Chereads / A GOLDEN HAIR / Chapter 4 - Chapter 3

Chapter 4 - Chapter 3

Walong siglo na ang nakaraan bago lumipat ang mga aeta sa kabundukan at bago bilhin ni Datu Puti ang isla ay may isang datu na naninirahan sa isla ng Simsiman, na sa kasalukuyan ay tinatawag na Panay [¹] na kilala rin sa tawag na 'Isla ng mga Aeta'-siya ay si Datu Alpunto. Sila ay may lahing Ati-Mestizo (kalahating Aeta at kalahating intsik). May tatlo siyang anak, ang panganay ay isang magiting na ginoo na sinundan ng dalawang magagandang dilag. Dahil sa ang pangalawa niyang anak ay may taglay na kakaibang kagandahan ay napili ito upang maging binukot.

Binukot ang tawag sa mga dalagang itinago at ikinulong sa isang espesyal na silid ng bahay. Karaniwan sa kanila ay mga anak ng Datu. Hindi sila pinapaarawan at hindi rin pinapatapak sa lupa dahil tinuturing silang sagrado, at halos mistikal.[²]

Si Sirapina, ang pangalawang anak ni datu Alpunto na isang binukot magmula nang siya ay tatlong taong gulang. Naging tanyang ang kaniyang pangalan dahil sa taglay niyang natatanging kagandahan. Dahil sa pananatili niya sa loob ng silid sa mahigit sampung taon ay lalong napangalagaan ang kaniyang magandang balat, lalo siyang pumuti at kuminis at lalong humaba ang kaniyang maalon-alon na buhok. Hindi siya pinapayagang gumawa ng mga gawaing bahay maliban sa paghahabi. Mayroon siyang mga alipin na tinutulungan siya sa paliligo, pag-aayos ng sarili at maging sa pagsuklay ng kaniyang mahabang buhok. Sila ay tinatawag na apid.

Habang siya ay naninirahan sa bahay sa halos lahat ng oras, ang kaniyang mga magulang, lolo at lola ay inaaliw siya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang tradisyonal na kaalamang sali't salin sabi (oral lore) at sa pagsasayaw ng kanilang tradisyonal na sayaw. Sa pamamagitan nito ang mga binukot na kagaya niya ay nagiging dalubhasang tagaawit(chanters) at may sapat na kaalaman sa kasaysayan na sali't salin sabi(oral history).

Si Datu Alpunto ay labis na nagdamdam nang malaman na ang kaniyang matalik na kaibigan na si Datu Pulpulan[³] ay ang natatanging datu na kinikilala ng rajah ng India, Indonesia, Malay at emperor ng Tsina at iba pang Punong Pangulo ng Estado ng Timog. Nagkaroon ng mahusay na relasyon sa kalakalan sa pagitan ng mga bansang iyon sa pangunahing lupain ng Asya, may mga pagpapalitan ng mga kaloob sa pagitan ni Datu Pulpulan at ng Pangulo ng Estado ng mga bansang iyon.

Hindi maitago ni Datu Alpunto ang paninibugho sa kanyang matalik na kaibigan. May alagad naman na nakapagsabi sa kaniya tungkol sa kapangyarihang taglay ng gintong buhok ng tikbalang kung kaya ipanag-utos niya sa kaniyang mga tauhan na magpunta sila sa kagubatan upang hanapin ang tikbalang na kasalukuyang naninirahan doon.

Naging matagumpay ang paglalakbay ng datu at nang makakuha siya ng isang hibla ng gintong buhok ng tikbalang ay naging alipin niya ito. Naging sunud-sunuran sa kaniya ang tikbalang at kabilang sa mga ipinagawa ng datu ay ang ipapaslang ang mga kalaban nitong mga datu sa isla.

Lumawak ang sinasakupan ng datu at lalong lumakas ang kapangyarihan nito ngunit sa kabila ng lahat ay nananatiling sekreto ang kataohan ng tikbalang. Isang napaka-gwapo at magiting na kawal ang nalalaman ng lahat.

Isang tradisyon na ang binukot na kagaya ni Serapina ay hindi maaaring makita ng sinumang lalaki maliban sa ama niya hanggang sa siya ay ikasal. Ang maaari lang na makalapit sa kaniya ay ang kaniyang pamilya at ang mga babaeng tagasilbi.

Karaniwan siyang naliligo sa gabi upang makaiwas sa mga mata ng mga lalaki at upang hindi siya maarawan. Isang gabi, habang naglalakbay siya sakay sa duyan na bitbit ng dalawang apid patungo sa ilog kasama ang lima pang apid ay biglang may humarang sa kanilang dinaraanan. Hindi sila nakasigaw nang bigla silang palibutan ng mahigit sa sampung kalalakihan. Napaatras sila habang nakayakap sa kaniya ang mga apid at pinoprotektahan na hindi siya mahulog sa duyan.

Lumapit ang lalaki na sa tantiya niya ay pinuno ng grupo at hinawi ang balabal na nakatakip sa kanyang ulo at mukha. Napatakip siya sa bibig nang tumambad sa harapan ng mga kalalakihan ang kaniyang makinis at maputlang kutis. Napapikit siya nang itaas ng lalaki ang isang matulis na patalim malapit sa leeg niya kasabay ng paghablot nito sa kaniyang braso.

Nahulog siya sa duyan at kaagad na nasugatan ang kaniyang mga paa. Napaluha siya sa sakit dulot niyon. Napilitan siyang tumayo nang hilahin nito ang kaniyang braso. Napasigaw ang kaniyang mga apid kaya kaagad na tinakpan ng mga kalalakihan ang kanilang bibig, wala siyang nagawa kundi ang umiyak ng impit.

Binuhat sila ng mga lalaki patungo sa kagubatan. Sumisipol pa ang mga ito habang naglalakad. Sumisilip ang liwanag mula sa gasuklay(crescent) na anyo ng bagong buwan(new moon) sa gitna ng kagubatan. Biglang umihip ng marahas ang hangin na may kasamang hamog at mga dahon. Napatakip sila sa kanilang mga mata upang maiwasan na mapuwing at sa ginawang pag-iwas ng mga lalaki na mapuwing ay nabitawan nila ang mga binibini na ngayon ay mabilis na nakagapang palapit kay Serapina.

Napasigaw ang mga lalaking dumukot sa kanila nang nagsibagsakan ang mga sanga ng punong kahoy na tumama sa ulo ng mga ito at dahil dun biglang nawalan ng malay ang mga ito. Kaagad namang humupa ang pag-ihip ng hangin at naiwan ang mga kababaehang tulala parin habang nagyayakapan.

Sa di kalayuan ay may nakita silang isang silweta(silhouette) ng isang makisig na binata na naglalakad palapit sa kanila.

Biglang sumikdo ang puso ni Serapina nang mapagmasdan ang mukha ng binata nang tumapat ito sa liwanag mula sa bagong buwan. Naging malinaw sa kaniyang paningin ang matangos nitong ilong at ang mapupungay na mga mata nitong animo'y nakakapaghipnotismo sa kaniya. Napasinghap ang mga apid sa paligid niya na puno ng paghanga sa binata at nagbulungan pa ang mga ito.

Pinulot ng binata ang duyan at tinulungan siyang makasakay doon. Inabot nito ang isang sisidlan na may lamang gamot na makakatulong upang madaling maghilom ang kaniyang mga pasa at sugat bago magpaalam.

Naiwan siyang nakatulala habang pinagmamasdan ang likod ng papa-alis na binata. Napag-alaman niya sa kaniyang mga apid na ang makisig na binatang iyon ay si Lucerio na siyang magiting na kawal ng kaniyang amang Datu.

Pinakiusapan niya ang mga kaibigang apid na ilihim ang tagpo nilang iyon ni Lucerio at maging ang kaniyang mga pasa at sugat na pinaboran naman ng mga ito.

Habang nasa silid sila at naghahabi si Serapina ay panay naman ang kwento ng mga apid tungkol kay Lucerio na siyang ikinamula ng magkabilang pisngi ni Serapina. Maya't-maya'y napapatingin siya sa sisidlan ng gamot habang inaalala ang gwapong mukha ni Lucerio at ang kakisigan nito. Tinutukso siya ng mga kaibigang apid nang mapansin ang ginagawa niya at kapagka walang ibang tao sa silid.

Isang umaga ay may dumating binatang Datu sa kanilang tahanan upang hingin ang kamay ni Serapina. Humingi ang mga magulang niya ng malaking pangayo(dowry) dito. Labis ang kaligayahan ng Datu nang tanggapin ang pangayo at pagka-alis ng binatang Datu ay kaagad niyang pinuntahan si Serapina at kinausap ito.

Walang pag-aalinlangang inamin ni Serapina sa kaniyang amang Datu ang damdamin niya para kay Lucerio sa pag-asang maiintindihan siya nito. Taliwas sa kaniyang inaakala ay nagpupuyos sa galit ang kaniyang ama at ipinatawag ang lapastangang binata.

Napahiyaw ng iyak si Serapina nang makita ang duguang si Lucerio habang nakagapos ang dalawang kamay nito sa likod. Puno ng pasa at galos ang mukha nito at pumutok din ang mga labi nito. Nagmaka-awa siya sa kaniyang ama ngunit hindi siya pinansin bagkus binunot nito ang kampilan[4] sa beywang nito at sa isang kisap-mata ay pinugutan ng ulo si Lucerio.

"Ngayon ko lang nalaman na ganito pala kasaklap ang sinapit ng aking ninuno." napasinghot si Angelique nang marinig ang kwento ni Rogelio tungkol sa nangyari sa kanilang angkan. Pinahid ni Rogelio ang luha na bumasa sa pisngi ng kaniyang mahal na asawa. Lalong hinigpitan ni Angelique ang pagyakap kay Rogelio at isinubsob pa niya ang mukha sa may kilikili nito habang naka-unan sa matipunong braso ng asawa.

"Anong nangyari pagkatapos?"  mahinang tanong ni Angelique sa asawa nang mahimasmasan na siya. Pinagpatuloy naman ni Rogelio ang pagkukwento. Nalaman ni Angelique na marunong palang magtagalog si Rogelio bagaman nagkunwari itong hindi makakaintindi ng tagalog upang umiwas sa mga tanong niya.

Hindi pinagsisihan ni Datu Alpunto ang pagpaslang kay Lucerio, matagal na rin niyang pinakinabangan ang kapangyarihan nito at labis-labis na ang kaniyang natamo, wala nang balakid sa kaniyang dinaraanan at maging ang anak ni Datu Pulpulan na si Datu Marikudo ay hindi narin siya kinalaban.

Dinala nila sa kagubatan ang bangkay ni Lucerio upang doon ilibing. Tulung-tulong na binungkal ng mga kawal ang lupa at nang sapat na ang lalim ay itinapon nila ang bangkay doon. Sinimulan nilang tabunan ng lupa ang bangkay ngunit bago sila nagtagumpay ay biglang gumalaw ang isang kamay nito na nakaturo sa itaas at dahan-dahan itong umangat mula sa pagkakalubog sa ilalim ng lupa. Naningkit ang tsinitong mga mata ni Datu Alpunto habang ang kaniyang mga kawal ay bumilog lalo ang bilugang mga mata at sa kabila ng pagiging itim ng balat ay bakas sa kanilang mga mukha ang pamumutla. Binalot ng puting usok ang paligid at sa isang iglap ay biglang nawala ang bangkay.

Nasindak ang mga kawal at iwinasiwas ng mga ito ang kampilan sa pagitan ng puting usok. Ilang hininga lang ang nakalipas at nakaramdam sila ng panghihina at tila lasing na nagpasuray-suray sa paglalakad. Nabitawan din nila ang hawak na kampilan at nagtatawanan na animo'y nasiraan ng pag-iisip, nagsasalita sila ng estrangherong mga salita habang isa-isang tinatanggal ang kanilang mga kasuotan.

Nagpalipa't-lipat ng tingin si Datu Alpunto sa kaniyang labindalawang kawal, hindi rin siya makapaniwala sa nangyari at naguguluhan sa pinaggagawa ng mga ito. Kaagad na binalot ng makakapal na ulap ang langit at bumuhos ng malakas ang ulan, huli na nang mapagtanto niyang siya na lamang ang naiwang mag-isa nang magsitakbuhan sa iba't-ibang direksyon ang kaniyang mga kawal na walang saplot.

Napasigaw siya nang biglang tumama ang nakakasilaw na liwanag ng kidlat sa isang malaking puno na nakatayo sa kaniyang harapan at hinati iyon sa dalawa na sinundan ng nakakabinging pagkulog. Binalot siya ng kakaibang takot at walang pagdadalawang-isip na tumakbo siya pabalik sa kanilang dinaraanan palabas ng gubat.

Ilang minuto narin siyang tumatakbo at tila tumatakbo lamang siyang pabilog nang mapansin niyang paulit-ulit niyang nararaanan ang nahating puno sa ganoong posisyon. Napaluhod siya sa lupa habang sinasabunotan ang sariling buhok, namumula ang kaniyang mukha sa labis na galit na nararamdaman para sa tikbalang.

"Alam ko'ng kagagawan mo 'to!" Nagsisigaw siya nang nagsisigaw gamit ang kanilang lengwahe habang winawasiwas ang hawak na kampilan sa paligid. Muli ay biglang kumidlat at dumaplis sa putong na nakapulupot sa kaniyang ulo patungo sa puno na nasa kaniyang likuran. Mabilis siyang napasisid sa mamasa-masang lupa na binalutan ng mga basang dahon at mga damo.

Hindi mapigilan ni Datu Alpunto ang mapaiyak, bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagsisisi sa kaniyang ginawang kasalanan. Isa-isang bumalik sa kaniyang ala-ala ang ginawang kabutihan sa kaniya ni Lucerio, ang pagiging sunud-sunuran nito sa anumang ipinag-uutos niya na walang hinihinging kapalit. Naghihinagpis ang kaniyang puso nang maalala ang kaniyang pangalawang anak, ang nag-iisang kahilingan nito na hindi niya binigyang-pansin, ang mga pagluha nito dulot ng labis na pasakit niya, at ang pagpaslang niya kay Lucerio sa harapan nito.

Dahan-dahan niyang inangat ang paningin nang humarang sa kaniyang mga mata ang dalawang pamilyar na mga paa at lalong lumakas ang kaniyang pag-iyak nang tumambad sa kaniyang harapan si Lucerio.

"Patawarin mo ako, Lucerio!" hinawakan niya ang dalawang paa nito ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan ay sinipa siya nito ng sobrang lakas na nagdulot ng pagkabali ng kaniyang buto sa likod nang tumama siya sa malaking bato.

Namumula ang kaniyang mga matang tinitigan si Lucerio at bago pa siya mawalan ng buhay ay narinig niya ang kahuli-hulihang sinabi nito.

"Dahil sa ginawa mo ay magdurusa ang iyong angkan. Sinusumpa kita, magmula sa iyong panganay na anak na lalaki at sa kaniyang sali't-saling lahi ay magkakaroon ng dalawang anak. Ang panganay ay isang lalaki na magpapa-alala sa kanila sa ginawa mong kalupitan sa akin at sa iyong anak na si Serapina at ang pangalawang anak nila ay magiging babae na iibig sa isang tikbalang na katulad ko. Katulad mo ay mababaliw at mamatay ang mga ama ng iyong lahi at iiwan ng mga anak na babae ang kanilang angkan." unti-unting kumupas ang anyo ng tikbalang at matapos nitong banggitin ang mga huling salita ay may kumislap na liwanag sa paligid at sa isang kisap-mata ay nawalang parang bula si Lucerio.

Sa ilalim ng madilim na kalangitan, sa gitna ng misteryosong kagubatan, at sa bawat pagpatak ng ulan, ang mga salitang binitiwan ni Lucerio ay isang kamandag na unti-unti lumalason sa halos wala nang buhay na si Datu Alpunto. At hanggang sa kahuli-hulihan niyang hininga ay nanatiling nakadilat ang kaniyang mga mata.

"Tahan na, aking Anghel." niyakap ni Rogelio si Angelique, hindi magkandaumayaw ang pagpatak ng mga luha ng kanyang asawa na labis niyang ikinabahala.

"Patawad Rogelio, hindi ko alam na ganun pala ang ginawa sa inyo ng ninuno ko." wika ni Angelique sa gitna ng paghikbi.

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Isa pa, matagal nang pinagbayaran ng iyong angkan ang kasalanan nila. Tama lamang na matigil na ito at hindi na muling babalik pa."

"Ano pala ang ginawa ni lola Angelina na sakripisyo para sa angkan?" walang nakwento ang kaniyang mga magulang patungkol sa lola niya kaya wala siyang masyadon alam maliban sa ito ay pumanaw matapos ipanganak ang mama niya.

"Akala ng mga ninuno mo na matatakasan nila ang sumpa kung kaya't nagpalipat-lipat sila ng tahanan, bawat angkan ninyo ay nangibang-bayan at halos lahat ng pulo dito sa buong Pilipinas ay may angkan ninyo na naninirahan. Ngunit, ang sumpa ay sumpa at walang mortal ang may kakayanang baliin ito at maging ang takasan ito. Ang ama ng iyong lola Angelina ay isang tusong Heneral kung kaya inutusan niya ang isang dayuhang binata na gahasain si Angelina bago pa siya mag dese-otso." napatakip si Angelique sa bibig sa narinig.

"Huli na nang malaman ko na ipinagbununtis ng iyong lola ang iyong ina. Kaagad namang ipinakasal si Angelina sa binatang nakabuntis sa kanya. Inutusan ng ama ni Angelina ang mga gwardiya sibil na tugisin ako bagaman hindi sila nagtagumpay. Pinarusahan ko ang mga gwardiya sibil sa pamamagitan ng paglito sa isipan ng mga ito at maging si Heneral Federico na siyang ama ni Angelina." napakuyom sa kamao si Rogelio, hindi rin niya napigilan ang pagtatangis ng kaniyang bagang habang inaalala ang nakaraan.

"Rogelio." may bahid ng takot ang boses ni Angelique na nakapagpaalarma sa kaniyang asawa. "Parang may naamoy akong sunog." pagkasabi niyon ay nakarinig sila ng malakas na pagsabog sa labas ng kwarto. Nanginig sa takot si Angelique at napayakap ng mahigpit kay Rogelio.

Kaagad namang tumayo si Rogelio. "Huwag kang umalis diyan, mahal." aniya nang akma ring tatayo si Angelique, napatango na lamang ito.

Lumapit si Rogelio sa may pintuan at dahan-dahan niyang pinihit ang seradura. Pagkabukas niya nang pinto ay tumambad sa kanilang harapan ang nagliliyab na kabahayan. Kaagad niyang sinarhan iyon nang mapagtantong ang kwarto na lamang nila ang hindi pa natupok ng apoy.

"Mahal, anong gagawin natin?" tanong ni Angelique. Muli ay nakarinig na naman sila ng pagsabog na ikinabahala niya.

"Mahal ko, ayokong makita mo ako na nagbabagong-anyo ngunit wala na tayong panahon pa. Kung maaari, ipikit mo ang iyong mga mata." pabulong na wika ni Rogelio sa asawa.

Umiling si Angelique bilang tugon. "Minahal kita hindi sa kung ano ang nakikita ko ngayon kundi dahil ikaw ang tinitibok ng puso ko. Kung ano man ang magiging anyo mo, hinding hindi parin magbabago ang nararamdaman ko."

Marahang hinagkan ni Rogelio si Angelique sa noo at kasabay niyon ang pagpatak ng isang butil ng luha sa gilid ng kaniyang mata.

Hindi kumurap si Angelique habang pinagmamasdan ang mabilis na pagbabagong anyo ng kaniyang asawa. Napasinghap siya nang biglang lumapad at lumaki ang mga kamay at paa ni Rogelio. Tinubuan ng mga buhok ang mga daliri at likod ng palad nito kasabay nang paghaba ng mga kuko sa mga daliri ng kamay at paa nito.

Lumapad ang dibdib at mga balikat ni Rogelio kasabay ng pagkapunit ng suot niyang kamesa de chino.

Humaba ang nguso at lumaki ang bibig niya na naging katulad ng kabayo at sa tuktok ng ulo niya ay may kumikinang na isang gintong buhok. Ang kahuli-hulihan niyang buhok na may kakayahang paamuhin siya at pasunurin ng sinumang magkakaangkin dito.

Footnote:

[1] History of Panay: https://en.m.wikipedia.org/wiki/Panay

[2] History of Simsiman: http://www.thenewstoday.info/2007/02/28/the.place.of.duenas.in.philippine.history.html

[3] History of Binukot:

https://www.aswangproject.com/binukot-philippines/

https://www.flickr.com/photos/nccaofficial/18432464602

https://www.google.com.ph/amp/s/newsinfo.inquirer.net/726110/panay-bukidnons-last-binukot/amp

[4] kampilan: https://en.m.wikipedia.org/wiki/Kampilan