Chereads / Library of Heaven's Path (Tagalog) / Chapter 27 - Ang Di-magkamayaw na Wang Clan

Chapter 27 - Ang Di-magkamayaw na Wang Clan

"Ok, dito natin tatapusin ang leksyon natin ngayon. Huwag niyong kakalimutang pag-aralang maigi ang mga nilalaman ng leksyon natin pag-uwi niyo. Kung may hindi kayo maintindihan, pwede niyo akong puntahan para linawin ito!"

Ang sabi ni Zhang Xuan.

"Opo!" Sabay sabay na sumagot ang limang estudyante bago umalis ng silid aralan.

Hindi sila masyadong nakapag pokus sa kanilang leksyon at bukod pa dito ilang beses ding may pumasok sa silid aralan nila para manggulo, ngunit marami pa rin silang natutunan sa klase nila. Kung magpupursigi sila na pag-aralan ang mga itinuro sa kanila, siguradong higit na aangat ang kanilang cultivation.

Masayang umalis ng silid ang limang estudyante. Paglabas ni Wang Ying, hinablot siya agad ng kuya niya, na si Wang Tao.

"Tara na, umuwi na tayo sa clan natin!"

"Umuwi sa clan? Kuya, bakit tayo uuwi…" Nabigla si Wang Ying.

"Hmph, hindi mo pinakinggan ang mga sinabi ko at pinili mo pa ang pinaka walang kwentang guro sa akademya para maging guro mo. Sinabi ko na kay ama ang tungkol dito at sabi niya gusto ka daw niyang makausap!" Ang pagalit na sinabi ni Wang Tao.

Noong una niyang pagpasok sa silid aralan, itinapon siya palabas. Noong pangalawang beses siyang pumasok, lumabas siya ng wala man lang nagawa. Kung titignan ang ekspresyon ng kapatid niya, alam niyang hindi niya basta makukumbinsi ang kapatid niya. Kaya naman, inutusan niya si Tatang Liu para bumalik sa clan nila at ipaalam ang tungkol dito.

Gusto niyang kumbinsihin ng tatay nila si Wang Ying na umalis na sa pagtuturo ni Zhang Xuan.

Maaari ngang inosente ang kapatid niya, ngunit masunurin siya sa ano mang sabihin ng kanilang ama.

"Si ama…" Makikita ang takot sa pagmumukha ni Wang Ying.

Ang tatay nila ang kasalukuyang pinuno ng Wang clan, si Wang Hong!

Isa siyang napaka istriktong tao, bihira siyang ngumiti, pati ang mga anak niya ay takot sa kanya.

"Mali ang pagkakakilala niyo kay Zhang Xuan laoshi. Napakahusay niyang magturo…"

Sinubukang mangatwiran ni Wang Ying.

"Hmph, sabihin mo yan kay ama, tignan lang natin kung maniwala siya sayo!" Hinawi ni Wang Tao ang kamay niya at walang anu-ano'y, kinaladkad niya palabas ng akademya si Wang Ying.

Ang Hongtian Academy at ang Wang Clan ay parehong nasa Tianxuan City at hindi sila nalalayo sa isa't isa. Ilang saglit lang, nakarating na ang magkapatid sa clan nila at hinila ni Wang Tao si Wang Ying papunta sa kanilang ama.

"Pasok!"

Umalingawngaw ang boses ng clan head na si Wang Hong.

"Opo!" Nanginig sa takot si Wang Ying nang marinig niya ang boses ng kanilang ama. Itinikom niya ang kanyang bibig, at sumunod siya sa likod ng kanyang kuya papasok ng silid.

Sa loob ng silid, makikitang nakaupo sa pinaka gitna ng silid ang clan head na si Wang Hong. Ang ilang tao na nakaupo sa likuran niya ay ang mga elder ng clan nila. Mayroon ding isang binata na nakaupo sa may gilid.

Nakilala ni Wang Ying ang binata bilang ang apo ng 2nd Elder, si Wang Yan.

Magkasabay silang pumasok ni Wang Yan sa Hongtian Academy. Sa huli, nagawa ni Wang Yan na maging estudyante ng kilalang guro na si Lu Xun laoshi habang si Wang Ying naman ay naging estudyante ng guro na may painaka pangit na reputasyon sa akademya na si Zhang Xuan…

"Ama!" Hindi makahinga ng maayos si Wang Ying dahil sa tensyon sa loob ng silid.

"Lumuhod ka!"

Nagdilim ang pagmumukha ni clan head Wang Hong.

Malaki ang papel na ginagampanan ng isang guro sa cultivation ng estudyante. Bago siya pumasok sa akademya, paulit-ulit na pinaalalahanan ni Wang Hong si Wang Ying na si Lu Xun ang piliin niyang maging guro. Ngunit, ang dalagang ito'y…

[Bakit hindi ka na lang pumili ng iba?

Bakit yung pinaka walang kwenta pa sa akademya ang pinili mo?]

Nang marinig niya ang balita, halos mamatay siya sa sobrang galit.

Putong!

Nanginig si Wang Ying kasabay ng pagluhod niya.

"Inaamin mo ba ang pagkakamali mo?" Ang tanong ni Wang Hong.

"Ah…"

"Hmph, ang pagpili ng isang tao ng magiging guro niya ay dapat na alinsunod sa kagustuhan ng isang indibidwal, kaya ayaw ko sanang magsalita tungkol dito, pero hindi mo ba alam ang pamantayan ng Zhang Xuan laoshi na yun? Siya ang nakakuha ng pinaka mababang score sa Teacher Qualification Examination at nagwala din ang isa sa mga naging estudyante niya dati. May kakayahan ba ang isang tulad niya para maging guro mo?" Ang sabi ni clan head Wang Hong na may malagim na ekspresyon sa kanyang mukha. "Kung hindi mo alam ang sitwasyon at naloko ka niya, palalampasin ko pa sana 'to, pero bakit hindi ka nakinig sa mga sinabi ng kuya mo? Narinig ko na sinabihan ka daw ng kuya mo na umalis na sa pagtuturo ng guro na yun, pero hindi mo siya sinunod? Ano bang gusto mong mangyari?"

Palakas ng palakas ang boses ni clan head Wang Hong, hanggang sa lumangitngit at mayanig ang buong silid.

"Ah…" Nang marinig niya ang sermon ng kanyang ama, namula ang mukha ni Wang Ying at nagngingit ang kanyang mga ngipin at sinabing, "Ama, hindi walang kwenta si Zhang Xuan laoshi na gaya ng mga sinasabi ng iba. Isa siyang mahusay na guro, ayaw lang niyang mapansin siya ng maraming tao. Gusto kong maging estudyante niya, hindi ako aalis sa pagtuturo niya!"

Malaki ang naitulong sa kanya ng isang leksyon pa lang. Alam ni Wang Ying na isang magandang oportunidad para sa kanya ang maging estudyante siya ni Zhang Xuan. Kung malalampasan niya ang pagkakataong ito, siguradong magsisisi siya buong buhay niya.

"Mahusay kamo siya? Haha, ang isang tulad niya na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination?"

"Wang Ying, makinig ka sa sinasabi ng clan head, huwag kang magpaloko sa Zhang Xuan na yun!"

"Dapat gayahin mo si Wang Yan. Nakaka isang leksyon pa lang sila, pero nadagdagan agad ng 40% ang lakas niya. Siguradong pinaka mahusay ang pagtuturo ni Li Xun laoshi sa buong akademya!"

Nang marinig nila ang mga sinabi ni Wang Ying, nagtawanan ang mga elder at napailing.

[Walang sinuman sa Tianxuan City ang hindi nakakaalam sa reputasyon ng Zhang Xuan na yun. Tapos, sasabihin mong mahusay siyang guro… Anong kalokohan 'to!]

"Ikaw bata ka…" Nang marinig niya ang sinabi ng anak niya, nanggalaiti si clan head Wang Hong, "Wala akong pakialam kahit ano pang sabihin mo, aalis ka sa pagtuturo niya ngayon din! Kung hindi mo gagawin yun, huwag na huwag ka nang babalik pa sa pamamahay na 'to!"

"Hindi ako sang-ayon sa desisyon mo!" Mukha mang mahina si Wang Ying, ngunit napaka bilis uminit ng kanyang ulo. Tumayo siya ng tuwid at walang alinlangang nagsalita, "Hindi niyo pa naman narinig na magturo si Zhang Xuan laoshi, kaya anong karapatan niyo para sabihin na hindi siya magaling magturo? Anong karapatan niyong lahat para pilitin akong umalis sa pagtuturo niya?"

"Hindi man kami nakapakinig ng mga leksyon niya, pero sa tingin mo ba posibleng hindi totoo ang mga balita tungkol sa kanya at pati na rin ang resulta ng Teacher Qualification Examination niya?" Ang sagot sa kanya ng isang elder.

"Wang Ying xiaojie, huwag nang matigas ang ulo mo. Maraming estudyante ang makapagsasabi kung magaling ba siyang magturo o hindi. Sa tingin mo ba ikaw lang ang matalino sa lahat ng mga estudyante dun?" Ang sabi ng isa pang elder.

"Hindi ko alam kung dinaya yung Teacher Qualification Examination o hindi, pero alam ko na pinagaling niya ang mga binti ko at binigyan niya ako ng mga payo para sa cultivation ko. Mas malakas na ako ng halos doble kaysa dati!" Ang sabi ni Wang Ying.

"Pinagaling niya ang mga binti mo? Anong kalokohan 'to!"

"Kahit nga si Master Yuanyu ay hindi nagawang gamutin ang mga binti mo. Tapos, sasabihin mo samin na napagaling ng guro na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination yung mga binti mo?"

"Wang Ying xiaojie, kung magsisinungaling ka para sa kanya, sana naman kapanipaniwala naman ang sabihin mo…"

Alam ng lahat ng miyembro ng clan nila ang tungkol sa kondisyon ng mga binti ni Wang Ying. Nang marinig nila ang sinabi niya, ang ilan sa mga elder ay nagsalita ng di maganda.

"Kung ayaw niyong maniwala sakin, patutunayan ko na lang sa inyong lahat!"

Nang makita niyang hindi naniniwala sa mga sinasabi niya ang mga elder, hindi na nakipagtalo pa si Wang Ying at naglakad na lamang papunta sa Strength Measuring Rock Pillar at sinipa ito.

Peng!

Nayanig ang rock pillar at lumitaw ang mga numero sa itaas nito.

205!

"Ano?"

Nang makita niya ito, gulat na gulat si clan head Wang Hong.

Pati ang mga elder na nanenermon kay Wang Ying kanina ay napaatras at nangatog sa sobrang gulat.

Tiningnan ng ilan sa mga elder ang binti ni Wang Ying noon at sinabing imposible na itong gumaling pa. Sinabi nilang imposibleng makapaglabas pa siya ng pwersa sa mga binti niya at himala na lang na nakakalakad pa siya.

Pero, para magkaroon siya ng lakas na 205kg sa mga binti niya?

Paano… Paanong nangyari 'to?

Pagkatapos niyang sipain ang poste, hindi pa tumigil si Wang Ying. Umikot siya at sinuntok ang poste.

Weng!

Lumitaw ang mga numero sa rock pillar.

120!

May lakas na 120kg ang mga kamao niya!

"Ikaw… Nasa Juxi realm primary stage ka pa lang di ba. Akala ko 53kg lang ang kaya mo noong umalis ka kahapon? Paanong nagkaroon ka ng lakas na… 120kg?" Biglang napatayo si clan head Wang Hong at nanginig ang boses niya dahil sa pagkabahala.

Sa Fighter 1-dan Juxi realm, natututo ang cultivator ng tamang paghinga at kung paano pakiramdaman ang spirit sa hangin. Bukod pa dito, matututunan din nilang kontrolin ang daloy ng spirit energy sa katawan nila gamit ang kanilang isipan.

Magkakaroon sila ng lakas na aabot sa 50kg sa primary stage, 70kg sa intermediate stage, 90kg sa advanced stage at 110kg sa pinnacle.

Ito ang bigat na kayang dalhin ng isang cultivator gamit ang kanilang lakas. Normal lang na maging mas mababa o mas mataas ang lakas ng kanilang kamao kaysa sa kaugnay na lakas ng kanilang lebel ng cultivation.

Kung tutuusin, kamangha mangha na kung magkakaroon ka ng 20% hanggang 30% na dagdag sa iyong lakas sa lebel na iyon. Kahit na ang kilalang guro na si Lu Xun, ay 40% lamang ang kayang maidagdag sa lakas ng isang estudyante!

Kahit na hindi pa siya nakakalagpas sa kasalukuyang lebel ng kanyang cultivation, kahit na nasa Juxi realm primary stage pa lang siya, kaya niyang magpakawala ng pwersang may lakas na 120kg, mas malakas pa kaysa sa isang taong nasa Juxi realm pinnacle! Ibig sabihin lang nito na higit pa sa doble ang itinaas ng kanyang lakas, kamangha mangha talaga ito!

"Lumakas lang ako ng ganito dahil sa pagtuturo ni Zhang Xuan laoshi!" Pagkatapos niyang patamaan ang poste, huminto si Wang Ying at nagsalita.

"Dahil lang sa isang payo, napalakas ka niya ng husto? Higit pa dito… napagaling din niya ang mga binti mo?"

Hindi makapaniwala ang clan leader na si Wang Hong. Humakbang siya papalapit sa anak niya. Sa isang tingin lang, alam na agad niyang magaling na nga ang mga binti ng anak niya!

Bilang pinaka walang kwentang guro sa akademya, hindi lamang niya nagawang pagalingin ang isang kondisyon na hindi kayang gamutin ni Master Yuanyu, nagawa din niyang palakasin si Wang Ying ng husto sa maikling panahon lang. Totoo ba 'to?

"Pwede mo bang sabihin samin kung ano ang nilalaman ng leksyon niyo ngayong araw? Anong mga itinuro niya?"

Nang mahimasmasan siya, hindi mapigilan ng clan head na si Wang Hong na magtanong.

"Sige. Ngayong araw, itinuro ni Zhang laoshi ang tungkol sa mga cultivation technique. Pero, dahil masyadong malalim ang mga pinagsasabi niya, konti lang ang naaalala ko sa mga itinuro niya. Ito ang mga sinabi niya…"

Bahagya siyang nag-alinlangan, pagkatapos ay sinabi niya lahat ng mga naalala niya.

"Ang pag-iipon ng hininga at ang pagpapalago nito… Hindi ko alam na may mas malalim pa palang teorya sa likod ng Juxi realm!"

"Ito ay… nakakamangha. Kung nakapakinig lang ako ng ganitong klaseng leksyon dati, hindi sana ako mapapako sa realm na 'to, hindi ako makausad!"

"Ito'y isang teoryang galing sa isang tunay na master. Naliwanagan ang isip ko…"

Dahil sa mga pinagsasabi niya, ang clan head at pati na ang mga elder ay natulala, parang nalasing sila sa mga sinabi niya, halos mabaliw na sila.

Para maging clan at elder ng isang kilalang clan, mataas ang lebel ng cultivation nila, kahit ang pinaka mahina sa kanila ay mga Fighter 6-dan Pixue realm expert.

Pagkalipas ng maraming taon ng pagku-cultivate, nagkaroon sila ng mataas na lebel ng kaliwanagan sa pagku-cultivate at mas naiintindihan nila ito.

Kahit na isinasalaysay lang ni Wang Ying ang mga ito ng hindi man lang naiintindihan ang mga teorya sa likod ng pagku-cultivate, para sa kanila, ang mga salitang ito ay parang salita na din ng diyos. Nalutas nito ang mga misteryong hindi nila maintindihan dati at nakaramdam sila ng kaginhawaan.

"Siya ay… Siya'y isang tunay na master… Hindi pala, kahit ang isang master ay hindi kayang ipaliwanag ang ganoong kalalim na mga teorya!" Nagliwanag ang mga mata ni clan head Wang Hong at bumilis ang paghinga niya dahil sa pagkabalisa.

"Ama, ama?"

Nang makita niyang halos mabaliw na ang ama niya, sinubukan ni Wang Ying na gisingin siya.

" Ah? Ying-er, kahit na anong mangyari hindi ka dapat umalis sa klase ng Zhang laoshi na yun! Kailangan mong mag-aral ng mabuti sa pangangalaga niya…" Nang mahimasmasan si clan head Wang Hong, tumingin siya kay Wang Ying at nagsalita.

"Pero ama, ang sabi mo…" Hindi niya inasahan na ang ama niya, na napaka konserbatibo, ay madaling magbabago ang isipan, hanggang sa si Wang Ying mismo ay hindi makasabay sa pagbabagong ito ng kanyang ama.

"Hindi ko alam na napakahusay pala ng Zhang laoshi na yun! Oo nga pala…"

Sa puntong ito, bakas sa mukha ng clan head na si Wang Hong ang tuwa at pananabik nang magtanong siya, "Ying-er, pwede mo bang tanungin ang Zhang laoshi mo… kung tumatanggap pa siya ng estudyante? Dapat matuto rin sa kanya si Wang Yan at si Tao-er… Sa katunayan, bakit hindi na lang din ako maging estudyante niya…"

"Clan head, bilang pinuno ng Wang Clan, paano ka magiging estudyante ng guro na may pinaka mababang lebel sa akademya? Kung kakalat ang balita tungkol dito, paano pa maipagmamalaki ng Wang Clan ang ating dignidad sa Tianxuan City?"

Bago pa matapos ni clan head Wang Hong ang kanyang sinasabi, bigalang nagsalita ang isa sa mga elder. Pagkatapos niyang pagsabihan ang clan head, lumingon ng nakangiti ang elder at sinabing, "Isa lamang akong normal na elder at hindi ako kumakatawan sa imahe ng Wang Clan. Kung hindi pa rin pwede, aalis ako sa posisyon ko bilang isang elder. Kaya naman, pwede niyo ba akong tulungan na tanungin siya kung pwede ko siyang maging guro?"

"..." Wang Tao, Wang Ying at Wang Yan.

"..." Clan head Wang Hong.

------

Ying-er, Tao-er

Ang pagdadagdag ng - er sa pangalan ng isang tao ay isang paraan sa pagtawag sa anak na lalaki at babae, kung minsan pati sa malalapit na pamangkin at iba pa.