Humagulhol na lamang si Miriam sa kanyang kainauupuan. Iyak na may kasamang sigaw, pilit niyang nilalabas lahat na nararamdaman niya sa kanyang puso. Takot, galit, lungkot, panghihinayang at kawalanan ng pag-asa na masisikatan pa siya ng araw.
Miriam: Sorry, sorry Regina kung nasaktan kita. Hindi ko intensyon na lokohin ka. Hindi ko ginusto ang pagsisinungaling ko sa 'yo. Mahal kita at gusto ko lang na maging masaya ka. 'Yan lang ang tanging hangad ko para sa iyo. Hindi ko akalain na mahahantong ang lahat sa ganito. Kung alam ko lang. Kung alam ko lang sana noong una pa lang ay sinabi ko na sa'yo lahat. Lahat, lahat.
Naliligo na sa kanyang sariling pawis at luha si Miriam. Magulong-magulo na ang buhok niya na kanina lamang ay inayos niya. Biglang tumahimik muli ang lahat. Hindi pa rin bumabalik ang ilaw. Patuloy pa rin ang ulan, kulog at kidlat sa labas. Tulala na si Miriam. Parang wala na siyang nararamdaman, kahit takot.
Miriam: Ano ba ang gusto mong gawin ko para mapatunayan ko sa'yo na maganda ang hangarin ko sa simula pa lang?
Hindi namalayan ni Miriam ang paglabas muli ng kaibigan. Nagpakita si Regina kay Miriam sa anyong tao. Nakaupo rin siya sa may sahig kaharap ng dalaga. Nakatitig, walang emosyon.
Miriam: Regina, friend. Hayaan mong tulungan kita.
Regina: Tulungan? Saan? Huli na ang lahat.
Miriam: Hayaan mong tulungan kitang matahimik. Gusto ko magpahinga ka na at magkaroon ng kapayapaan sa kabilang buhay.
Hindi agad sumagot si Regina. Ang sinabi na iyon ni Miriam ay nagbigay ng konting ngiti sa mga labi ng dalaga.
Regina: Talaga? Sabagay pagod na rin ako. Gusto ko nang magpahinga.
Tumango lamang si Miriam at nilapitan ang kaibigan. Hinawakan niya ang mga kamay nito.
Regina: Talaga tutulungan mo ako?
Miriam: Oo friend. Sabihin mo lang.
Regina: Kahit ano?
Miriam: Kahit ano. Best friends tayo 'di ba?
Tumayo si Regina sa kanyang kinauupuan at iniwan ang kaibigan sa sahig. Tumingala si Miriam at tiningnan ang kaibigan. Inabot ni Regina ang isang kamay sa kanya.
Regina: Samahan mo ako.
Biglang naglaho muli ang ngiti at sayang nararamdaman ni Miriam.
Regina: Kahit ano hindi ba? Best friends forever?
Tumayo rin si Miriam at buong tapang na hinarap ang kaibigan.
Miriam: Best friends forever.
Biglang bumukas ang pinto at lumabas si Miriam na tulala. Naglalakad sa kalagitnaan ng ulan. Dumaan siya sa napakalapad nilang hardin. Binuksan niya ang kanilang gate at tuluyang lumabas ng kanilang bakuran. Nilakad niya ang malalapad at mahahabang daan sa loob ng kanilang subdivision. Lumakad siya mula sa kanilang bahay hanggang sa nakarating siya sa may guard house. Malayo pa lang siya ay kita na siya ng security. Kaya hindi pa lang siya nakakarating sa gate ng subdivision ay nilapitan na siya nito.
Security Guard: Ma'am? Ma'am? Umuulan po. Okay lang po ba kayo?
Paatras na nagsasalita ang security kasi hindi naman tumitigil sa paglalakad si Miriam.
Security Guard: Ma'am, gusto niyo po hatid ko po kayo sa bahay niyo? Ma'am?
Hindi pa rin tumitigil sa kakalakad si Miriam. Sumagot lamang siya pero hindi siya lumilingon sa kanyang kausap.
Miriam: Huwag. May gagawin ako para sa kaibigan ko. Kasi nga best friends forever kami.
Security Guard: Po?
Nang nakulitan na si Miriam sa security guard ng subdivision ay tumigil siya bigla at tiningnan ang security. Habang ang nagbabalik multo na si Regina ay nasa likod ng kawawa at inosenteng security guard. Kinuha niya ang baril sa sinturon ng guard at binigay kay Miriam. Nang makita ito ng guard ay huli na ang lahat. Naiputok na ito ni Miriam sa mukha niya. Iniwang nakahiga sa daan ni Miriam ang security guard sa kalagitnaan ng ulan.
Duguan.... bagsak. Wala ng buhay.