Chereads / Bringing the Nation's Husband Home (Tagalog) / Chapter 362 - Nagising na si Xu Jiamu (2)

Chapter 362 - Nagising na si Xu Jiamu (2)

Noong narinig ni Lu Jinnian ang sinabi ni Qiao Anhao, ginawa niya ang lahat para itago ang lungkot na nararamdaman niya sa kanyang puso. Kalmado niyang tinawag si Xu Jiamu, "Jiamu."

Bakas sa mga mata ni Xu Jiamu ang buong pagtitiwala habang nakatitig sa mga mata ni Lu Jinnian. Kahit na matagal siyang nacomatose, hindi pa rin nagbago ang pagmamahal niya para sa kanyang nagiisang kapatid sa buong mundo at buong lakas niyang pinilit bigkasin ang isang salitang "Bro."

Kahit na nagising na si Xu Jiamu, hindi pa rin sapat ang lakas nito. Samantalang si Lu Jinnian naman ay hindi nagsasalita kaya sobrang tahimik ng buong kwarto at tanging si Qiao Anhao lang ang nagkwekwento, pero kadalasan puro si Xu Jiamu lang ang kinakausap niya.

Kinuwento ni Qiao Anhao ang lahat ng nangyari mula noong nawalan ng malay si Xu Jiamu at maging ang nangyari sa mismong car accident nito.

Para kay Qiao Anhao, si Xu Jiamu ay napaka importanteng kaibigan na nagkaroon ng bagong pagasa sa buhay at tunay itong dapat na ipagdiwang. 

Minsan, may mga bagay na wala naman talagang malisya, pero sa oras kasi na nalaman mong may namamagitan sa dalawang tao, mahirap ng iwasan na pagisipan ang mga ito ng kung anu-ano.

Kaya para sa mga mata ni Lu Jinnian, ang pagkasabik at kaligayahan ni Qiao Anhao ay may ibang ibig sabihin at maging ang simpleng pagtawag nito ng 'Brother Jiamu' ay labis na nagpaselos sakanya.

Sinabi ni Qiao Anhao kay Xu Jiamu, "Brother Jiamu, dapat magpagaling ka na. May bago akong drama na malapit ng ipalabas. Sinabi mo noon na kapag nasa TV na ako, ikaw ang kauna-unahan kong loyal viewer…"

Matapos marinig ni Lu Jinnian ang mga sinabi ni Qiao Anhao, hindi na niya napigilan pa kaya nagpaalam muna siya para makalabas ng hospital room, "Pupunta muna ako sa CR."

Ngayong gabi, habang nakikita niyang nag-uusap ang dalawa, napagtanto niya na marami pala itong mga pangako sa isa't-isa.

Kahit na medyo nahuli ang reaksyon ni Xu Jiamu, halata pa rin sa mga mata niya na biglang nagbago ang kanyang emosyon noong sandaling sinabi ni Qiao Anhao ang tungkol sa TV drama. Pumasok sa kanyang isip ang dalawang salita, "Song Xiangsi" at nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na galit.

Ito ang unang beses na nagising si Xu Jiamu mula sa mahabang panahong nacoma siya at dahil masyado pang mahina ang kanyang katawan, hindi nagtagal ay naubos na rin ang lahat ng lakas niya. Dahan-dahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata hanggang sa tuluyan siyang makatulog ng mahimbing.

Kinumutan ni Qiao Anhao si Xu Jiamu at tinawag ang nurse para asikasuhin ito bago siya lumabas ng hospital room dala ang kanyang bag.

-

Pagkalabas ni Lu Jinnian ng kwarto, hindi na siya bumalik. Tumayo nalang siya sa corridor at dumungaw sa bintana habang iniisip kung paano masayang kausapin ni Qiao Anhao si Xu Jiamu. Kahit na hindi niya alam kung anong sinasabi nito, nabalot pa rin ng inggit ang kanyang puso at dumating pa sa punto na naisip niya na sana siya nalang ang naaksidente at naging parang lantang gulay.

Nang makatulog na si Xu Jiamu, pinapanuod niya kung paano ito maingat na kinumutan ni Qiao Anhao bago siya muling tumalikod at naglakad papalayo.

-

Noong lumabas si Qiao Anhao ng hospital room, walang tao sa corridor at wala rin siyang makitang kahit anong bakas ni Lu Jinnian. Kinuha niya ang kanyang phone para idial ang number nito pero dahil walang sumasagot, nagpatawag nalang siya ng isang lalaking nurse na pwedeng pumasok sa CR ng mga lalaki ngunit nalaman niyang wala ito doon kaya naisipan niyang subukang maghanap sa baba. 

Dumaan siya sa inpatient department pero hindi niya pa rin makita si Lu Jinnian kaya muli niyang kinuha ang kanyang phone. Sa pagkakataong ito, nang sandaling tawagan niya ang number ni Lu Jinnian, narinig niyang nagriring ang phone nito sa hindi kalayuan.