Chereads / Trial Marriage Husband: Need to Work Hard (Tagalog) / Chapter 28 - Ang Pinakamamahal na Munting Asawa

Chapter 28 - Ang Pinakamamahal na Munting Asawa

"Tangning, binabalaan kita, kung gusto mo pa ring mamalagi sa industriyang ito, mas mabuting lumabas ka doon muli at humingi ng tawad. O kaya naman, sisiguraduhin kong magsisisi ka na nabuhay ka pa," galit na bulalas kay Tangning ng kinatawan ng kumpanya.

Marahang tumawa si Tangning habang nananatiling panatag ang ekspresyon ng mukha nito – na parang bang may nasasaksihan lang ito na taong nagbibiro sa harap niya, "Lumabas na sa bibig ko ang mga salitang iyon, paano ako hihingi ng paumanhin? Higit sa lahat, kung hihingi ako ng paumanhin, sino naman ang hihingi ng tawad sa mga mamimili?"

"Kung hindi ka hihingi ng paumanhin at tutulungan kami na matanggal ang lahat ng negatibong tugon na iyong ginawa, mapipilitan kami na gumamit ng hakbang na hindi mo magugustuhan," pagbabantang babala ng kinatawan ng kumpanya. Pagkatapos magsalita, sinulyapan nito ang mga security guard ng event na tila ba may inuutos. Nang maintindihan ng mga security guard ang nais na ipahiwatig ng kinatawan ng kumpanya sa kanila, nagsimula silang maglakad papunta sa kinaroroonan ni Tangning.

Nang makita nilang kung ano ang maaaring maganap, biglang pinalibutan ni Long Jie at Lin Wei si Tangning upang harangan laban sa mga taong nais itong hawakan at hulihin. Dinuro duro ni Long Jie ang kliyente at galit na tinanong, "Ano ang gusto mong gawin?"

Sa kasalukuyan, namumutla na ang mukha ni Han Yufan. Sa karaniwang mga pagkakataon, hindi siya ang nakikipag – usap sa mga kumpanyang katulad nito, ngunit dahil sa pagmamadali niyang linisin ang pangalan ni Mo Yurou, hindi niya napaghandaan kung anu man ang pinaplano ni Tangning laban sa kanya.

Ang isang laos na modelo na katulad ni Tangning ay naglakas ng loob na ianunsiyo na siyang magbabalik sa industriya?

Iniisip ba ni Tangning, na pagkatapos siyang iwanan nito, ay makakapagsimula siyang muli?

Umirap lamang si Han Yufan bago nito hinila si Tangning at itinapon ito sa isang tabi, "Tangning, alam ko na galit ka sa akin. Pero sa ginagawa mong ito, hindi si Yurou ang sinasaktan mo, kundi ang iyong sarili. Ang isang modelo na lumabag sa mga panuntunan ng industriya, kahit gaano ka pa kagaling, walang kumpanya ang gugustuhing tanggapin ka."

"Talaga?" bahagyang itinaas ni Tangning ang kanyang kilay, "Sa tingin ko, hindi yan mangyayari!"

"Wala akong pakialam kung bakit mo ito ginagawa. Wala din akong pakialam kung naiinggit ka kay Yurou. Ngayon na ginulo mo na ang event, kailangan mong magpaliwanag sa kliyente at kinakailangan mo din na magbayad ng compensation dahil sa paglabag mo sa kontrata. Huwag mo ding subukan itapon ang sisi sa Tianyi Entertainment," walang pusong sigaw ni Han Yufan kay Tangning. "At saka, kaugnay sa paglilinis ng pangalan ni Yurou, dahil ayaw mong makipagtulungan, wala akong ibang magagawa kundi ilabas ang ang pahayag sa ngalan mo. Kapag dumating na ang panahon, kinakailangan mo lang tanggapin lahat ng mga negatibong komento.

"President Han, parang hindi mo masyadong naiintindihan ang mga sinabi ko. Ang aking pahayag tungkol sa aking pagbabalik ay para ipakita na simula ngayon, susunod na ako sa lahat ng mga nakasaad sa kontrata na dapat kong sundin, pero sa parehong pagkakataon, magpapakasaya ako sa kung ano ang dapat kong makuha na nararapat para sa akin." Sabi ni Tangning habang may pagkasuklam na pinagmasdan si Han Yufan, "President Han, 'wag kang masyadong mainip, darating mamayang hapon ang aking mga abogado para usisain ang bawat bahagi ng kontrata ko sa'yo. Lilinawin nila ang bawat bahagi ng kontrata na dapat ko sanang natamasa nitong mga nagdaang taon na kung saan ay hindi ko natanggap."

Nagulat si Han Yufan sa nakikita niyang Tangning sa kanyang harapan, hindi niya inakala na may ganitong aspeto ng pagkato ito. Hindi siya makapaniwala na kaya nitong pilitin ang isang tao na makulong sa isang sulok na kung saan wala na itong pagkakataon na makalaban pa.

Hindi, marahil ay nagulat lang ito sa mga pangyayari, pagpapaliwanag niya sa kanyang sarili. Ang isang babae na karaniwang mahina, paano biglang magiging ganito kalakas?

Marahil ay nais lang nitong mapansin niya, sabi ni Han Yufan sa kanyang sarili. Oh, Tangning, bakit kailangan na pababain mo ang iyong sarili ng ganito? Bakit ba hindi mo nalang ako palayain?

Dahil sa biglaang anunsyo ni Tangning, naging magulo ang mga sumunod tagpo sa lugar na pinagganapan ng event. Napansin ng kinatawan ng kumpanya na hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa silang nagagawang sagot sa nangyayaring kaguluhan, kaya sumugod na ito sa kanilang tabi. Pinagmasdan nito ng may pagbabanta si Tangning habang sinasabi na, "Kapag hindi mo kami nabigyan ng katanggap – tanggap na paliwang sa lahat ng ito, 'wag kang umasa na makakalabas ka pa sa pintong iyan."

"Tangning, 'wag mo kaming pilitin."

Nararamdaman ni Han Yufan na malapit nang may maganap sa harap niya, ngunit tumayo lamang siya sa isang tabi upang magmasid sa mga susunod na pangyayari. Wala siyang balak na tulungan si Tangning, dahil gusto niyang malaman ni Tangning ang bunga ng pagtataksil nito sa kanya. Pero, hindi man lang naglaro sa kanyang isipan, na siya mismo ang unang nagtaksil kay Tangning.

Kinakabahan na pinrotetektahan ni Long Jie si Tangning habang nakikita niyang papalapit sa kanila ang 3 security guard ng event na iyon. Sa loob ng industriya, napakaraming artist na walang mataas na estado sa buhay ang nakaranas na iba't ibang klase ng pang – aabuso at ayaw niya itong maranasan ni Tangning. Sa pagkakataon na iyon, nainis si Long Jie sa kanyang sarili dahil hindi siya naging isang lalaki.

Nang makita ng mga security guards na wala silang maaaring puntahan, ngumiti ang mga ito – dahil imposibleng makatakas pa sila. Ngunit sa mga oras na iyon, may narinig silang isang malakas na 'PANG' na umalingawngaw sa buong silid habang biglang bumukas ang pinto ng waiting room.

Isang lalaki na may dalang briefcase ang pumasok sa pinto na may kasamang 3-4 bodyguards. Pahapyaw na pinagmasdan nito ang buong silid at nagtanong, "Sino ang namamahala dito?"

"Maari ko bang itanong kung sino…" tanong ng kinatawan ng kumpanya.

"Abogado ako ng Hai Rui Entertainment, ang aking apelyido ay Qiao," istriktong sagot ng abogado habang inilalabas niya ang isang sulat galing sa kanyang briefcase at ibinigay ito sa kinatawan ng kumpanya. "Ang advertisement na inyong kinunan noong nakaraang buwan ay ilegal na gumamit ng larawan ng isa sa aming mga artist. Ito ay isang seryosong paglabag sa karapatan ng Hai Rui Entertainment na nagresulta sa pagkapinsala ng imahe ng kumpanya. Pinagbibigay alam ng sulat na ito, na tiwala kaming kaya namin kayong idemanda hanggang sa bumagsak ang inyong kumpanya." Pagkatapos nitong magsalita, naglakad na ito papalabas ng silid at iniwan na ang mga bodyguards na kasama nito – ang maaaring paliwanag lang dito ay para protektahan si Tangning.

Pinagmasdan ng kinatawan ng kompanya ang sulat na ibinigay sa kanya ng abogado habang nanginginig ang kanyang mga kamay. Hindi niya inakala na makukuha nila ang pansin ng isang sikat na entertainment Empire, ang Hai Rui.

Ang pagsasamantala ng mga maliliit na kumpanya para madagdagan ang kanilang katanyagan ay hindi na iba sa industriya. Pero, walang sinuman ang mag- aakala na kikilos ang Hai Rui Entertainment laban sa kanila.

Minamalas lang ba sila?

Walang nakakaalam ng tunay na dahilan, ngunit alam ni Tangning kung bakit ito naganap, ito ang paraan ni Mo Ting upang tulungan siya na magkaroon ng pagkakataon na makapaghiganti.

Sa lahat ng taong maaari nilang banggain, sino ang may sabi sa kanila na banggain nila ang pinakamamahal na asawa ni Mo Ting?

Tumawa lang si Long Jie sa isang tabi ng mapagtanto niya kung ano ang mga nagaganap. Ang maliit na kumpanyang ito ay masyadong mayabang, hindi nila alam na inutusan na ni Mo Ting ang kanyang mga tauhan na magtago hanggang sa dumating na ang tamang oras para lumabas. Kitang – kita dito kung gaano niya inaalala si Tangning.

Sa mga oras na ito, wala na sa kondisyon ang kliyente na alalahanin pa ang mga sinabi ni Tangning sa event. Sa loob loob nila, alam nila na kapag binangga nila ang Hai Rui ay parang pinapanood na nila ang kanilang napipintong kamatayan.

Ikinatakot din ni Han Yufan ang biglang pagbabago ng mga pangyayari. Upang hindi madamay, mabilis siyang umalis sa waiting room. Dahil sa kaduwagan ni Han Yufan, hindi ito karapat dapat na lingunin, kahit ng isang taong katulad ni Lin Wei.

"Tangning, halika na!"

Dahil sa natupad nila ang kanilang layunin, itinuring na lamang ni Lin Wei na naging maswerte sila. Alam niya, ang swerte ay mahalaga sa industriyang kanilang ginagalawan, at ang swerteng ito ay na kay Tangning.

Ang pagpapahayag ng muling pagbabalik sa industriya ay nangangahulugang ang lahat ay magsisimulang muli sa simula. Pero naniniwala si Tangning na hanggang hindi siya sumusuko, kaya pa rin niyang maabot kung ano narrating niya noong nakalipas na 3 taon at kaya niya itong malagpasan.

Ang pangalan ni Tangning ay muling nakilala sa mundo ng internet.

Nasasabik na sinimulang basahin ni Long Jie ang ilan sa mga komento para kay Tangning na may ngiti sa mukha, "Ipinagpapalagay ko na galit na galit ngayon si Mo Yurou. Akala niya siguro, na ang pagkakamali na ginawa ni Tangning ay maaaring maging daan upang matapos na ang career mo."

"Akala din niya siguro ay magkakaroon na siya ng pagkakataon na siraan ka sa harap ni Han Yufan at hilingin dito na parusahan ka."

Hindi na pinansin ni Tangning ang pag – iisip ni Long Jie tungkol sa maaaring reaksiyon ni Mo Yurou sa mga pangyayaring nagaganap, nilingon niya si Lin Wei at tinanong, "Ang mga nilalaman ng scandal, naayos mo na ba?"

"Oo naman, siguradong magiging masaya ito," sagot ni Lin Wei.