Chapter 2 - PROLOGUE

✒1st Century BC (June, 100 BC) 

MABILIS ang pagpapatakbo ni Imperial Princess Kristine sa sinasakyang kabayo. Binabagtas nito ang malawak na kapatagan. Tanging ang maliliit na damo at malalaking puno sa paligid ang makikita sa lugar. Idagdag pa ang matataas na bundok sa malayo na abot na lamang ng kaniyang paningin.

Ang malakas at preskong hangin ay tumatama sa kanyang maamong mukha habang mabilis na tumatakbo ang kanyang kabayo. Hinahawi rin nito ang mga butil ng luha na pumapatak mula sa kanyang mga mata. Isinasayaw nito ang mahaba niyang kulay gintong buhok, at maging ang puntas(laces) ng suot niyang pulang bestida.

Ang pangangabayo lamang ang tangi niyang pampalipas oras at pantanggal na rin ng mga suliraning bumabagabag sa kanyang kalooban.

LALO pa niyang pinabilisan ang pagpapatakbo sa kabayo dahil nais niyang sumama na ang lahat ng kanyang nararamdamang sakit at mga suliranin sa malakas na hangin.  At itangay iyon sa napakalayong lugar kung saan hindi na ito muli pang makakabalik.

Ngunit, kahit anong gawin niya'y hindi pa rin maalis sa kanyang isipan ang pinag-usapan nila ng kanyang ama. Paulit-ulit pa rin iyong bumabalik sa kanyang isipan.

Dali-daling nagtungo si Imperial Prinsess Kristine sa bulwagan kung saan siya ipinatatawag ng kanyang ama. Si Emperador Adelar Beaumont.

Hindi niya alam ang dahilan kung bakit siya nito ipinatatawag. Ngunit, tiyak siyang mahalaga iyon gayung galit sa kanya ang ama at noong mga nakalipas na tatlong araw lamang ay halos isumpa siya nito't hindi ninais na makita.

Pagpasok pa lamang niya sa bulwagan ay pansin na niyang seryoso ang eksprisyon sa mukha ng kanyang ama.

Bahagya nang nangungulubot ang pisngi nito sanhi ng katandaan. Ngunit, hindi pa rin maikakaila na minsan na ring nagpa-iyak ng mga kababaihan ang mukhang iyon. Magandang lalaki pa rin ito kahit mahigit limampu na ang edad at matipuno pa rin ang pangangatawan. Tunay na perpektong modelo ng isang mandirigmang hasa sa paggamit ng espada at lumaki sa pakikipaglaban.

Nakaupo ito sa trono habang suot ang koronang gawa sa purong ginto na napapalamutian pa ng mga diamante, sapiro, at esmeralda—ang koronang labis na nagpapatigas sa puso ng kanyang ama dahil sa matinding kapangyarihang nakaatang sa bagay na iyon.

Ganoon din ang kanyang ina—ang nakaupong Emperatris Sofia ng buong imperyo ng Kris. Nakasuot ito ng kulay kremang mahabang bestida na lalong nagpatingkad sa kaputian nito. Tunay ngang napakaganda ng kanyang ina. Suot nito ang kulay pilak nitong korona na napapalamutian din ng iba't ibang kulay ng diamante. Ang postura nito habang nakaupo sa tabi ng kanyang ama ay nagsusumigaw ng mataas na katungkulan, at isang babaeng kagalang-galang sa lahat. Babaeng walang katulad; walang kapantay. Isa itong yaman na nag-iisa lamang sa buong mundo na labis na iniingatan ng kanyang ama. 

Samantalang siya--bukod sa nakasuot lamang ng kulay pulang mahabang bestidang halos sumasayad na sa lupa ang haba--ay walang anumang suot na korona o ni isang palatandaan na siya'y prinsesa. Hindi kasi niya ugali ang magsuot noon tuwing ordinaryong araw lamang. Lalo pa't madalas naman siyang nakakulong sa loob ng kanyang silid at walang ibang ini-aatas sa kanya ang ina kundi ang mag-aral lang nang mag-aral.

Sa kabilang banda, pabor naman iyon sa kanya dahil mas komportable siya sa mga simpleng kasuotan. Lalo pa't hindi na niya kailangan pang alalahanin ang kanyang hitsura sa tuwing magkakaroon siya ng pagkakataong makatakas sa palasyo. 

MATAMANG nakatitig sa kanya ang mga magulang habang papalapit siya sa mga ito.

Pino ang ginagawa niyang pagkilos dahil sa ganito siya sinanay ng kanyang ina.

Nang marating ang harapan ng trono ng mga magulang ay yumukod siya bilang pagbibigay galang.

"Ipinatatawag niyo raw po ako, Kamahalan..." malumanay niyang saad at nanatiling nakayuko. Ayaw niyang salubungin ang mga mata ng kanyang ama.

"Oo," sagot ng Emperador. "Nais ko lamang ipaalam sa iyo na may ipinadala akong liham sa tatlong imperyo ng Atlanta ngayong araw."

Bigla siyang napaangat ng tingin. "Liham?" pag-uulit niya.

Anong liham iyon? Sa pagkaka-alam niya ay may lihim na galit sa kanila ang imperyo ng Halleña, Brussos, at Higgera. Ngunit, ano itong sinasabi ng kanyang ama?

Napakataas din ng tingin ng kanyang ama sa sarili at alam niyang hindi ito gagawa ng ganitong bagay kung walang matinding dahilan. Kaya ganoon na lamang ang kanyang pagtataka kung bakit nito nagawang magpadala ng liham sa mga ito. Ano ang pinaplano nito?

"Ang liham na iyon ay tungkol sa isang imbitasyon at paligsahan," tugon ng kanyang ama.

"Ngunit, Ama... Kalaban natin ang tatlong imperyong iyon. Ano ang dahilan nang biglaan ninyong pagpapadala ng liham sa kanila? At patungkol saan?"

"Ang laman ng liham ay isang imbitasyon para sa paghahanap ng iyong mapapangasawa," seryosong paliwanag nito. Tila nakapagpasya na ang kanyang ama at pinal na iyon. 

"Ano? Hindi ito maaari!" naghuhuramintado niyang bulalas. Para sa kanya'y napakaaga pa upang planuhin ang kanyang pag-aasawa kahit dalawampu't tatlong taong gulang na siya. At ang ganitong edad ay husto nang bumuo ng pamilya. Ngunit, hindi pa siya handa at ayaw niyang matali sa isang lalaking hindi niya napupusua't iniibig.

Isa pa, bakit kailangang manggaling pa sa ibang imperyo ang kanyang pagpipilian? Gayung mas mainam kung isa ring prinsipeng nagmula sa ilang kahariang sakop ng imperyo ng Kris. Ano kaya ang dahilan nito?

"Ama, hindi mo maaaring gawin ito!"

"At bakit hindi?" May iritasyon sa boses nito. "Ako ang emperador ng imperyo ng Kris at walang sino man ang maaaring sumalungat o sumuway sa mga pasya ko! Lalo ka na!" Mataas na ang boses nito at halatang hindi na kaya pang pigilin ang galit.

"Ngunit, Ama! Inilalagay mo sa tiyak na kapahamakan ang buong imperyo!" nag-aalalang pagdidiin niya.

"Alam ko kung ano ang ginagawa ko, Prinsesa Kristine! Kaya huwag mo akong pangunahan at lalo na ang pangaralan!" Naikuyom nito ang mga kamay. Bagay na nagpapakita lamang na hindi nito nangustuhan ang mga salitang narinig mula sa anak.

"Ngunit, Mahal kong Ama..." 

"Huwag mo akong tawaging ama!" Napatayo na ito sa kina-uupuan at matatalim ang mga titig na ipinupukol sa kanya. "Kung hindi mo pinaslang ang iyong kapatid, hindi na tayo aabot pa sa ganito!"

"Kamahalan!" agad na sabat ni Emperatris Sofia. Napuno ng pag-aalala ang nangingilid sa luhang mga mata nito dahil sa narinig. Pigil din nito ang isang braso ng emperador, upang kahit papaano'y kalmahin ito't bawiin ang sinabi sa kanilang anak.

Si Prinsesa Kristine naman'y biglang natigagal sa kinatatayuan at halos hindi mapaniwalaan na ayaw na rin nitong tawagin niya itong ama. 

"Kung hindi mo pinatay ang nag-iisa mong kapatid, disin sana'y malaya kang makakapamili ng magiging konsorte mo. Hindi ko na rin sana kailangang gawin pa ito! Magpasalamat ka na lamang at pinagtatakpan ko pa rin ang kasalanang ginawa mo na hindi malantad sa publiko. Magpasalamat ka at ito lamang ang kaparusahang maipapataw ko para sa iyo!"

"Ngunit, Ama—"

"Sinabi nang huwag mo akong tatawaging ama! Wala akong anak na traydor na may kakayahang pumatay ng sarili niyang kapatid!" putol nito sa iba pa sanang sasabihin ng prinsesa.

"Ngunit, Kamahalan..." Sandali niyang nilinaw ang lalamunan bago muling nagsalita.

Gustong-gusto niyang tinatawag itong ama, dahil iyon na lamang ang natitirang paraan na alam niya upang patuloy na ipaalala rito na anak siya nito. Ngunit, ang tanging bagay na kinakapitan niya upang tuluyan itong hindi makalimot ay ipagkakait pa nito sa kanya ngayon. Pakiramdam niya'y piniga ang kanyang puso sa sakit ng pakiramdam na dulot niyon. Mas masakit pa iyon kaysa sa malamig na pagtrato nito sa kanya buong buhay niya.

"H-hindi ang nakilala at nakasama natin ng ilang taon ang totoong Ranulf na k-kapatid ko. Kundi isa siyang impostor!" buong tapang niyang pagpapatuloy. Hindi na niya alintana pa ang galit ng kanyang ama at pilit pa rin siyang nagpapakatatag. Kailangan niyang ipamulat sa ama ang totoo.

"Tama na!" muling sigaw ng emperador.

"Ang Ranulf na pinatay ko ay ang anak ng punong ministro ng Higerra! Hindi siya ang aking kapatid!" Ngunit, nagpatuloy pa rin siya. "Nagpapanggap siya bilang si Prinsipe Ranulf sa pagnanais na makuha at maangkin ang ating imperyo.  Narinig ko ang pag-uusap nila ng punong ministro ng Higerra sa tagong kapatagan kung saan ako madalas na mangabayo. Maniwala po kayo sa akin!"  patuloy niya sa pagpapaliwanag.

"Sinabi ng tama na!"

"Kamahalan, makinig ka!" bulyaw niya sa ama. Hindi na niya napigil pa ang sarili dahil sa patuloy na pagiging sarado ng isipan nito. Kailan ba siya nito magagawang pakinggan? "Totoo ang mga sinasabi ko at kaya kong patunayan iyon sa inyo!" 

"Papaano ko magagawang paniwalaan ang mga sinasabi mo? At papaano mo mapapatunayan iyon gayong pinatay mo na ang taong tinatawag mong impostor? Kung totoo nga ang lahat... iniharap mo sana siya sa akin at sa konseho para litisin. Ngunit, binali mo ang batas, Kristine!" mariing saad ng emperador.

"Ngunit... maniwala po kayo sa akin. Totoo ang sinasabi ko!" pagpupumilit niya.

"Tama na! Tapos na ang usapang ito!" pinal na turan ng emperador. Pagkuwa'y bumaling sa mga kawal sa paligid. "Ilabas niyo na siya rito." 

Agad namang tumalima ang mga kawal at hinawakan siya sa magkabilang braso.

"H-hindi! B-bitiwan niyo 'ko!" Nagpupumiglas siya at pilit na kumakawala sa pagkakahawak ng mga kawal ng imperyo. Ngunit, wala siyang sapat na lakas laban sa mga ito.

"Ama, parang awa mo na... Bawiin niyo na po ang liham sa tatlong imperyo. Patutunayan ko sa inyong tama ang sinasabi ko!" muli niyang pagmamakaawa habang hinihila siya ng dalawang kawal palabas ng malaking pintuan ng bulwagan.

Ngunit, nanatiling sarado ang tainga ng emperador para sa kanyang mga pakiusap.