Hindi maintindihan ni Lu Jinnian kung para saan ang paghingi ng tawad ni Qiao
Anhao kaya tinignan niya lang ito.
Mangiyak ngiyak ang mga mata ni Qiao Anhao nang iangat niya ang kanyang
ulo para tignan si Lu Jinnian ng diretso sa mga mata, "Lu Jinnian, patawarin mo
ako kung pinaghintay kita ng matagal at sa mga nasabi ko sayo noong araw na
'yun…"
Ang tinutukoy ni Qiao Anhao ay mga nasabi niya kay Lu Jinnian noong nagpunta
siya sa opisina nito.
Pero ang pagkakaintindi ni Lu Jinnian ay humihingi siya ng tawad para sa text
na natanggap nito.
Biglang nandilim ang paningin ni Lu Jinnian. Padabog niyang hinampas ang
lamesa at galit na galit na nagsalita, "Ilang beses ko bang sasabihin sayo na
wag mo ng uulitin yan sa akin dahil ayoko ng marinig yan!"
Nanginig si Qiao Anhao, malinaw na sobrang natakot siya sa biglaang
pagdadabog at pagsigaw ni Lu Jinnian. Hindi niya kayang tignan ito kaya
yumuko nalang siya.
Dahil sa nagawang ingay ni Lu Jinnian, maraming taong napatingin sakanila at
may ilan pang narinig si Qiao Anhao na pinaguusapan sila kaya napakuyom
nalang siya ng kanyang mga kamay at lalo pang yumuko.
Halata sa lalim ng paghinga ni Lu Jinnian ang sobrang galit na naramdaman nito
kaya natatakot siya na baka bigla nanaman siyang iwanan nito kagaya ng
ginawa nito noon.
Dahil dun, pinilit niyang labanan ang takot na nararamdaman niya at muli niya
nanamang hinila ang manggas ng damit nito.
Naramdaman ni Lu Jinnian ang ginawa ni Qiao Anhao kaya lumingon siya at
nakita niya ang maganda nitong kamay na nakahawak nanaman ng mahigpit sa
manggas ng kanyang damit at sa loob loob niya ay unti unti ng kumakalma ang
galit na bigla niyang naramdaman. Pagkalipas ng isang minuto, nagbuntong
hininga siya at iniabot kay Qiao Anhao ang isang pares ng chopsticks. "Kain."
Sinilip ni Qiao Anhao si Lu Jinnian at nang makita niya na kumalma na ang
itsura nito, kinuha niya ang chopsticks gamit ang isa niyang kamay habang
nakahawak pa rin sa manggas ng damit ni Lu Jinnian ang isa. Hindi nagtagal,
yumuko siya at kumain.
Tama si Zhao Meng – ayaw nga talagang pagusapan ni Lu Jinnian ang mga
nangyari sa nakaraan… Pero malakas ang kutob niya na nagaalala pa rin ito
sakanya. Hindi kaya ang ideya na talaga ni Zhao Meng ang tanging natitirang
solusyon?
Humigpit ang hawak ni Qiao Anhao sa chopsticks na nasa kanyang kamay.
Pagkasubo niya ng maraming kanin, muli niyang sinilip si Lu Jinnian, na
nakatitig lang sa bintana.
Nagtingin tingin siya sa paligid ng restaurant at nang makita niya ang mga
inumin na nakalagay sa isang vending machine, napakagat siya ng kanyang labi
at humarap kay Lu Jinnian. "Gusto ko ng orange juice."
Sa totoo lang, pinagmamasdan lang talaga ni Lu Jinnian ang reflection ni Qiao
Anhao sa bintana habang kumakain ito kaya nang marinig niya ang sinabi nito,
humarap siya kaagad para tignan ito bago siya tumayo at maglakad papunta sa
vending machine.
Pinagmasdan ni Qiao Anhao si Lu Jinnian habang naglalakad papalayo. Noong
nakita niyang dumukot ito ng pera sa bulsa habang tinitignan ang mga inumin,
muli siyang napakagat ng kanyang labi at mabilisan niyang kinuha ang pill box
para ilagay ang laman nito sa isang walang lamang baso.