"Joaquin aalis na kami ng anak mo." sigaw ng asawa nito mula sa sala ng kanilang bahay.
Mula sa kusina ay agad naman nagpunas ng kamay at tumigil si Joaquin sa kanyang ginagawa saka pumunta sa sala.
Nakita nito ang mag-ina niyang nakatanaw sa kanya.
"Ang aga naman ng alis ng mga mahal ko, Aira ikaw muna ang maghatid kay Odessa para matapos ko ng gawin yung tumatagas na tubo ng gripo sa kusina, mag-ingat kayo ha?" wika nito.
Tumango ang asawa nitong si Aira. "O sige tutal pupunta naman ako sa palengke pagkatapos ko siyang ihatid, maglalakad nalang kami. " sagot naman nito sabay himas sa buhok ng kanilang anak.
Masiglang gumayak ang mag-ina palabas ng kanilang bahay.
"Odessa, ayusin mo ang kwelyo ng iyong uniporme." wika ng kanyang ina, habang sila ay naglalakad.
Saglit na tumigil ang mag-ina sa paglalakad, agad inayos ni Odessa ang kwelyo ng kanyang uniporme pagkatapos ay tumingin sa ina at ngumiti.
Patuloy silang naglakad patungo sa Eskwelahang pinapasukan nito. Natatanaw pa nila ang mga kapwa estudyanteng gagayak din papasok ng paaralan, ang ilan ay nakasakay sa mga sasakyan, ang iba naman ay katulad nilang naglalakad.
"Mama, bakit po ba inihahatid niyo parin ako ni Papa sa Eskwelahan? Eh Grade 12 naman na ako? Di naman na niya kailangang gumamit ng motor para ihatid ako e dalawang kanto lang naman ang layo ng ating bahay sa school ko e."inosenteng tanong ni Odessa.
Tinignan lang siya ng kanyang ina habang nakangiti.
Napabuntong-hininga si Odessa, "Ma, kaya ko naman na po ang sarili ko e, nextime po sasabihin ko kay Papa na wag niya na akong ihatid." sagot uli nito.
Wala paring tugon ang kanyang ina, kaya napailing nalang ang ito.
Saglit pa ay natanaw na nila ang bukana ng gate ng paaralan.
"mag-iingat ka Odessa." wika ng kanyang ina.
Tumango naman ito bilang tugon.
Hinawakan ni Aira ang balikat ng kanyang anak.
"Anak, wag mo sanang masamain itong ginagawa paghahatid at pagsundo sayo, iniingatan ka lang namin ng Papa mo. Mahal ka namin ayaw lang namin na mapahamak ka." sagot nito.
Ngumiti naman at tumango uli si Odessa pagkatapos nito ay tumalikod na sya at humabang pasulong sa gate ng kanyang Eskwelahan.
Bago ito tuluyang pumasok ay humarap pa ito sa nakatanaw na ina at kumaway bilang pagpapaalam na agad naman nitong tinugon.
Mabilis na lumipas ang maghapon, tahimik na naglakad si Odessa palabas ng paaralan, sunod sa agos ng mga estudyanteng sabik naring makalabas.
"Ingat sa pag-uwi ganda."
Napalingon siya sa kanyang kaliwa at napangiti. Nagpasalamat pa siya sa guwardiya ng kanilang Eskwelahan, bago tuluyang makalabas ng gate nito.
Agad siyang luminga sa paligid, wala siyang makitang bakas ng naghihintay na ama o kaya naman ay ang kanyang ina.
Napakunot ang kanyang noo, dati rati'y ganitong oras kada uwian nakaabang na ang kanyang ama na nakasandal sa motor nito upang sunduin siya at igayak pauwi pero ngayon ay wala siyang nakikita ni anino nito.
Tinignan niya ang kanyang orasang pambisig, naisip niya na marahil ay baka maaga lamang silang pinalabas ng kanyang guro sa huling asignatura kaya naman wala pa ang kanyang ama.
"Nasaan na si Papa? Mukhang sinabi ni Mama sa kanya na hindi na ako ihatid at sunduin ah." natanong niya sa kanyang sarili.
Napabuntong-hininga siya habang nakatanaw sa kalsada, ilang sandali lamang ay may narinig siyang tunog ng sirena galing sa di kalayuan.
Sinundan niya ito ng tingin, tinatahak nito ang rutang pa timog, at habang nakasunod siya sa rumaragasang sasakyan ay agad niyang napansin ang maitim na usok galing sa di kalayuang direksyon at tiyak siyang doon ang destinasyon nito.
Bigla siyang nakaramdam ng kaba, pataranta siyang napatakbo papunta sa pinagmumulan ng maitim na usok.
"Diyos ko, sana mali ang naiisip ko!" nasambit ni Odessa sa kanyang sarili.
Habang tumatakbo ay nakikita niya ang mangilan-ngilang mga taong tila naalerto na rin sa nagaganap na sitwasyon na panaka-nakang sumisilip sa maitim na usok na nasa himpapawid, sa tantiya ng dalaga ay lumalakas ang apoy nito base narin sa paglaganap ng itim na usok sa kalawakan.
Kita niya ang pagpasok ng sasakyan ng bumbero sa kanilang kanto. Tama siya nagaganap ang sunog sa kanilang barangay.
"Bumbero! Padaanin ang bumbero!" sigaw ng isang lalaking humahangos habang tinatabi ang mga kabarangay na nakaharang sa daraan ng sasakyan.
Tumakbo siya, nakakasalubong niya ang ilang mga kakilalang nagmamadali habang hawak ang kanilang sariling mga gamit at kapamilya.
"Tumabi ka!"
Napangiwi siya ng mabangga ang kanyang kanang balikat ng isang lalaking nagmamadali habang may hawak na balde ng tubig na marahil ay ibubuhos sa mga bahay na pinagmumulan ng apoy.
Hindi na niya ito ininda, nagmadali siyang tumakbo upang mabilis na makarating sa kanilang tahanan.
Ilang sandali pa ay tanaw na niya ang kanilang bahay na kasalukuyang nasusunog at inaapula ng mga bumbero.
Hingal kabayo siyang napahinto habang hawak ang magkabilang tuhod at nakatingin sa natutupok nilang tahanan, rinig din niya ang mga hikbi at iyak ng mga bata at matatandang nakamasid sa kanilang sari-sariling tahanan na natutupok na ng apoy.
Nangilid ang kanyang mga luha, napasinghap siya, hinanap ng kanyang mga mata ang dalawang taong importante sa kanyang buhay.
Mahigpit niyang hinawakan ang magkabilang strap ng kanyang itim na bagpack at pinilit na makapasok sa mga taong nagkukumpulan at nagmamasid sa sunog.
"Ma! Pa! Asan kayo?"
Hindi niya iniintindi ang mga taong nasa paligid, patuloy siya sa kanyang ginagawang pagsambit upang makita ang kanyang mga magulang.
Napatigil lamang siya ng biglang may humawak sa kanyang balikat.