Chereads / Bringing the Nation's Husband Home (Tagalog) / Chapter 330 - Patawarin mo ako (10)

Chapter 330 - Patawarin mo ako (10)

Siguradong mas masakit ito para kay Qiao Anhao, gaano naman kaya kalala kung sakali?

Habang iniisip ni Lu Jinnian ang mga posibilidad, hindi niya na napigilang umiyak at lalo pang sisihin ang kanyang sarili.

Tama sila, siya ang may kasalanan ng lahat. Masyado niyang minahal si Qiao Anhao sa loob ng mahabang panahon kaya sa tuwing may nangyayari sakanila, pakiramdam niya ay para siyang nasa isang magandang panaginip. Pareho nilang nakalimutang gumamit ng mga kontraseptibo kaya nangyari ang trahedyang ito.

Noong nasa high school palang siya, aktibo din ang sex life ng mga kasama niyang lalaki sa dorm, pero wala sa mga ito ang nakapatay ng buhay.

Naalala niya sa isang klase nila noon sa Physical Education, may isang babae na sumali sa marathon pero hindi nito alam na buntis ito kaya noong nasa last round na ang babae, bigla itong dinugo ng malakas at base sa sumunod na balita, nakunan na raw ito.

High school palang sila noon kaya dahil sa insidenteng 'yun, labis na nasira ang reputasyon ng eskwelahan nila. Bandang huli, pinalayas ang nasabing babae. Pulang pula at namamaga ang mga mata nito kakaiyak habang dala-dala ang lahat ng mga gamit nito ngunit ang pinaka nakakalungkot ay nabalitaan nalang daw nito na may iba ng nobya ang lalaki. Sa tuwing napaguusapan ang nangyari, ang kalandian ng babae ang laging sinisisi mg lahat.

May isa pa siyang naalala at nangyari naman ito noong nasa college na siya, tungkol ito sa lalaking natutulog sa ilalim ng kanyang bunk bed. Maganda ang reputasyon nito sa eskwelahan at mayroon itong nobya na kilala bilang pinaka sikat na babae sa Chinese department. Tatlong beses na umanong nagpalaglag ang babae pero kahit kailan ay hindi nagpakita ng pagaalala ang lalaki at may mga pagkakataon pa raw nanakikipagtalik ito sa ibang babae kapag nalalasing ito. Nang makapagtapos na ng pagaaral ang lalaki, bigla nalang nitong iniwan sa ere ang babae na kahit kailan ay hindi na maaring magbuntis ng dahil sa makailang beses nitong pagpapalaglag. 

Dati, wala siyang interes sa mga ganung klaseng tsimis pero matapos niyang malaman na nakunan si Qiao Anhao na nagdulot pa ng sapilitang pagkuha sa bata, bigla nalang pumasok ang lahat ng ito sakanyang isip.

Wala siyang pakielam sa mga ganitong isyu noon, pakiramdam niya lang ay siraulo ang mga lalaki samantalang nakakaawa naman ang mga babae. Nangako siya dati na kapag naging sila ni Qiao Anhao, hindi niya hahayaang maranasanan nito ang mga ganung bagay at gagawin niya ang lahat para lang maproteksyunan ito.

Pero hinayaan niya pa ring mapagdaanan nito ang ganitong klaseng trahedya…

Kung hindi niya sana ito ginalaw, kung mas nakapagpigil lang sana siya, kung naisip niya sanang gumamit ng mga kontraseptibo….Kung tinignan niya lang sana ang posibilidad na buntis ito noong nakita niya itong nagsusuka nitong mga nakaraang araw…kung…

Kinuyom ni Lu Jinnian ang kanyang kamao, parang may nakabara sakanyang lalamunan.

Marami sanang paraan para maiwasan ang trahedyang ito, pero ni isa wala siyang ginawa.

Hinayaan niyang magdusa si Qiao Anhao.

Nabigo siyang ibigay ang perpektong buhay na ipinangako niya noon kay Qiao Anhao.

Magdamag na gising si Lu Jinnian para bantayan si Qiao Anhao habang natutulog.

Gaya nga ng sinabi ng doktor, matagal ang naging epekto ng anesthesia kay Qiao Anhao. Mahaba na ang naging tulog niya pero wala pa ring nakakaalam kung kailan ba talaga siya eksaktong magigising. Sa kalagitnaan kanyang pagpapahinga, muling dumaan ang doktor pero agad din itong umalis nang makitang mahimbing pa rin ang kanyang tulog.

Alas siyete ng umaga kinabukasan, tinawagan ni Lu Jinnian ang kanyang assistant para ipagmaneho sila pabalik ng Mian Xiu Garden.

Gising na si Madam Chen kaya nagmamadali itong tumakbo para bumati nang sandaling makita nitong paparating na ang sasakyan nila. Binuhat ni Lu Jinnian si Qiao Anhao, na mahimbing pa rin na natutulog, paakyat sa kwarto nila.

Sobrang nagaalala si Madam Chen kaya hindi na nito napigilang magtanong, "Mr. Lu, anong nangyari kay Mrs. Lu?"