"TEKA, SANDALI! Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan magandang binibini?" Narinig niyang saad ng lalaki. Ngunit, hindi pa rin niya ito pinansin kaya napilitan itong sumunod sa kanya.
"Hindi ko obligasyong sabihin ang pangalan ko sa iyo," mapakla niyang sagot habang abala kunwari sa paghimas sa buhok ni Godwin.
"Lubha ka namang magagalitin, Binibini! Kasalanan ba ang hingiin ang iyong pangalan?"
"Nasisiraan ka na ba? Hindi kita kilala! At ngayon lamang tayo nagkita!" singhal niya rito.
"May masama ba roon? Alam kong hindi ako nababagay na makipag-usap ang isang katulad mo. Isa lamang akong mangangaso, madungis, at... at guwapo." Pangungulit nito't sarkastikong ngumiti.
At ang taas din pala ng tingin ng lalaking ito sa kanyang sarili! Naisa-isip niya. Ngunit, pinili na lamang niyang huwag nang sumagot pa.
"Hulaan ko... isa kang anak ng may katungkulan sa palasyo, tama?" patuloy ng lalaki.
Naitirik niya ang mga mata sa kakulitan nito. "Ang pangalan ko ay Yna. Anak ako ng Punong Ministro ng Kris," pagsisinungaling niya. "Ngayon, masaya ka na?"
Napangiti ng maluwag ang lalaki. "Sinasabi ko na nga ba, e! Ngunit, sa ganda mong iyan... mukha kang prinsesa. Katunayan nga niyan, aakalain kong ikaw ang Mahal na Prinsesa ng Kris kung sa bayan tayo nagkakilala at hindi rito sa masukal na kagubatan." Alam ng lalaki na iilan pa lamang ang nakakakita sa prinsesa at hindi ito nagkakamali patungkol sa bagay na iyon.
Tinitigan lamang niya ang lalaki. Buti na lang at hindi siya nito kilala. Mapanganib para sa kanya ang paglabas-labas ng palasyo ngunit ito ang kanyang gusto. Gusto niyang kinu-kontra palagi ang kanyang ama. Sa tuwing maglalagi siya sa loob ng palasyo at magkukulong sa kanyang silid ay madalas siyang makaramdam ng paninikip ng dibdib.
"Ah, nakita mo na ba ang prinsesa?" muling tanong ng lalaki.
"Oo," tipid niyang sagot.
"Ang suwerte mo naman," saad ng lalaki. At ngingiti-ngiti.
"Ano naman ang masuwerte roon? Isa lamang din siyang ordinaryong babae na matigas ang ulo at palaging sinusuway ang kanyang ama. Nabihisan lamang din siya ng magarang damit at nasuotan ng koronang mas mahal pa sa buhay mo ang halaga!" matigas niyang sabi.
"Ang lupit mo namang magsalita! Hindi ka ba natatakot na maparusahan sakaling may makarinig sa iyo? Maaari kang maputulan ng dila!"
"Hindi ko kailangang matakot. Nagsasabi lamang ako ng totoo! Ang kaibahan lamang niya sa iba ay ipinanganak siya sa loob ng palasyo at naging isang prinsesa ng imperyo," mapakla niyang pagpapatuloy. Hindi niya gusto na magmukha ring Diyos ang imahe niya sa mata at isip ng lahat ng tao kagaya ng kanyang ama.
"Kakaiba ka rin," iiling-iling na saad ng lalaki. "Paano mo nasasabi ang ganyang bagay sa ating Mahal na Prinsesa?"
"Sasabihin ko kung ano man ang nais kong sabihin!" tipid niyang tugon. Pagkuwa'y sinenyasan niya ang lalaki na lumuhod.
"Ano?" Nakakunot ang noo ng lalaki. Hindi nito kaagad nakuha ang nais niyang ipahiwatig.
"Lubha ng mahaba ang oras na ibinigay ko para makipag-usap sa iyo. Bilang kabayaran, lumuhod ka rito sa may paanan ng aking kabayo," utos niya.
"Ha? Ano ang ibig mong sabihin?" naiiling na ngumiti ang lalaki at bahagyang napakamot sa ulo. "Luluhod ako riyan sa may paanan ng iyong kabayo?"
"Oo. At inuutusan kita bilang anak ng Punong Ministro ng Kris."
Mapaklang natawa ang lalaki. "Ibang klase! Sige, gagawin ko ang ipininag-uutos mo, Binibining Yna. Ngunit, may isa pa akong katanungan. At nais kong sagutin mo iyon."
"Luhod!" Hindi niya pinansin ang sinabi nito't muli itong inutusan.
"May katanungan muna ako!"
"Saka ko na sasagutin kapag nakasakay na ako sa aking kabayo."
Nagmamaktol na lumuhod nga ang lalaki sa may paanan ng kabayo ng prinsesa.
Napangiti siya ng may halong kapilyahan. "Babaan mo pa ng kaunti ang iyong likod upang makasampa ako ng maayos," muli niyang utos.
Bahagya niyang ini-angat ang manggas ng suot na damit at maging ang laylayan ng kanyang bestida. Pagkuwa'y itinapak na ang isang paa sa likod ng lalaki.
"Pambihira naman, oh! Ang liit na babae ngunit kay bigat!" asar na bulong-bulong ng lalaki habang nakababa ang katawan sa lupa.
Bahagyang tumigil si Prinsesa Kristine sa pag-angkas. Sinadya niyang tagalan ng kaunti upang pahirapan ito. "May sinasabi ka?" baling niya rito.
"Ah, ako? W-wala. Wala!" mabilis na palusot ng lalaki.
Sandali lamang siyang tumango-tango at ngingiti-ngiting ipinagpatuloy na ang pag-angkas sa kabayo.
"Ano ang hitsura ng prinsesa ng Kris?"
Nang mai-ayos na ang sarili sa ibabaw ng kabayo ay hinarap niya ang lalaki na noon ay nagpa-pagpag ng suot na pantalon na bahagyang narumihan.
"Ang prinsesa ng Kris ay isang napakagandang babae. Mahaba ang kulay ginto niyang mabangong buhok, may mapupulang mga labi, bilugan ang maganda niyang mga mata, at higit sa lahat... maputi at kasing lambot ng bulak ang makinis niyang balat," nakangiti niyang paliwanag.
"Nakuha mo na ba ang sagot na nais mong marinig? Maiwan na kita!" patuloy niya. At pinaharap na ang kabayo sa direksyon pabalik sa palasyo at inihanda ang sarili sa pag-alis.
"Sandali," pahabol na tawag ng lalaki. "Magkikita pa ba tayong muli?"
"Hindi na!" sigaw niya habang papalayo na ang kabayo. Binilisan pa niya lalo ang pagpapatakbo nito dahil tiyak niyang hinahanap na siya sa palasyo.
Naiiling na lamang itong nasundan ng tingin ng lalaki hanggang sa tuluyan na itong naglaho.
"Haay... Ito pala ang Kris."
Mula sa kanyang lokasyon ay tanaw na tanaw niya ang lungsod ng Beaurantes. Ito ang kapitolyo ng imperyo ng Kris kung saan matatagpuan ang palasyo ng emperador.
Base sa kanyang mga nakikita, masasabi niyang maunlad talaga ang lungsod na ito. Maraming naglalakihang istraktura ang nakapalibot sa palasyo na nasa puso ng lungsod.
Masuwerte siya na nasaksihan ng malinaw ang buong lungsod. Tuwing panahon ng tag-ulan kasi'y nagtatago ang kahariang ito. Palagi itong nababalot ng hamog o makapal na ulap dahil na rin sa mataas nitong lokasyon. Tuwing taglamig nama'y malakas at makapal ang pagbuhos ng niyebe sa kalupaan ng Kris. Lalo na sa hilagang bahagi kung saan matatagpuan ang lungsod ng Beaurantes. Na kahit mataas ang lokasyon ng lungsod ay hirap itong matagpuan ng mga naglalakbay dahil tila pansamantala itong binubura ng makakapal na niyebe. Kasabay ng makakapal na hamog. Halos kalahati ng taon ang ganitong panahon sa Kris.
Ngunit, kapag ganitong tag-araw, napakaganda nitong pagmasdan na tila nagniningning sa mga mata. Nagkukulay ginto ang buong lungsod sa tuwing ang haring araw ay nasa gitna na ng mataas na kalangitan. At kitang-kita rin ang halos walang katapusang kapatagang nalalatagan ng berdeng mga damo sa labas ng lungsod.
...itutuloy