Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Broken Melody

🇵🇭mhannwella
--
chs / week
--
NOT RATINGS
5.6k
Views
Synopsis
Despite living a life of ease, Melody Eloise Velasco still feels that something in her is lacking. She is craving for the feelings of familiarity and belongingness that seemed to have been lost when they left to migrate abroad. Thinking that the gaping hole in her existence can only be filled if she can go back to her homeland, Melody went back to the Philippinesㅡonly to be welcomed by things she least expect to encounter. Mga multo ng nakaraan. Mga sikretong hindi dapat malaman. Mga katauhang mapanakit. Mga salitang mapanlinlang. When the music of the past started to play with a melody that can break your present, are you still willing to listen?

Table of contents

VIEW MORE

Chapter 1 - Prologue

Mula sa nakabukas na bintana sa malayo ay matatanaw kung paanong ang buwan ay kinukubli ng mga ulap, habang ang mga tala ay tila nagtatago sa malawak na kalangitan.

Ang normal na kadiliman ng gabi ay lalo pang dumilimㅡna para bang kahit ang langit ay nais na ring magtago para hindi na masaksihan ang kasamaan ng mundo.

Isang impit na tili ang biglang umalingawngaw. Nang marinig iyon ay lalong isiniksik ng babae ang kanyang katawan sa likod ng makapal na kurtinang pinagtataguan. Ramdam niya ang lamig ng marmol na dingding na sinasandalan. Pinagsalikop niya ang dalawang nanlalamig na mga kamay at pinilit na pakalmahin ang mga iyon sa takot na baka kahit ang kanyang panginginig ay lumikha ng ingay.

Ilang oras na ang nakalilipas magmula ng may manloob sa malaking mansyong iyon. Ilang mainit na katawan na rin ang tuluyan nang nanlamig matapos agawan ng buhay. Ang mga pagtangis at pagsigaw na sinundan ng tunog ng pagbagsak ng katawan sa sahig ay hudyat na inuubos na ng mga nanloob ang mga kasambahay at guwardiya doon. Mukhang ang ititira lamang nila ay ang pinakamahalagang taong tunay nilang pakay.

Bagaman madilim ang paligid ay nagawa niyang maaninag mula sa maliit na kiwang ng kurtina ang mga taong naroon sa loob ng malaking silid. Bukod sa tatlong armadong lalaking tahimik na nakamanman sa may gilid ay may dalawa pang tao sa bandang gitna ng kwarto na sobrang pamilyar sa kanya.

Sa muling pagsilip ng buwan ay natamaan ng liwanag ang parte ng silid kung saan nakapwesto ang mga ito. Lalong naging malinaw sa kanyang paningin ang itsura ng lalaking nakatayo sa gitna habang tinututukan ng baril ang isa pang mas matandang lalaking nakagapos sa isang silya.

Napatakip ng bibig ang babae nang makita ang kaawa-awang lagay ng matanda. Umaagos ang dugo mula sa noo nito at ang kaliwang pisngi nito ay nagkukulay ube na dahil sa labis na pagkabugbog.

"Pano mo nagawa sa akin 'to?" ani ng matanda sa mahinang tinig. "Itinuring kitang parang sarili kong anak..." Bahagyang nanginig ang boses nito. "Nang mamatay ang iyong mga magulang, ako na ang sumuporta sa 'yo. Anong nangyari? Anong..." Sandaling suminghap ang matanda na tila ba kinakapos ng hininga. "Hindi ko lubos-maisip..." dugtong pa nito. Bumakas ang sakit, galit at labis na pagkadismaya sa kanyang mukha nang tingnan at ilingan ang lalaking kaharap. "Wala kang utang na loob."

Isang malakas na tawa ang naging tugon ng lalaki sa natanggap na panunumbat. Ibinaba nito ang hawak na baril at nagsimulang maglakad nang mabagal sa harap ng matanda. "Walang utang na loob?" sagot nito. "Utang na loob ba ang gusto mong pag-usapan?" Huminto ito at galit na binalingan ang matanda. "Tinulungan mo ako, oo. Pero lahat ng tulong mo sa akin ay pinaghirapan ko. Hanggang sa lumaki ako ay pinagsisilbihan kita.

"Ang laki ng ambag ko para mapalago 'yang kompanya mo na hindi mo naman maitatayo nang wala ang tulong ng aking mga magulang! Ilang beses mo bang sinabi na kung pag-iigihan ko pa ay sa akin mo ipapamana ang kompanya? Tapos dumating lang 'yang nagmamagaling na asawa ng anak mo, parang nabalewala na ako!"

Ilang segundong katahimikan ang lumipas bago nagsalita ang matanda. "Alam mo kung ano ang tingin ko sa'yo ngayon?" ani nito. "Isang lalaking kinain na ng inggit kaya hindi makapag-isip ng tuwid. Nakakaawa..."

Sa isang iglap ay lumagapak sa sahig ang matanda kasama ang silyang kinauupuan dahil sa malakas na pagkakatadyak dito ng lalaking kausap. Dulot ng labis na sakit at pagkabigla sa pwersang natamo ay napaubo ang matanda na sinundan ng pagdaing.

Tumindi ang panginginig ng katawan ng babae sa nasaksihan. Humigpit ang pagkakatakip niya sa kanyang bibig para pigilan ang ano mang ingay mula sa sarili.

"Sige... patayin mo na ako, gaya ng pagpatay mo sa anak ko..." hinahapong saad ng matanda. "Ikaw 'yon diba? Ikaw ang..." Suminghap ang matanda at sinubukang bumangon. "...demonyong may gawa ng lahat. Ikaw ang..." Hindi nagtagumpay ang matanda sa pagbangon. Padapa itong bumagsak sa sahig. "Bakit... Bakit...?"

Parang nilukot ang puso ng babae nang marinig ang pagkabasag ng boses ng matanda. Uminit ang sulok ng kanyang mga mata. Inalis niya ang pagkakatakip sa bibig at nanghihinang isinandal ang ulo sa dingding.

"Talagang papatayin na kita para mapasaakin na kung ano ang dapat ay sa akin," mariing sagot ng lalaki at tinutukan ng baril ang matanda. "Bago pa mawala ang mga pinaghirapan ko ay uunahin na kita."

Tatlong magkakasunod na pagkalabit sa gatilyo ang muling nagpahiyaw sa matanda sa sobrang sakit. Isang tama sa paa, sa braso at sa balikat... hanggang sa huminto sa may direksyon ng ulo nito ang nakatutok na baril.

"Alam niyo na kung anong gagawin pagkatapos nito," utos ng lalaki sa mga kasamang tauhan.

Sunod-sunod na ubo ang muling pinakawalan ng matanda bago unti-unting tumawa. "Mawala man ako sa mundong ito... at kahit ano pa ang gawin mo... Hinding-hindi mo makukuha ang gusto mo. Tandaan mo 'yan."

Bago pa maiputok ng lalaki ang baril ay nagmamadali nang naglakad ang babae papunta sa pintuan. Kasabay ng kanyang bawat paghakbang ay ang unti-unting pagbigat ng kanyang dibdib dahil sa sobrang daming emosyong nararamdaman. Maingat niyang tinungo ang isang pamilyar na silid at nang makapasok doon ay napaupo na lamang siya sa sahig dahil sa sobrang panghihina.

Nagsimulang mag-unahan sa pagpatak ang mga luhang kanina pa niyang pinipigilan. Niyakap niya ang kanyang mga tuhod at kinagat ang pang ibabang labi para mapigilan ang paghikbi. Ilang minuto siyang nanatili sa ganoong posisyon habang nakatingin lamang sa kawalan.

Kahit nang marinig ang ilang yabag sa labas ay hindi man lang siya natinag. Kung mahuli man siya at mapatay din... wala na siyang pakialam.

Bahagya lamang natauhan ang babae nang biglang umalingasaw ang amoy ng gas na sinundan ng pagpasok ng usok mula sa kiwang ng pintuan. Ang kaninang madilim na silid ay unti-unting nagkaroon ng liwanag dahil sa apoy na unti-unti ring tumutupok dito.

Napatingin siya sa isang malaking frame na nakasabit sa kaliwang dingding ng kwarto. Makikita roon ang larawan ng matandang may-ari ng mansyong iyon, na kanina'y sinaktan at siguradong kinitilan na rin ng buhay.

Sa baba ng larawan ay nakaukit sa kulay ng ginto ang pangalan ng matanda na kahit hindi niya kadugo ay sobrang naging malapit sa kanya.

Fernando Sinclaire

Tuluyan nang kumawala ang hikbi ng babae. Gusto niyang magwala. Nais niyang saktan ang sarili dahil sa mga bagay na hindi niya lubos matanggap.

Ang pagkamatay ng mga Sinclaire.

Ang kawalan niya ng aksyon para pigilan na mangyari iyon kahit alam niyang may pinaplanong pagpatay.

At higit sa lahat, ang katotohanang ang taong puno't dulo ng lahat ng ito...

Ay ang sarili niyang asawa.

Halos bumaon ang mga kuko ng babae sa kanyang palad dahil sa mahigpit na pagkakuyom ng mga kamao. Ngunit walang-wala ang sakit niyon sa sakit na nararamdaman niya at sa samu't saring negatibong emosyong pinangingibabawan ng paninisi sa sarili dahil sa taglay na kahinaan.

Napaubo ang babae nang tuluyan nang kumapal ang usok sa loob ng silid. Nahihirapan na siyang sumagap ng hangin at nanlalabo na rin ang kanyang paningin.

Mayamaya'y isang malalim na hininga ang kanyang pinakawalan. Sa isang iglap, biglang kumalma ang kanina'y nanginginig niyang katawanㅡtila ba isang tanda ng pagsuko sa nakaabang na kamatayan.

Dumako ang kanyang tingin sa malaking piano'ng nasa gitna ng silid. Wala sa sariling tumayo ang babae at tinungo iyon. Umupo siya sa harap nito, kinapa ang keyboard ng malaking instrumento, at dahan-dahang pinindot ang mga ito, 'di alintana ang apoy na unti-unting lumalamon sa kanya at sa buong kabahayan.

Matagal na niyang alam ang masamang plano ng asawa. Sinubukan niya itong kausapin noon na huwag nang ituloy ang mga binabalak. Napaniwala siya nitong hindi na nga nito uulitin ang unang pagkakamaling ginawa.

Pero siya pala ang nagkamali.

Kumalat na ang apoy sa buong kwarto ngunit patuloy pa rin sa pagtugtog ang babae. Ang mga luhang kanina'y nag-uunahang lumandas sa kanyang mga pisngi ay natuyo na kasabay ng pagkamanhid ng kanyang pakiramdam.

Hindi niya nagawang pigilan ang lalaki. Mahal na mahal niya ito. Ngunit tila may mga bagay pa itong higit na pinapahalagahan kesa sa kanya.

Tuluyan nang umabot ang apoy sa piano. Nagsimula na ring magbagsakan ang mga kahoy mula sa kisame.

Isinusumpa niya, hinding-hindi makukuha ng asawa niya ang kayamanang kanyang ninanais. Alam niya kung bakit sinabi ng matanda na hindi makukuha ng asawa niya ang gusto nito.

Dumampi na ang apoy sa balat ng babae ngunit tila wala itong naramdaman.

Tanging siya na lamang ang nakakaalam ng sikreto sa kayamanan ng pamilyang walang ibang binigay sa kanila kung hindi kabutihan, at hindi niya hahayaang malaman ito ng asawa niya.

Ang dami niyang nagawang maling desisyon na kahit hanggang sa kamatayan ay paniguradong pagsisisihan niya. Isa na roon ay ang labis niyang pagpapabulag sa damdaming binigyan niya ng sobra-sobrang pagpapahalaga, pero hindi naman pala tama ang idinidikta.

Gusto niyang makabawi, kahit buhay niya pa ang kapalit.

Muling natakpan ng makakapal na ulap ang buwan. Ngunit ang kanina'y madilim na kapaligiran ay nagkaroon na ng liwanag dahil sa apoy na patuloy na kumakalat sa kabuuan ng malaking mansyon. Bukod sa huni ng mga ibon, tunog ng kuliglig at ingay mula sa natutupok na kahoy, isang kanta ang tila nagsilbing hele sa kalaliman ng gabi.

Unti-unti, ang malungkot na musika ay napalitan ng nakakapangilabot na tunog. Nasira ang magandang melodiya nito kasabay ng paglamon ng apoy sa babaeng tumutugtog.

Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa kanyang nga labing nilapnos na ng nagbabagang apoy.

Hinding-hindi ka magiging masaya.

Kung kinakailangang dalhin niya hanggang sa kamatayan ang sikreto... gagawin niya.

BROKEN MELODY

Rewritten ⓒ 2019

All rights reserved.