Kagaya ng mga tipikal na usapan habang mahjong, sumagot si Mr. Luo
habang tumitira. "Oo, plano naming palitan siya, pero wala pa kaming
nahahanap na magandang kapalit."
"Eh kung si Qiao Anhao kaya? Katatapos niya lang magfilm para sa Hollywood
movie niya diba? Sigurado ako na pag nairelease ang pelikula niya, hindi lang
China kundi ang buong mundo na ang makakilala sakanya. At pag nangyari
yun, dadami ang kukuha sakanya bilang endorser kaya kung ako sayo, ngayon
palang kausapin mo na siya. Isa pa, diba sister-in-law siya ni Mr. Xu at
magpartner naman kayo sa negosyong ito diba?" Pagkatapos magsalita,
tumingin si Mr. Zhang kay Xu Jiamu at naniniguradong nagtanong, "Diba, Mr.
Xu?"
Kaya bilang respeto, tumingin din si Xu Jiamu kay Mr. Zhang at nakangiting
sumagot. "Sa tingin ko, ang kapatid ko ang dapat mong kausapin para sa
bagay na yan."
Nang sandaling mabanggit ang pangalan ni Lu Jinnian… Napailing at
napabuntong hininga nalang ang grupo.
"Nako… Kung ganon, wala pala tayong pag-asa na makuha si Qiao Anhao.
Nitong mga nakaraang taon kasi, lalo pang lumaki ang negosyo ni Mr. Lu, at
sa dami ng pera nila, malakas ang kutob ko na tatapusin lang ni Mrs. Lu ang
dalawang taon na kontratang pinirmahan niya at magreretire na rin siya
kaagad.
'Eksakto…' Natawa nalang si Xu Jiamu habang kalmado siyang tumitira nang
marinig niya ang pagkadismaya ng dalawa.
"Eh…Bukod kay Mrs. Lu, may isa pa akong naisip."
Dahil sa nakakaenganyong pagpapatuloy ni Mr. Zhang, masaya ring
nagtanong si Mr. Luo, "Sino?"
"Si Song Xiangsi," Walang pagdadalawang isip niyang sagot.
Song-Xiangsi…. Dalawang salita na sobrang pamilyar para kay Xu Jiamu…
Kaya nang sandaling marinig niya ito, bigla siyang napahawak ng mahigpit sa
pamatong hawak niya, at napayuko.
"Base sa pagkakaalam ko, noong umalis si Song Xiangsi sa industriya,
sobrang daming projects na nakapila sakanya noon. Pero dahil nga sa hindi
malamang kadahilanan, lahat yun tinalikuran niya, kaya ayon sa chismis,
nagbayad daw siya ng higit pa sa anim na bilyong RMB… Kung pagiging star
lang ang usapan, alam naman nating lahat na siya talaga at wala ng iba pa
ang pinaka makinang sa lahat. Hindi rin biro ang mga kinita niya ah…pero sa
tagal niyang nawalan projects, sigurado akong nagbago na rin siya ng lifestyle
ngayon, kaya ang Song Xiangsi na nakakalula ang talent fee noon, ay
malamang sa malamang, di hamak na mas mababa na ngayon na ang presyo
ngayon." Sa totoo lang, maging si Mr. Zhang ay nanghihinayang rin para kay
Song Xiangsi, kaya bago magpatuloy ay bigla siyang huminto ng sandali para
magbuntong hininga. "Isa pa, bigla nalang siyang nawala, three years ago,
kaya kung mapapapayag mo siya na maging endorser mo, siguradong
magiging big hit ang comeback niya!"
Para kay Xu Jiamu, sobrang sensitibong usapin ang kahit anong patungkol
kay Song Xiangsi, kaya habang nakikinig sa dalawa, bigla siyang napakuyom
ng kanyang mga kamay.
Sa nakalipas na tatlong taon, mangila-ngilan lang ang balita niya tungkol dito,
at ang lahat pa ng yun ay tungkol lang sa kung magkano at paano ito
nagbayad para sa mga kontratang bigla nalang nitong inabandona.
Tama naman ang lahat… Sa tatlong taon na walang proyekto at puro
pagbabayad ng mga kaso, siguradong gipit na si Song Xiangsi ngayon, kaya
sa tuwing naalala niya ito, lagi siyang nagaalala kung paano na ito
namumuhay ngayon, lalo na ilang taon din itong nasanay sa buhay na
marangya.
"Magandang ideya yan ha!" Masayang sagot ni Mr. Luo, na wala pang tatlong
segundo ay biglang napalitan ng pagkadismaya. "Pero, alam naman nating
lahat na walang nakakaalam kung nasaan ngayon si Song Xiangsi. Saan
naman natin siya hahanapin?"
Sobrang saya ni Mr. Zhang sa takbo ng paguusap nila, pero bago sumagot,
siniko niya muna si Xu Jiamu. "Mr. Xu, bakit nakatulala ka lang? Ikaw na."
Pero tumungo lang si Xu Jiamu at nanatiling nakatulala sa mga tiles. Hindi
nagtagal, walang isip-isip siyang nagbato ng isang pamato habang nakikinig
sa sagot ni Mr. Zhang. "Base sa narinig ko, umuwi na raw si Song Xiangsi ng
China noong nakaraang buwan pa."