"I'm sorry. Hindi namin pwedeng i-publish itong gawa mo," prangkang sabi ng editor ng Green Ink Publishing House sa babaeng nag-alok ng draft sa kanya.
"Ano? Hindi niyo po ba alam na number five ito sa fantasy category sa Wattpad? Maraming readers ang nag-aabang na i-publish to. Ayaw niyo po ba ng maraming pera?" hindi makapaniwalang tanong ng babae. Pakiramdam niya'y may tumapak sa puso niya pero kaagad na napalitan ng galit ang dapat sana'y mga luhang nagbabadya.
Ang totoo, maayos at maganda naman ang pagkakasulat ng draft. Malaki ang potensyal kung sales ng copies ang batayan, pero mayroong hinahanap na kalidad ang kanilang publishing house na wala sa storyang iyon. May something. May kulang.
"Ms. Li, umuwi ka na."
Nag -ring ang cellphone ng editor ng publishing company. Sinagot niya ang tawag at hindi pinansin ang makulit na nagpasa ng draft.
"Please do consider—"
"Shh. Yes? Oh. Okay. Sige sandali bababa na ako . " Turan nito sa kung sino mang kausap sa telepono at iniwan na siya ng editor sa loob ng opisina sa pagmamadali .
"Arggh! Ano ba kasing problema niya? Ang ganda kaya nitong gawa ko! Palibhasa yung mga cliché na storya ang gusto nilang I-publish. Mga walang kwenta! Wala man lang ka twist-twist? Ang boring kaya nun!" Parang baliw si Angie na kinakausap ang sarili habang mabilis na naglalakad palabas ng building ng Green Ink Publishing House. Kailangan niyang makaalis kaagad dahil nag-iinit talaga ang ulo niya.
Umupo si Angie sa isang bench sa park malapit sa publishing house. "Hay! Bwisit! Kung ayaw nila, edi wag ! Punyeta ! Akala nila? Huh! Sinayang nila ang pagkakataon." Nagmumura habang nakatitig pa nang masama sa building na kanyang pinanggalingan. Pangarap niya na ma-publish ang kanyang mga gawa sa publishing house na iyon simula pa noong highschool. Kaso, eto bigo.
Nakatitig lamang si Angie sa mga taong dumadaan habang kino-comfort ang sarili sa kanyang isip. Teka, comfort nga ba? Kung ang pagcomfort para sa'yo ay yung inuulit-ulit mo sa isipan mo kung gaano ka taas ang naabot mo, swerte ka sa lahat, at ang tanggihan ka ay malaking kawalan para sa ibang tao dahil ikaw daw ang pinakamahusay, edi yun na yun. Comfort nga yun na may kasamang pagyayabang.
Samantala, sa di kalayuan, ay may babaeng nakatayo lamang. Patingin-tingin sa palagid na para bang naghahanap ng target. Nakasuot siya ng kulay itim na short, at spongebob na T-shirt. Maikli ang itim na buhok. Medyo pango ang ilong at medyo bilugan ang mata. Gayunpaman, kasing puti ng labanos ang kulay ng balat niya. Kahawig niya ang dating kaklase ni Angie.
Napahinto ang mata niya sa babaeng mataray ang mukha na nakaupo sa bench. Tinititigan niya sa malayo si Angie at napangiti. Sa unang tingin pa lang, alam na niya ang lahat kay Angie. "Hmm, mukhang may nangangailangan ng aming kapangyarihan. "Sa isip niya.
Naramdaman ni Angie ang pagkulbit sa kanya. Nagtataka siyang lumingon sa bandang kanan niya. "Hi. " Napakunot ang noo niya. Hindi kasi niya namumukhaan itong babaeng bigla nalang nanggulbit sa kanya.
"Angie Li! Hindi mo ba ako natatandaan? Ako to, si Glendelle Parreno. "
"Ha?"
"Yung kaklase mo nung first year highschool, remember? " nginitian siya ni Glendelle, hinihintay na maalala siya ni Angie.
Tinaasan lang siya ng kilay ni Angie dahil wala talaga siyang maalala na ganun ang mukha na naging kaklase niya. At isa pa, mahalaga pa ba yun? Ang tagal na nun eh.
"Ah. Naalala mo pa ba? Ako yung kaklase mo noon na nagbabasa ng mga drafts mo tapos pinapa-critique mo sa'kin bago mo i-post sa wattpad account mo. Ako pa nga ang unang nakakabasa ng mga gawa mo eh. Tanda mo ba?"
May naalala nga si Angie na ganung kaklase. Pero ang weird lang dahil di niya talaga matandaaan ang mukha ng kaklase niyang si Glendelle noon.
"Ah.." sabat nito na walang pakealam. Noon yun. Iba na ngayon. Di na daw kailangan ni Angie ng magki-critique ng kanyang gawa dahil mahusay na siyang magsulat.
"Ang taas ng tingin sa sarili ah. Tignan natin, " sa isip ni Glendelle.
"Wow! Ikaw pala ang author ng CyberHome? Grabe. Avid reader ako niyan sa Wattpad! " Kungyari ay namamanghang sabi ni Glendelle matapos hablutin ang draft na dapat sana ay ipapasa ni Angie.
"Akin na nga yan!" hinablot ni Angie pabalik ang draft ng Cyberhome.
"Oo ako nga. Ang galing ko di ba? Number five yan sa wattpad at magna-number one sana kung hindi lang sipsip yung writer ng She's dating the wildflower prince sa mga readers niya."
Normally, hindi nakikipag-usap si Angie sa kung sino- sino. Pero kailangan niya ng mapaglalabasan ng sama ng loob ngayon. Kailangan niya ng kakampi.
"Swerte ka, ikaw pa lang ang fan ko na na nabigyan ko ng fansign."
"Salamat! Nga pala, bakit ka may dala-dalang draft?"
"Obvious ba? Syempre ipapasa ko 'to dapat sa lecheng Green Ink Publishing House na yan. Duh! Kaso ang mga tanga, hindi nila tinanggap. Mga walang taste. "
"Maganda naman yung mga gawa mo. Kaya lang may kulang eh."
"Walang kulang! Perfect ang mga gawa ko! Duh! Akala ko ba avid reader ka ng Cyberhome ko? Akin na nga yan! Babawiin ko yung fansign ko! "
"Bahala ka. Payong kaibigan lang naman yun. Pero kung gusto mong matupad yang pangarap mo..." sabay tingin ni Glendelle sa gusali ng Green Ink Publishing House. "Matutulungan kita. Ora-mismo, tanggap yan. "
"Ikaw? Bakit? Ano bang maitutulong mo? " Don't tell me, May kapit si Glendelle sa loob ng publishing house na iyon?
"Tutulungan kita, kung sasama ka sa'kin.Tara."
"At ano naman ang makukuha ko aber? " Tumaas ang kilay ni Angie.
"Matutupad ang pangarap mo nang walang kahirap-hirap. Effortless. Ayaw mo ba nun? Poof! Parang magic!"
Pangarap. Ambisyon. Itinulak nito ang mga paa ni Angie Li na sumama kay Glendelle.
Si Glendelle na hindi naman Glendelle ang totoong pagkatao.