Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 4 - Where am I?

Chapter 4 - Where am I?

MAKAPAL na dagundong ang umalingawngaw sa pandinig ni Lexine na humatak sa kanya pabalik sa kamalayan. Dahan-dahan niyang iminulat ang mabibigat na mga talukap. Tila tinutusok ng libo-libong karayom ang sintido niya. Sa una ay bahagya pang malabo ang kanyang paningin. Matapos ang ilang sandali at unti-unti ring nagkalinaw ang lahat.

Patong-patong na mga sako at sira-sirang kahoy ang una niyang napansin nakatambak sa paligid. Biglang kumislap ang liwanag ng kidlat kasunod ng malakas na kulog. Natanaw ni Lexine sa `di kalayuan ang isang malaking sand mixer machine na tila pinaglumaan nang panahon. Madilim ang buong kapaligiran at tanging malamlam na ilaw mula sa isang fluorescent lamp sa kisame ang nagbibigay ng liwanag. Where am I? What is this place?

Napalitan ng panlalamig ang pakiramdam ni Lexine nang mapagtanto na nasa loob siya ng abandonadong bodega. Sumigaw siya ng tulong pero ungol lang ang lumabas. Saka niya lang napansin na may tela palang mahigpit na nakatali sa kanyang bibig. Gano'n din ang lubid sa kanyang mga paa at kamay. Nagsimulang mag-unahan na tila mga kabayong tumatakbo ang pintig ng kanyang pulso. Sinung nagdala sa'kin dito? What do they want from me?

Nasagot din lahat ng katanungan sa kanyang isipan nang makarinig siya ng mga yabag na papalapit. Apat na bulto ng `di pamilyar na kalalakihan ang tumayo sa kanyang harapan. Tinamaan ng malamlam na liwanag ang mukha ng mga ito.

"Gising na pala ang prinsesa natin." Isang lalaking matangkad, moreno at malaki ang pangangatawan ang siyang unang nagsalita. Agad nakilala ni Lexine ang lalaki gawa ng ekis na peklat sa kaliwa nitong mata. Agad siyang naparalisa sa ilalim ng madilim nitong titig. Sapat na `yon upang manginig ang bawat kalamnan niya sa katawan.

"Jackpot tayo rito bossing, ah! Limpak-limpak na milyones ang katumbas ng ulo nito!" Sunud na dumikit kay Lexine ang pandak, mataba at maitim na lalaki. Nakatatakot ang mabibilog at halos luwa nitong mata na para siyang lalamunin ng buhay. Nakaduduwal ang matapang na amoy ng sigarilyo sa hininga nito; naninilaw ang mga ngipin nito na mukhang nakalimutan ng magsipilyo ng ilang buwan.

Lumapat ang papel de liha nitong palad sa kanyang pisngi. Impit siyang tumili habang pilit na iniwas ang mukha rito. "Ang kinis pa, bossing. Kutis baby!" tumawa ito na katunog ng biik.

`Di na napigilan ni Lexine ang paglabas ng sunod-sunod na hikbi. Nagsi-sink-in na ngayon sa kanya ang lahat. Na-kidnap siya at siguradong manghihingi ng ransom ang mga ito kapalit ng kanyang paglaya. Agad niyang naalala si Belle. Hindi niya ito makita sa paligid. Naiwan ba ito sa hotel room? Sinaktan ba nila ito? Hiling niya na sana'y ligtas ito.

Tinanggal ng lalaking may peklat ang panyo sa kanyang bibig. Mahigpit nitong hinawakan ang baba niya at pilit siyang hinarap dito. "Please, don't hurt me," bulong ni Lexine sa nanginginig na boses.

Kung pwede niya lang isiksik ang sarili sa ilalim ng upuan ay gagawin niya makapagtago lang sa masasamang loob. She feels like a little girl frightened of the shadows lurking in the corner of her room. This is just a bad dream, Lexine. It's all a bad dream and soon you'd wake up from this nightmare.

"`Wag kang mag-alala bata. Hindi ka namin sasaktan basta susunod ka lang sa gusto ko. Ayoko sa lahat `yung matigas ang ulo kaya mag-behave ka princess. `Di mo gugustuhin na makita `kong magalit."

Mabilis ang pagtungo niya sa takot na magalit ito. Ngumisi ang kidnapper bago binitiwan ang baba niya. Nag-uunahang tumulo ang mga luha na kanina niya pa pinipigilan. Ilang sandali pa at nag-dial ito sa cellphone.