Kahit na wala siyang problema sa paglalakad niya dahil sa pinsala sa binti niya, naging mahirap naman para sa kanya ang pagsasanay. Pakiramdam niya ay nakababad sa lason ang mga buto niya. Nitong nakaraang kalahating taon, walang araw na nakaramdam siya ng kasiyahan.
Dahil dito, naging takot siya sa ibang tao, at naging mahiyain siya.
Noong una, inisip niyang habambuhay na niyang iindahin ang kondisyon niya. Ngunit, hindi niya inasahan na sasabihin ni Zhang Xuan laoshi, na itinuturing na basura ng lahat, na 'Maliit na bagay lang yun!'. Hindi siya makapaniwala sa mga narinig niya.
Kanina, iniisip niya na nagyayabang lang si Zhang Xuan. Ngunit, nang banggitin niya ang dahilan ng pinsala sa binti ni Wang Ying, nagsimula siyang umasa na magagamot pa nga ang binti niya.
"Ang dahilan kung bakit kita pinapuntang mag-isa sa kwartong 'to ay para gamutin ka! Sige na, i-relax mo lang ang buong katawan mo!"
Kumuha si Zhang Xuan ng isang jade box na katamtaman lang ang laki mula sa kwarto at dahan-dahan itong binuksan. Sa loob nito nakalagay ang napakaraming karayom na gawa sa pilak na magkakaiba ang haba.
Sa pagsasanay ng mga martial artist, hindi maiwasan na mapinsala ang kanilang mga katawan. Kaya naman, may inihanda ang akademya na mga kit na gaya nito sa bawat silid aralan para makatulong sa pagpapaganda ng sirkulasyon ng dugo ng mga sugatan, at para na din pansamantalang malunasan ang pinsala.
"Opo!" Nakinig si Wang Ying sa boses niya, na mabilis, kampante ngunit walang bahid ng kayabangan, at sumagot. Kahit paano, buong pusong nagtiwala si Wang Ying sa taong nasa harap niya at huminahon ang kanyang katawan.
Sou!
Habang nakaupo siya, dinampot niya ang isang karayom na pilak at ipinilantik ito.
Narinig ang isang mahinang tunog nang tumarak at bumaon sa binti ni Wang Ying ang karayom na nilagyan niya ng kanyang zhenqi.
"Ito ang… Zephyr Acupuncture?" Habang nanginginig ang kanyang katawan, minulat ni Wang Ying ang mga mata niya.
Ang Zephyr Acupuncture. Ito ay isang pamamaraan kung saan ginagamit ng isang martial artist ang kanyang kakayahan para kontrolin ang lakas niya sa pagkontrol ng daanan ng mga karayom upang bumaon sa mga tamang lugar ng hindi hinahawakan ang katawan ng pasyente.
Sa ganitong paraan, ang isang lalaking physician ay maisasagawa ang acupuncture ng hindi kinakailangang dumikit o humawak sa babaeng pasyente. Sa paraang ito maiiwasan na magka-ilangan ang dalawa.
Kahit na mukhang simple ang ganitong paraan ng pagsasagawa ng acupuncture, lubhang napakahirap pa rin nito. Unang-una, kinakailangang bihasa sa pagkontrol ng kanyang lakas ang martial artist na nagsasagawa nito. Kung magkakaroon ng kahit kaunting pagkakamali, malaki ang posibilidad na pumalpak ito! Higit pa dito, kinakailangang matalas ang paningin ng nagsasagawa nito. Mahirap malaman kung saan ang mga acupoint sa ilalim ng damit ng pasyente. Kapag nagkamaling tutusukin ang acupoint ng physician, maraming maaaring mangyaring masama!
Sinabi ni Master Yuanyu na kailangang maabot mo muna ang lebel ng cultivation na Fighter 5-dan Dingli realm para maisagawa ang Zephyr Acupuncture!
Posible kayang umabot na sa ganitong lebel ang tinaguriang basurang guro sa akademya?
Imposible!
Lahat ng mga guro na nakaabot na sa Dingli realm ay sikat sa akademya, isa dito ay ang sikat na guro na si Liu Xun. Ayon kay Liu laoshi, si Zhang Xuan laoshi ay nasa Fighter 3-dan Zhenqi realm pa lang. Malayo-layo pa bago niya maabot ang 5-dan Dingli realm.
Kaya ng isang Fighter 3-dan Zhenqi realm na isagawa ang Zephyr Acupuncture?
Hindi siya makapaniwala dito!
Sou sou sou sou!
Habang tulala at di makapaniwala si Wang Ying, nagpatalsik ng ilan pang karayom si Zhang Xuan papunta sa kanya.
Umihip ang malakas na hangin at bumaon ang mga karayom sa binti niya na magkakapantay ang lalim. Makikita dito na umabot na sa mataas na lebel ang kontrol ni Zhang Xuan sa kanyang lakas.
Bumaon sa binti niya ang mga karayom. Magtatanong pa lang sana si Wang Ying kung paano siya gagamutin ni Zhang Xuan, nang biglang inilusot ni Zhang Xuan ang kanyang kamay sa mga karayom at dumaloy ang zhenqi na inilagay niya sa mga karayom sa katawan ni Wang Ying.
"Ah…"
Habang pumapasok sa katawan niya ang zhenqi, nakaramdam siya ng pangingilig sa kanyang binti. Agad na bumukas ang acupoint niya sa binti dahil sa pagdaloy ng zhenqi.
"Ano 'to… ito ba'y… Superior zhenqi ba 'to?"
Nang kumalat ang pangingilig sa buong katawan niya, nakita niya ang itsura ng zhenqi na dumadaloy sa katawan niya.
[Kasing linaw ng tubig, napakalinis.
Ito ay… kalidad na tanging superior zhenqi lang ang mayroon!
Superior zhenqi?
Ito ay isang bagay na maku-cultivate lamang kung nagtataglay ka ng isang god o kaya naman ay isang saint cultivation technique. Sa buong Tianxuan Kingdom, wala pang kahit sino ang nakapag-cultivate ng superior zhenqi. Pero, para isipin kong ang pinaka walang-kwentang guro pa sa akademya ang nagtataglay nito? Namamalikmata lang kaya ako…]
"Tapos na!"
Habang gulat na gulat si Wang Ying, tuluyang napahinga ang kanyang katawan at nanlupaypay. Sa mga oras na 'yon, natanggal na ni Zhang Xuan ang mga karayom sa katawan niya.
Kasunod nito, nakaramdam si Wang Ying ng kaginhawaan sa kanyang binti, nakaramdam siya ng ginhawang hindi niya pa naramdaman noon.
Pagkatapos niyang magtamo ng pinsala, kahit na nakakagalaw pa siya ng normal, pakiramdam niya ay nakasemento ang mga binti niya, lagi siyang nakakaramdam ng pamamanhid at paninigas sa mga ito. Sa mga oras na ito, sunud-sunod ang naramdaman niyang kaginhawaan sa kanyang mga binti, na para bang nakawala siya sa mga gapos niya. Hindi maikukumpara ang nararamdaman niyang sigla at kasiyahan sa mga binti niya.
"Ang binti ko…"
Mabagal man siyang mag-isip, ngunit malinaw sa kanya na gumaling na ang pinsala sa mga binti niya!
"Guro, salamat po…"
Nanlambot ang mga tuhod ni Wang Ying at lumuhod siya sa sahig. Namumula ang kanyang mga mata.
Matagal niyang hinintay ang araw na 'to. Sa katunayan, nakaramdam siya ng matinding kalungkutan sa kanyang sitwasyon. Ni minsa'y hindi sumagi sa isipan niya na… ang kanyang sakit ay magagamot ng pinaka walang-kwentang guro sa akademya!
"Mukhang totoo ngang… Magaling siya, ayaw lang siguro niyang makatawag pansin sa iba…"
Ito ang biglang naisip ni Wang Ying.
Kung hindi niya sinasadyang hindi makatawag pansin, kahit na ano pa ang paraan ng pagtuturo niya, yung nagawa niyang pagalingin ang mga binti ni Wang Ying ay nagpapatunay na may kakayahan siyang pagandahin ang reputasyon niya sa akademya. Paano pa naging posible na siya ang pinaka mababa sa nakaraang Teacher Qualification Examination?
Nang maisip niya ang mga ito, lumuhod sa sahig si Wang Ying at taos pusong tinanggap si Zhang Xuan bilang guro niya. Nawala na sa isipan niya ang pag-alis sa klase ni Zhang Xuan.
"Un, ngayong magaling na ang pinsala sa mga binti mo, lumabas ka at magsanay kang maigi. Kung may iba ka pang problema, puntahan mo lang ako!" Ang sabi ni Zhang Xuan at may iniutos sa kanya, "Oo nga pala, pakitawag si Liu Yang!"
"Opo!" Masayang sumagot si Wang Ying bago siya lumabas ng kwarto.
.....
"Balak kong umalis sa klase niya mamaya, sino sa inyo ang gustong sumama sakin?"
Sa loob ng silid aralan, pagkatapos magpakilala nila Liu Yang, Zheng Yang, Zhao Ya at Yuan Tao sa isa't isa, nagsalita si Liu Yang.
Yung totoo, wala siyang ganang pumasok sa klase.
Dahil isa siya sa unang isang daang estudyante na nakakuha ng mataas na score sa exam, maraming mga guro ang gusto siyang maging estudyante. Pero, sa huli, dahil sa pustahan ng dalawang guro, napunta siya sa pinaka walang-kwentang guro sa buong akademya!
Halos magwala na siya dahil pakiramdam niya'y nilapastangan siya.
[Kahit na anong mangyari, kailangan kong makaalis sa klase niya ngayong araw. Kahit na kailanganin ko pang umalis sa paaralang 'to… Walang kahit sinong makakapigil sakin!]
"Ako rin… gusto ko rin sanang umalis sa klase niya. Kaya lang kapag nagalit si Zhang Xuan laoshi, hindi ko alam kung anong gagawin niya!" Hindi napigilan ng tabachoy na si Yuan Tao na magsalita.
"Magagalit? Hmph, ano ngayon kung magalit siya? Ano namang magagawa niya? Ayaw kong magwala at mabaliw dahil sa kanya!" Ang sabi ni Liu Yang.
"Mabaliw?" Nagtatakang tumingin si Zheng Yang.
Ang alam lang niya mababa ang naging score ng guro nila sa Teacher Qualification Examination, at siya ang pinaka mababa. Hindi pa niya narinig ang tungkol sa estudyanteng nagwala at nabaliw dahil sa pagtuturo ni Zhang Xuan.
" Un!" Nagpatuloy si Liu Yang, "Kung hindi ka naniniwala, maghintay ka lang. Kapag lumabas si Wang Ying, siguradong dismayado siya! Mararamdaman niya na naloko siya! Matagal ko nang narinig ang tungkol sa pagtuturo ni Zhang Xuan laoshi. Kung kaya niyang magbigay ng tamang payo, hindi sana ganito ang sitwasyon niya, hindi sana siya nilalait at inaalipusta ng ibang mga guro…"
Jiyaaa!
Habang nag-uusap sila, bumukas ang pinto at masayang lumabas si Wang Ying.
"Un!?"
Nagulat si Liu Yang. Noong una, inisip niyang malulungkot si Wang Ying, ngunit salungat sa inaasahan niya, masayang nakangiti si Wang Ying.
Nagtaka ang apat na natitirang estudyante.
Galing sa kaibuturan ng puso niya ang kasiyahan niya. Malamang ay maganda ang naging resulta ng pagtuturo sa kanya para maging ganoon siya kasaya.
Posible bang makapagbigay ng magandang payo ang guro na 'to kahit na napaka pangit ng reputasyon niya?
Para maging sobrang saya ng isang estudyante pagkatapos lang ng isang session, na para bang nabigyan siya ng isang napaka halagang bagay, kahit na ang sikat pang si Liu Xun laoshi ay hindi kayang gawin ito!
"Liu Yang, pinapatawag ka ng guro!" Wala kaalam-alam si Wang Ying sa iniisip ng iba pang mga estudyante, sinabihan niya si Liu Yang bago siya pumunta sa isang sulok para magsanay.
"Ako?" Nagngitingit ang panga ni Liu Yang. "Gusto kong malaman kung anong klaseng mga payo ang maibibigay mo sakin! Kung hindi mo 'ko mabibigyan ng maayos na payo, aalis ako sa klase mo!"
Pumasok siya sa kwarto habang tahimik na kinakausap ang kanyang sarili.