangiti. "I'm fine. Importante rin sa akin ang well-being ng team members ko. Kung makakatulong naman kay Ansel ang pagdating mo ay madali lang naman i-explain sa Management. Tsaka... kung hindi mo naitatanong, I owe him a lot. Kung hindi dahil sa kanya hindi ko na-meet ang hubby ko."

Nagsimula pa itong magkwento tungkol sa mga bagay na nagawa ni Ansel para rito at sa iba pang membro ng team ng binata. Nakinig naman siya at napatango na lang. Hindi man siya makapaniwala sa ibang sinabi nito ngunit hindi niya rin naman ma-deny na maari ngang gawin ng binata iyon.

Sa ilang araw na magkasama sila ay alam niya kung paano mag-alala ang binata. At kahit ano man ang ma-miss nito ay ito mismo ang magsasakripisyo para makatulong sa ibang tao. He was a master of small gestures. And it was one of the reasons why she fell for him in the first place. Before and After.

SA TAPAT NG ISANG kwartong nagngangalang 'Owl's Room', dinala ni Agnes si Cass. Iyon lang ang nag-iisang kwarto sa pasilyong iyon. Kulay puti ang pinto at may insignia ng isang natutulog na owl. Sa doorknob naman ay may nakalagay na sign na 'Do not Disturb'. "Um..." Napaturo siya sa naturang sign. "Andyan siya sa loob?"

Nakangiting tumango naman si Agnes. "Diyan tumatambay lahat ng mga may matitinding deadline. Mahirap kasi mang-distract ng mga programmers at iba ang mga mood nila lalo na kapag ilang araw na silang hindi natutulog. Don't worry though, mag-isa lang siya diyan, walang mang-didistorbo sa inyo."

Ngunit dahil sa sinabi nito mas nag-alala naman siya. Dahil paano naman kung ayaw siyang papasukin ng binata? Paano kung wrong timing siya at bulyawan siya bigla nito?

Mukha namang napansin ni Agnes ang pag-aalala niya dahil marahang tinapik nito ang balikat niya. "Relax. Kinaya mo naman siya ng ilang araw, siguro kakayanin mo rin ngayon. Tsaka, kung may mangyari man, sumigaw ka na lang, may laging umiikot na security guard dito."

Mabilis naman siyang napailing sa sinabi nito. Kahit naman siguro puyat ang binata ay wala naman itong gagawing masama sa kanya. "W-Wala naman sigurong mangyayari... Ah, bago ako pumasok, saan ang malapit na vending machine?"

Itinuro naman ni Agnes ang vending machine na malapit lang naman pala sa Owl's Room, nasa kabila lang kasi iyon at halos magkatapat lang ng naturang kwarto. "Para hindi na sila maglakad pa sa malayo," anito at sinamahan siyang maglakad roon.

Kumuha naman siya nang maaring makain ni Ansel at ng paborito nitong kape, dinagdagan niya pa iyon ng ibang inumin para kung sakaling ginawa na pala ng binatang lifeline ang kape ay hindi pa siya ang maging rason para biglang mag-palpitate ito.

Nang matapos siya ay siya na mismo ang nagprisintang harapin ang binata nang mag-isa. Nakangiting g-in-ood luck naman siya nito bago siya hinayaang umalis. Agad siyang pumunta sa Owl's Room at bago pa mag-iba ang isip niya ay binuksan na niya ang pinto. Mabilis lang na bumukas iyon at walang nasa loob.

Ang naroroon lang ay isang laptop at isang monitor na naka-open at kasalukuyang nagpapakita ng mga screensaver. Kung hindi pa isang Regular Show wallpaper ang nakita niya ay hindi niya pa maiisip na si Ansel ang may-ari noon.

"Sabi nila andito ka, asaan ka na naman, Ansel?" Tanong niya sa silid, habang iginagaya ang paningin sa kabuuan nito. May isang kama roon at may maliit na bar kung saan may coffee machine. May kitchen sink rin at bagong hugas na mga baso. Mukha ngang nagbabad ang iniirog niya sa kape.

Naroroon rin ang maleta ng binata at nakabukas iyon. Sa tabi ng maleta ay naroroon ang mga regalo nitong kinuha nito sa kanya. Magkapatong patong na naka-display iyon sa lamesa kung saan may mga iba pang pinagbalatan ng mga pagkain na kinuha nito mula sa vending machine.

Lumapit siya sa C.R. at kinatok iyon. "Tumatae ka ba sa loob?" Tanong niya kahit alam niyang imposible iyon dahil kung totoo man ay dapat may naririnig siyang tubig o nahihirapang daing sa loob.

Napailing siya sa sarili at naupo na lang sa upuan nito. Inisip niya kung ano man ang plano niyang sabihin sa binata, ngunit parang hindi na niya maalala ang iba roon. Nakakatawa pa ngang nag-re-rehearse siya ng tatlong araw at nakailang draft pa siya sa kanyang journal. Pero ni isa roon wala siyang maalala. "Asaan ka na ba kasi, Ansel?"

And as if to answer her question, narinig niya ang pagbukas ng pinto at pumasok ang kanyang iniirog. Hindi ito nakatingin sa kanya dahil nasa baba ang paningin nito. Mukhang kakadaan lang nito sa vending machine dahil may akay akay itong pagkain. Isa lang ang napansin niya at iyon ang mukhang kailangan na kailangan nga nito ng tulog.

Mas maitim na kasi ang eyebags nito kaysa sa dati. Medyo pale na rin ang complexion nito. At kahit mukhang nagpalit at naligo man ito ay mukhang hindi naman ito masyadong concerned kung maayos ang histura nito.

Mukha kasing gusot ang suot nitong polo at hindi pa iyon nakabutones ng maayos. Kung saan saang direksyon naman ang tinutungo ng kulot nitong buhok na usually nagpu-puff out lang sa harapan. Pigil ang hiningang hinintay niyang tumingin ito sa kanya.

Hindi naman naglaon ay nakaramdam ito at dahan dahang itinaas nito ang mga mapupungay nitong mata.

"You look like shit," nakangiting komento niya. "Hello, Ansel."

Saglit lang itong nagulat ngunit mabilis pa sa alas-kwatrong nawalan ng emosyon ang mukha nito. "Oh. I'm hallucinating now. Good."

Napailing siya sa sinabi nito at mas lalo na ng kaswal lang itong bumalik sa upuan at nagsimulang tumipa sa laptop nito habang kumakain.

"Ansel, I'm real," wika niya. Mahina niya pang pinisil ang tuhod nito. "Andito talaga ako. Binisita kita kasi sabi nila may plano ka atang patayin ang sarili mo. At tama sila, kailangan mong magpahinga."

Saglit siyang pinasadahan nito ng tingin. Nag-a-alangan naman siyang tumingin dito pero pinanatili niya pa rin ang ngiti sa kanyang labi.

"Oh... um, okay," walang emosyong sabi nito. "Busy ako, Cassidy. Pwedeng mamaya na lang?"

Pakiramdam niya ay sumikip ang kanyang dibdib sa sinabi nito. Ang cold kasi nitong magsalita na parang bumalik na naman ito sa College Self nito. Na parang hindi ito nag-iwan ng isang audio love confession para sa kanya.

Ang bilis mo namang magbago? Or are you protecting your heart against me, Ansel?

Huminga siya nang malalim at binuksan na lang ang pagkain na kinuha niya mula sa vendo at nagsimula siyang lantakan iyon. "Ang plain naman ng pagkain na ito. Kelan ka huling kumain ng kanin?" Naitanong na lang niya kahit alam niyang pwedeng hindi sumagot ito.

"Kahapon, hindi ko lang din naubos kaya ipinamigay ko sa aso sa compound," kaswal na sagot ng binata. "Kapag busy ako, minsan wala akong ganang kumain. Kung hindi lang talaga magsasalita ang tiyan ko ay hindi ako kakain."

Flat pa rin ang tono nito ngunit dahil sumagot ito ay mukha namang hindi pa siya tinataboy nito. Kaya mas nilakasan na lang niya ang kanyang loob at iniabot niya rito ang inuming binili niya, mukha kasing kape na naman ang kinuha nito mula sa vending machine. "O, eto. Tea 'yan. Mahirap na at baka mag-palpitate ka kapag puro kape ang iniinom mo."

Hindi man siya tinitignan nito ay kinuha naman nito ang ibinigay niya. Binuksan rin nito ang inumin at uminom nang kaunti bago nito isinara at inilapag ang inumin sa lamesa.

Mabilis ang pagtipa nito sa sariling laptop at ma-a-amaze sana siya ngunit isipin pa lang na tatlong araw na nitong ginagawa iyon ay mas sumakit lang ang kurot ng konsensya sa kanya. Alam niyang trabaho ni Ansel iyon pero siya naman ang dahilan kung bakit bigla nitong naisip na gawin iyon.

"Ansel," sinubukan niya uling magsalita. "Can we talk?"