"Zhang Xuan, isang araw lang tayong hindi nagkita ganyan na agad kalakas yung loob mo!" Pagpasok niya sa silid, nagtingin tingin sa paligid si Shang Bin at napansin niyang nakakuha ng limang estudyante ang basurang guro. Kita sa mga mata niya ang kabagsikan habang nagsasalita siya, "Ang lakas ng loob mong lokohin si Wang Ying xiaojie, si Zhao Ya xiaojie at ang iba pa, pati na rin ang estudyante ni Cao Xiong laoshi naloko mo para maging estudyante mo, saang lupalop ng impyerno mo ba nakuha yang tapang mo!"
"Shang Bin laoshi? Cao Xiong laoshi?"
Nang makita niya ang ilang lalaki na pumasok sa silid, sumimangot si Zhang Xuan, "Nasa kalagitnaan ako ng isang leksyon. Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo na lang pagkatapos ng klase namin!"
"Lesson mo mukha mo! Personal nang nagpunta dito si Shang shaoye kaya anong ipinagmamalaki mo dyan ha? Kung titignan ang pamantayan mo, himala na para sa ibang mga estudyante na hindi ka nagkamali sa pagtuturo sa kanila, tapos sinasabi mong may lesson pa kayo? Ikaw na hindi man lang alam ang mga basic ng cultivation, ang lakas ng loob mong magmalaki sa amin!" Kinutya ni Cao Xiong si Zhang Xuan.
Dahil noon pa man ay hindi na magkasundo sila Zhang Xuan at Cao Xiong, hindi na niya kailangan pang magpanggap.
"Alis na! Hindi kayo kailangan dito!" Tumingin ng matalim si Zhang Xuan sa kanila.
"Pinagpapatuloy mo pa rin yung pagpapanggap mo? Zhang Xuan, naaalala mo ba yung apelyido mo?" Humalakhak si Shang Bin, "Alisin mo na sa klase mo sila Zhao Ya xiaojie at Wang Ying xiaojie at ibalik mo si Liu Yang kay Cao Xiong laoshi. Kung gagawin mo yun, baka hindi na kita turuan ng leksyon ngayon. Kung hindi naman… Ikinalulungkot kong sabihin na kakailanganin mo ng wheelchair sa buong termino sa eskwelahan na 'to!"
"May balak kang gawin sakin?" Lumingon si Zhang Xuan sa kanila, "Ipinagbabawal ang paglalaban ng mga guro sa loob ng akademya. Hindi ba alam ni Shang Bin laoshi ang mga patakaran ng akademya?"
"Ang mga patakaran ng akademya ay para sa mga tao lang. Kung ibang tao ang kaharap ko, mag-aalala pa ako sa kaparusahan ng paglabag ko sa mga patakaran na yun, pero dahil ikaw ang kaharap ko… Hehe, sa tingin mo ba may tao sa akademya na tutulong at poprotekta sa basurang gaya mo?" Nagsalita si Shang Bin at kitang kita ang kanyang masamang intensyon.
"Alam ko na, dahil 'to sa mga sinabi ko sayo kahapon, yun ang dahilan kung bakit sinasadya mong guluhin ako ngayon no? Hindi ka ba natatakot na baka magalit si Shen Bi Ru laoshi sa mga ginagawa mo ngayon?" Ang naiinis na sagot ni Zhang Xuan.
"Hehe, buti naman alam mo. Dahil napagdesisyunan ko nang turuan ka ng leksyon, malamang, wala na akong paki-alam kahit ano pa ang sabihin mo…" Hindi ito kinaila ni Shang Bin at nang humakbang siya palapit kay Zhang Xuan para turuan siya ng leksyon, biglang may narinig na galit na galit na boses si Shang Bin.
"Ikaw yun!"
Namula ang mga mata ni Yao Han.
Dahil narinig niyang nagalit si Shang Bin kay Zhang Xuan kahapon at may kinalaman si Shen Bi Ru sa nangyari, kung hindi pa malaman ni Yao Han kung sino ang bumugbog sa kanya, kahit siya mismo ay iisiping tanga siya!
"Ano?" Nakita niyang galit na galit si butler Yao nang sinubukan niyang parusahan si Zhang Xuan, lumingon sa kanya si Shang Bin, at naguluhan.
"Sa tingin mo ba maniniwala ako na hindi mo alam kung anong ginawa mo?"
Bago pa man makakilos si Shang Bin, kasabay ng isang malakas na sigaw, sumalpok sa mukha niya ang kamao ni Yao Han.
"Anong!"
Pakiramdam ni Shang Bin na dumidilim ang paligid niya. Nagka-pasa ang paligid ng mga mata niya. Nagpasuray-suray siya bago siya bumagsak sa lupa.
"Ang lakas ng loob mong bugbugin ako, pagbabayarin kita sa ginawa mo!"
Nang maalala niya ang sakit at hirap na naramdaman niya habang binubugbog siya kahapon, hindi nag-alinlangan si Yao Han sa bawat suntok niya. Habang nakaupo siya sa katawan ni Shang Bin, sunud-sunod ang pinakawalan niyang suntok na parang isang bagyo.
"Butler Yao…"
Mabilis ang mga pangyayari. Gulat na gulat sila Wang Tao at Cao Xiong.
Sa katunayan, hindi lang sila ang nagulat, kahit si Zhao Ya, si Wang Ying at ang iba pa ay nagkatinginan dahil sa sobrang pagkalito.
Kani-kanina lang, nang dumating ang mga taong ito para guluhin si Zhang laoshi, nagalit ang mga estudyante ni Zhang Xuan at binalak na ipagtanggol siya. Ngunit, bago pa man sila kumilos, nagsimula nang mag-away-away ang mga lalaking nagtangkang mang gulo sa kanila.
Hindi ba't masyadong pambihira ang pangyayaring 'to!
Lalong lalo na para kay Zhao Ya. Alam niya ang ugali at pagkatao ni butler Yao. Isa siyang marangal at makatwirang tao na inaayos ang mga problema sa maayos na paraan. Kung hindi siya ganun, imposibleng pumayag ang tatay niya na maging butler ng pamilya nila si Yao Han.
Pero… anong nangyari? Bakit niya binugbog si Shang Bin bago pa man siya makatapos sa pagsasalita niya?
Malamang, ang tanging nakakaalam kung anong nangyayari ay si Zhang Xuan.
Ang dahilan kung bakit sinadya niyang sabihin na nagka-alitan sila ni Shang Bin kahapon at binanggit niya ang pangalan ni Shen Bi Ru ay para maalala ni butler Yao ang dalawang katangian ng umatake sa kanya kahapon… Sa huli, gaya ng inaasahan niya, inatake ni Yao Han si Shang Bin!
Yung totoo, hindi naman masisisi si butler Yao sa pagiging padalos dalos niya. Kung sabagay, kahit sino naman, kung bigla kang bubugbugin ng wala namang dahilan, siguradong maga-galit ka din. Higit pa dito, mataas ang tungkulin niya at siya ang kumakatawan sa imahe ng Baiyu City, kaya kahit minsan ay hindi pa siya nakaranas ng ganitong kalapastanganan. Dagdag pa dito, ilang beses siyang ginalit ni Zhang Xuan nitong nagdaang dalawang araw at pinipigilan siya ng young mistress na saktan si Zhang Xuan. Dahil wala siyang mapagbuntunan ng galit niya, naipon ito sa kanyang dibdib. Sa mga oras na 'to, nang makilala niya ang kaaway niya, paano niya pa ito matitiis?
"Butler Yao, anong ginagawa mo?!" Ramdam niya ang pagtama sa kanya ng mga kamao ni butler Yao na parang mga patak ng ulan, naguluhan si Shang Bin at pakiramdam niya ay nagdidilim ang paligid niya. Halos sumuka siya ng dugo sa nangyari.
Anong nangyari?
Ito ang unang beses nilang magkita ni butler Yao at sigurado siyang hindi pa sila nagkaroon ng alitan dati, kaya bakit ganun siya ka-brutal?
Kahit anong gawin niya, hindi niya maisip kung paano niyang nagalit si Yao Han!
"Anong ginagawa ko? Huwag ka nang mag maang maangan pa, hindi mo ba alam kung anong ginawa mo?"
Peng peng peng peng!
Sunod sunod at walang tigil siyang pinagsusuntok ni butler Yao.
Si Shang Bin ay isang high-level na guro at naabot na niya ang lebel ng Fighter 5-dan Dingli realm. Ganun pa man, malayo pa rin ang agwat nila ng 6-dan Pixue realm ni Yao Han. Hindi niya kayang tapatan si Yao Han sa isang normal na labanan, lalong lalo na sa isang biglaang pag-atake. Nanghina siya agad sa isang suntok pa lang.
"Butler Yao, huminahon ka, huminahon ka. Pwede natin 'tong pag-usapan…"
Ngayon lang natauhan sila Cao Xiong at Wang Tao at agad nilang pinaghiwalay ang dalawa.
Sa mga oras na 'to, ang gwapong mukha ni Shang Bin ay magang maga at halos di ito nalalayo sa itsura ng ulo ng isang baboy.
"Bwisit!" Halos sumabog sa galit si Shang Bin.
Noong una, binalak niyang turuan ng leksyon si Zhang Xuan ngunit hindi niya inasahang biglang magwawala si butler Yao na taga Baiyu City at aatakihin siya!
Sa mga oras na ito, lahat ng naipon niyang galit ay itinuon niya kay butler Yao!
"Kahit na ano pang galit ang mayroon kayo sa isa't isa, pakiusap ayusin niyo yan sa labas ng silid aralan. Hindi 'to ang lugar para magkahulo kayo. Kung hindi pa kayo aalis at pinagpatuloy niyo ang panggugulo niyo sa klase ko, ipapaalam ko' to sa Central Education Bureau at papupuntahin ko sila dito…"
Nagsalita si Zhang Xuan.
"Sige na… Maghintay ka lang!"
Nang marinig niyang ipapaalam ni Zhang Xuan ang tungkol dito sa Central Education Bureau, tumalikod si Shang Bin at umalis na.
Kapag kumalat ang balita tungkol sa nangyari sa kanya, paano pa siya haharap sa ibang tao? Hindi siya pwedeng makita ng ibang mga guro sa kalagayan niya ngayon!
"Shang shaoye… Shang shaoye!"
Noong una, inisip ni Cao Xiong na magiging madali lang ang lahat. Dahil si Shang shaoye na mismo ang kikilos, siguradong mapipilit niya si Zhang Xuan na ibalik sa kanya ang estudyante niya. Ngunit, hindi niya inasahan ang nangyari. Nagmadaling sumunod kay Shang Bin si Cao Xiong.
Di kalaunan, nawala na sa paningin nila ang dalawa.
"Uncle Yao, anong ginagawa mo?"
Pagkaalis ng dalawa, lumapit at tumingin si Zhao Ya sa kanyang Uncle Yao, namula ang mukha niya sa galit.
Hindi naman ganito si Uncle Yao dati, kaya bakit parang nagiging padalos dalos ata siya ngayon!
"Young mistress, ano kasi e…" Hindi alam ni Yao Han kung paano niya sasagutin si Zhao Ya.
Kung sabagay, hindi niya pwedeng sabihin na nagtangka siyang kapunin si Zhang Xuan sa kanyang dormitoryo ngunit binugbog siya ni Shang Bin, at naghiganti lamang siya kanina sa ginawa ni Shang Bin sa kanya!
"Sige na, may klase pa kami. Maaari na kayong umalis!"
Ang sabi ni Zhang Xuan.
Matapos nilang makapag-isip-isip, umalis na ng silid aralan sila Yao Han, Wang Tao at Tatang Liu.
.....
"Bwisit, bwisit talaga!"
Pagkaalis niya sa silid aralan ni Zhang Xuan, sumigaw sa galit si Shang Bin, "Kailangan maturuan ng leksyon yung butler Yao na yun. Pati na rin si Zhang Xuan. Ang lakas ng loob niyang tingnan ako ng masama, dapat siyang maparusahan!"
Bilang apo ng isang elder, naging madali ang kanyang buhay sa araw-araw. Kahit minsan ay hindi pa siya nakaranas ng ganitong kalapastanganan!
Ang masama pa dito, hindi niya alam kung bakit nangyari sa kanya 'to.
Nagsasalita siya nang bigla siyang atakihin ni Yao Han! Hindi niya maintindihan ang naging pangyayari!
"Kasabwat siguro ni Zhang Xuan yung Yao Han na yun! Kasi kung hindi, bakit naman niya aatakihin si Shang shaoye? Malamang inutusan siyang gawin yun!" sabi ni Cao Xiong.
"Walang duda, yun nga siguro ang dahilan!" sumang-ayon si Shang Bin.
Wala siyang ginawang masama kay Yao Han, ngunit walang ano-ano'y inatake siya nito. Malamang dahil ito sa sinabi niyang gusto niyang turuan ng leksyon si Zhang Xuan!
"Sigurado ka bang hindi kusang loob na pinili ni Liu Yang si Zhang Xuan para maging guro niya?"
Pagkalipas ng ilang oras, nahimasmasan si Shang Bin at nagtanong kay Cao Xiong.
"Nakasisiguro akong hindi niya kusang loob na pinili si Zhang Xuan!" Nang maalala niya ang pagkainis sa itsura ni Liu Yang kahapon, kampanteng sumagot si Cao Xiong.
"Magaling. Kung ganyan ka kasigurado, kumuha ka ng [Enlightenment Will Trial]!" Ang sabi ni Shang Bin.
"Enlightenment Will Trial? Di ba't…" nagdilim ang mukha ni Cao Xiong.
Ang Enlightenment Will Trial ay isang espesyal na paraan na ginagamit para malaman kung kanino ba mapupunta ang isang estudyanteng pinag-aagawan ng maraming mga guro kapag hindi makapagbigay ng hatol ang akademya tungkol dito. Sasailalim ang estudyante sa pagsubok ng [Enlightenment Will Tower] at ipapakita nito ang nilalaman ng isipan ng estudyante sa pamamagitan ng isang confidence meter.
Kapag napatunayang labag sa loob ng isang estudyante na maging estudyante siya ng isang guro, ang guro ng estudyanteng yun ay maparurusahan. Sa kabilang banda, kung mapapatunayan na ang guro na nag-apply ng Enlightenment Will Trial ay nagsisinungaling, makakatanggap rin siya ng kaparusahan.
Ito ang huling paraan na ginagamit kapag wala nang ibang paraan para malaman kung kanino ba dapat mapunta ang estudyante.
Alam ni Cao Xiong ang tungkol dito, ngunit sa tingin niya hindi kailangan na humantong sa ganito.
"Bakit? Nagsisinungaling ka ba sakin? Di kaya kusang loob talagang lumipat kay Zhang Xuan ang estudyante mo?" Nagdilim ang pagmumukha ni Shang Bin nang makita niya ang pag-aalinlangan sa mukha ni Cao Xiong.
"Hindi, hindi siya kusang loob na lumipat. Mag… mag-aapply na ako ngayon! Sisiguraduhin kong makukuha niya ang nararapat sa kanya!" Tumango si Cao Xiong.
"Un, bilisan mo na!" Masayang tumango si Shang Bin nang makita niyang sundin ni Cao Xiong ang sinasabi niya. "Kapag nag-apply ka, siguraduhin mong yung pinakamataas na kaparusahan ang matatanggap niya! Sa ganitong paraan, maghihirap ng husto si Zhang Xuan, at posibleng matanggal pa siya sa trabaho!"
Maaaring itaas ang kaparusahan base sa kagustuhan ng nag-apply nito. Kapag mas mataas ang pinaglalabanan, mas mabigat ang parusang ipapataw sa matatalong panig ng paglilitis.
"Sige!" Nagningning ang mga mata ni Cao Xiong sa sobrang tuwa nang maisip niya na matatanggal sa trabaho si Zhang Xuan.