Pagkababa niya, dumiretso siya sa dining room at noong bubuksan niya na ang
ref, biglang tumunog ang doorbell.
Wala sana siyang balak pansinin ang nagdoorbell pero naalala niya na nataboy
na nga pala ng property management ang mga reporter kaya binitawan niya ang
ref at naglakad papunta sa pintuan. Para makasiguro, sumilip muna siya sa
security monitor at noong nakita niya na may lalaking nakauniform, na nakasuot
ng baseball cap at mukang delivery boy, ang nakatayo sa labas ng gate,
kampante niyang pinindot ang speak button na agad din namang sinundan ng
boses ng lalaki, "Delivery."
Totoong may hinihintay siyang delivery at malinaw naman na magisa lang ang
lalaki kaya sa pagkakataong ito, naglakas loob na siyang magbukas ng pintuan
at lumabas.
Naglakad siya palabas at binuksan ang gate pero noong kukunin niya na ang
kanyang package, biglang nagsilabasan ang napakaraming tao na nagtago lang
pala sa likod ng pader. Walang awat na isinubsob ng mga ito sa mukha niya ang
napaka raming microphone kasabay ng walang katapusang mga flash habang
ginigisa siya ng mga sari-saring tanong.
"Miss Qiao Anhao, totoo ba ang mga pictures na kumakalat ngayon sa internet?"
"Totoo ba na nagdivorce kayo ni Mr. Xu Jiamu dahil kay Mr. Lu Jinnian?"
Wala siyang balak na sagutin ang mga ito kaya nagmamadali siyang umatras
para isarado ang gate, pero masyadong mabilis ang mga reporters na sumugod
sakanya kaya tuluyan na siyang napalibutan ng mga ito habang nakabara sa
mukha niya ang mga hawak nitong mga microphones.
"Miss Qiao Anhao, alam naming lahat na magkapatid sa ama sina Mr. Lu Jinnian
at Mr. Xu Jiamu. Sino bang mas mahal mo sakanilang dalawa?"
Hindi niya na maproseso ang mga sinasabi ng mga ito dahil halos maubusan na
siya ng hininga sa sobrang daming nakapalibot sakanya kaya gamit ang buo
niyang lakas, sinubukan niyang hawiin ang mga reporters pero sa kalagitnaan
ng riot, may tumulak sakanya kaya bigla siyang nadapa sa sahig.
Imbes na tulungan siyang tumayo, sinamantala pa ito ng reporters na kuhaan
siya ng picture habang nakasalampak sa sahig.
Dali-dali niyang tinakpan ang kanyang mukha gamit ang kanyang kamay habang
walang awat pa rin ang mga reporters sa katatanong sakanya.
"Miss Qiao Anhao, totoo ba na ikaw ang dahilan kung bakit nasira ang relasyon
ng magkapatid na Lu Jinnian at Xu Jiamu?"
"Miss Qiao Anhao…"
Habang pinagpipyestahan siya ng lahat, may isang reporter na biglang
sumigaw, "Sinong tumulak sa akin?"
Sa puntong ito, sobrang natatakot na siya dahil alam niyang wala na siyang
kawala pero siguro narinig ng langit ang dasal niya kaya kahit imposible, may
biglang lumuhod sa harapan niya para tulungan siyang tumayo. Naramdaman
niya na niyakap nito ang balikat niya at nagaalalang nagtanong, "Qiao Qiao,
ayos ka lang ba?"
Takot na takot siyang umiling at noong lumingon siya para malaman kung sino
ang tumulong sakanya, tumambad sakanya ang galit na galit na mukha ni Xu
Jiamu.
"Teka. Diba ikaw si Mr. Xu Jiamu na CEO ng Xu Eterprises?"
Dahil sa isang nagtanong, lalo pang naging interesado ang mga reporters kaya
muling itinutok ng mga ito ang mga microphone sa mukha ni Qiao Anhao at sa
pagkakataong ito, pati na rin kay Xu Jiamu.
"Mr. Xu Jiamu, bakit ka nandito?"
"Mr. Xu Jiamu, ang ibig bang sabihin nito ay mahal mo pa rin ang dati mong
asawa na si Miss Qiao Anhao?"
"Mr. Xu Jiamu, wala ka bang tinanim na galit pagkatapos kang pagtaksilan ni
Qiao Anhao?"
Walang pakielam si Xu Jiamu sa mga reporters kaya walang pagdadalawang
isip niyang inakay si Qiao Anhao papasok sa bahay ni Lu Jinnian.