Chereads / Library of Heaven's Path (Tagalog) / Chapter 19 - Pinagkakanulo

Chapter 19 - Pinagkakanulo

Pagkatapos niyang bugbugin si Yao Han, Bahagyang humupa ang galit na nararamdaman ni Zhang Xuan.

Nang yumuko siya para tignan si Yao Han, natanggal na ang maskara ni Yao Han habang binubugbog niya ito at halos di na makilala ang kanyang pagmumukha. Malamang, kahit ang sarili niyang nanay ay hindi siya makikilala sa itsura niya ngayon.

"Anong…"

Nang mahimasmasan siya sa galit niya, agad na naintindihan ni Zhang Xuan ang sitwasyon niya ngayon. "Siya yung butler ng Baiyu City Lord, at siya din yung tiyuhin ng estudyante ko. Tama lang na turuan ko siya ng leksyon, pero hindi ko siya dapat patayin."

Kahit na anong mangyari, siya pa rin ang Uncle Yao ni Zhao Ya. Kung papatayin siya ni Zhang Xuan, hindi ba't masasayang lang ang estudyante na nakuha niya?

Siguradong imposible na silang magkaayos kapag nangyari iyon!

Bukod pa dito, ang Baiyu City ay kilala bilang ikatlo sa pinakamalaking lungsod sa Tianxuan Kingdom. Bilang city lord ng ganoong lungsod, malamang makapangyarihan at maimpluwensyang tao ang tatay ni Zhao Ya. Kapag may pumatay sa butler niya at ginusto niyang habulin kung sino man ito, malaki ang posibilidad na magpaimbistiga siya. Kung ganun, siguradong mayayari si Zhang Xuan.

Dahil bagong salta lang siya sa mundong ito, wala pa siyang napapatunayan upang umangat ang kanyang katayuan sa buhay, kaya naman mas mabuti para sa kanya na hindi siya makatawag pansin ng ibang tao.

"Hindi siya dapat maghinala na ako 'to!"

Bigla siyang may naisip.

Dahil hindi niya pwedeng patayin si Yao Han, mapipilitan si Zhang Xuan na pakawalan siya. Para mabugbog siya ng ganito sa kalagitnaan ng tangka niyang pag-atake kay Zhang Xuan, malamang ay si Zhang Xuan din ang paghihinalaan niyang gumawa nito sa kanya.

"Tama, alam ko na kung kanino ko ipapasa ang sisi. Kung hindi sana siya nanggulo kanina, hindi sana siya ang naisip ko…"

Naalala bigla ni Zhang Xuan ang isang tao.

Ang taong naalala niya ay ang lalaking kasama ni Shen Bi Ru kanina, yung taong nanlait sa kanya, si Shang Bin.

Ang taong iyon ang apo ni Elder Shang Chen. Kung ipapasa sa kanya ni Zhang Xuan ang sisi sa nangyari, siguradong hindi magtatangka si Yao Han na maghiganti kahit na gustuhin niya pa!

Sa katunayan, mas mabuti kung maghihiganti si Yao Han! Siguradong mag-aaway ang dalawa kung nagkataon.

Sa puntong ito, tumitig si Zhang Xuan sa bugbog na mukha ni Yao Han at nilaliman niya ang kanyang boses, "Galit ako kay Zhang Xuan. Kanina, nainis ako sa kanya kaya, naisip kong turuan siya ng leksyon ngayong gabi! Pero, kapag kinapon mo siya siguradong paghihinalaan ako ni Bi… siguradong paghihinalaan niya ako na ako ang gumawa nun at siguradong magagalit siya sakin! Malas mo at nagkita tayo ngayon, hindi ka na dapat nagpunta pa dito!

"..."

Ngayon alam na ni Yao Han kung bakit siya binugbog. Gusto niyang sumagot, kaya lang magang maga ang mga labi niya na nagmistulang isang pares ng sausage, kaya hindi siya nakapagsalita.

"Umalis ka na!"

Nang makita niyang naintindihan ni Yao Han ang mga sinabi niya, hindi na nagsalita pa si Zhang Xuan. Tumayo siya at sinipa si Yao Han palayo sa kanya.

"Bwisit!"

Kung anu-anong masasamang salita na ang sinabi niya sa isipan niya, alam ni Yao Han na lugi siya sa sitwasyon niya ngayon. Naglangitngit ang kanyang mga ngipin, at umalis na lamang si Yao Han.

Kasabay nito, itinanim niya sa isipan niya ang mga sinabi ng umatake sa kanya. Una, ang mayroon ng alitan si Zhang Xuan at ang taong bumugbog sa kanya noong araw na 'yon at nagalit ito sa mga sinabi o ginawa ni Zhang Xuan! Pangalawa, siya at si Zhang Xuan ay magkaribal sa pag-ibig. Ang babaeng gusto nila ay may 'Bi' sa pangalan.

Hangga't naaalala niya dalawang bagay na ito, madali lang para sa kanya na mahanap kung sino man ang bumugbog sa kanya.

Nakahinga lamang ng maluwag si Zhang Xuan nang makita niyang nakaalis na si Yao Han. Ipinagpag niya ang dumi sa damit niya at bumalik na sa dormitoryo.

Nakakatakot para sa kanya ang pangyayaring ito. Kung sakali palang hindi siya nag-cultivate ngayong gabi, malamang may masama nang nangyari sa kanya.

Pero, buti na lang pansamantala niyang napigilan ang anu mang masamang pangyayari.

"Ang susi upang mabuhay sa mundong ito ay...lakas!"

Bumulong siya sa sarili niya habang nakaupo sa kama sa kanyang dormitoryo.

Kung sakaling hindi tumaas ang kanyang cultivation ngayong araw, kahit na alam niya pa ang mga kahinaan ni Yao Han, hindi niya ito makakayang tapatan. Siguradong siya ang magdudusa sa huli.

Kaya naman, kailangan niyang magpalakas agad. Kapag mas malakas siya, mas mabuti ito para sa kanya.

Unti-unti siyang inantok sa sobrang dami ng kanyang iniisip.

Kinabukasan, gumising si Zhang Xuan kasabay ng pagsikat ng araw. Kahit na dalawang oras lang ang tulog niya, maliban pa dito grabe din ang naging pagod niya kagabi, pero maganda pa rin ang gising niya at walang anu mang bakas ng pagod sa itsura niya.

"Oras na para magsimula ang klase!"

Bumulong siya habang nagbibihis. Pagkatapos nito, naglakad siya papunta sa kanyang silid aralan.

Hindi nagtagal at nakarating siya sa silid aralan niya. Nang buksan niya ang pinto, bumungad sa kanya ang isang matabang kabataan.

"Zhang laoshi, magandang umaga! Tapos ko na pong linisin ang silid aralan!"

Siya ang huling estudyante na tinanggap ni Zhang Xuan kahapon, ang tabachoy na si Yuan Tao.

Hindi inasahan ni Zhang Xuan na siya ang unang darating, lalo na't binantaan niya ito kahapon. Higit pa dito, nilinis pa niya ang silid aralan.

"Magaling!" Tumango si Zhang Xuan.

"Hehe, tutal sinabi mong magaling ang ginawa ko, may gantimpala ba ako sa ginawa ko? Gaya ng isang martial art o kaya cultivation technique. Pwede mo naman ako bigyan ng kahit tatlo o lima…"

Nang marinig niya ang pagpuri ni Zhang Xuan, napangiti si tabachoy.

Siya yung tipo ng taong gagawin ang lahat ng magagawa niya kapag hinayaan mo siya.

"Maghintay ka muna. Sisimulan ko ang klase pagdating ng ibang mga estudyante!" Ang sabi ni Zhang Xuan.

Ang unang dumating ay si tabachoy. Sa hindi inaasahan, ang ikalawang dumating ay ang estudyanteng napanalunan niya sa pustahan, si Liu Yang!

Yun nga lang, labag sa loob niya ang pagpasok sa klase ni Zhang Xuan di gaya ni tabachoy. Kita sa mukha niya ang galit habang tinitignan niya si Zhang Xuan.

Sa kanyang opinyon, swinerte lang si Zhang Xuan sa pagkapanalo niya sa pustahan at parusa para sa isang henyo na tulad niya ang maging estudyante ng isang guro na may pangit na record.

Ang ikatlong dumating ay ang kabataang bihasa sa paggamit ng sibat, si Zheng Yang!

Pagkatapos ituro ni Zhang Xuan ang problema sa sibat ni Zheng Yang, tumaas ang lakas niya ng higit pa sa doble. Dahil dito, tiwala si Zheng Yang sa kakayahan ng kanyang guro at sa mga estudyanteng naunang dumating, siya lang ang kusang loob na pumasok sa klase ni Zhang Xuan.

Ang ikaapat na dumating ay si Wang Ying. Hindi mapigilan ng dalaga na mamula at mahiya nang makita niya ang iba pang mga estudyante pagpasok niya at nagmadaling nagtago sa isang sulok.

...….

"Maaayos ko na ang problema sa katawan ko ngayong araw…" Minulat ni Zhao Ya ang kanyang mga mata.

Kahapon, sinabi ng pinaka walang-kwentang guro sa akademya na kaya niyang solusyonan ang problema ni Zhao Ya. Pagbalik niya sa kanyang dormitoryo, hindi niya alam ang kanyang gagawin at kinakabahan siya, dahil dito nagpagulong-gulong siya sa kanyang higaan, pagkatapos ay nakatulog na siya.

Totoo man o hindi ang sinabi ni Zhang Xuan, siguradong malalaman niya ito ngayong araw na ito!

Nang maisip niya ang mga bagay na ito, nagmumog siya, nagbihis at mabilis na lumabas ng kanyang kwarto.

Bilang anak ng City Lord ng Baiyu City at isa sa sampung nakakuha ng pinaka mataas na score sa entrance examination, binigyan siya ng sarili niyang tirahan, hindi gaya ng ibang estudyante na magkakahati sa dormitoryo. Maraming kwarto sa kanyang tinutuluyan at ang kanyang butler, si Uncle Yao, ay nakikitulog sa isa sa mga kwarto na hindi kalayuan mula sa kwarto niya.

"Uncle Yao, papasok na 'ko!"

Nang walang sumagot sa kanya sa kabilang kwarto pagkatapos niyang sumigaw, naghanda na si Zhao Ya para umalis.

"Young mistress, hintayin mo 'ko. Sasama ako sayo!" Narinig niya ang sigaw mula sa kwarto. Bumukas ang pinto at lumabas si Yao Han.

Nang makita niya ang mukha ni Yao Han, nagulat si Zhao Ya. "Uncle Yao, anong… Anong nangyari sayo?"

Natulala si Zhao Ya nang makita ang bugbog na mukha ni Yao Han. Sa loob lang ng isang gabi, ang dakilang si Yao Han ay pumangit. Kung hindi dahil sa boses niya, hindi siya makikilala ni Zhao Ya!

"Ito ba, natamaan ko lang sarili ko habang nagsasanay ako kahapon!"

Ang paliwanag ni Yao Han.

"..."

[Sino ba naman ang tatamaan ang sarili nila habang nagsasanay?

May maslala pa ba sa palusot niyang yan…]

"Uncle Yao, anong nangyari? Sinong gumawa niyan? Hindi, kailangan ko 'tong sabihin sa tatay ko!" Ang natatarantang sinabi ni Zhao Ya.

" Young mistress, huwag mo nang abalahin ang sarili mo tungkol dito. Problema ko 'to… Kaya ko 'tong ayusin mag-isa! Kailangan mo nang pumasok sa klase mo. Gusto kong makita kung paano magturo ang guro mo. Kung totoo nga yung mga balita tungkol sa kanya, sasabihin ko 'to agad sa city lord para bigyan ka ng Hongtian Academy ng bagong guro…"

Ihinawi ni Yao Han ang kanyang kamay. Ngunit, dahil masyado niyang napwersa ang paggalaw niya, nabanat ang mga sugat niya at pinagpawisan siya ng malamig.

"Bahala ka na nga!"

Nang makitang nagmamatigas si Yao Han, hindi na nangialam pa si Zhao Ya. Naglakad silang dalawa papunta sa silid aralan ni Zhang Xuan.

"Uncle Yao, grabe ang mga sugat mo, mas mabuti siguro na umuwi ka na lang at magpahinga. Kaya ko nang pumasok mag-isa, hindi mo na 'ko kailangang ihatid!"

Habang naglalakad sila, napansin ni Zhao Ya na nanginginig ang buong katawan ni Yao Han at tagaktak na ang pawis nito, hindi niya mapigilang sabihin ang mga salitang iyon.

Kahapon, hindi nagpigil si Zhang Xuan sa pagsuntok sa kanya. Kahit na naglagay pa siya ng gamot sa mga sugat niya at nagpahinga ng ilang oras, malala pa rin ang mga sugat niya. Nakakagulat pa nga na nakakapaglakad pa siya.

" Young mistress, naatasan ako ng city lord na maghanap ng magaling na guro para sayo bago tayo pumunta dito. Pero, yung taong yun pa rin ang pinili mo. Paano pa 'ko haharap sa city lord!" Ang sabi ni Yao Han. "Kahit na ano pang mangyari, gusto kong ibunyag ang tunay na pagkatao ng guro na yun at papatunayan ko na isa siyang manloloko! Tanging ang dalisay at inosenteng young mistress lang namin ang mahuhulog sa mga panlilinlang niya. Kung titignan ang kakayahan niya, imposibleng magkaroon siya ng pangalawang estudyante. Kapag nakita mong walang ibang estudyante sa klase niya, malalaman mong…"

Jiyaaaa!

Bumukas ang pinto ng silid aralan, at nakita ang loob nito.

Sa loob ng silid aralan makikitang nakaupo si Zhang Xuan at ang apat sa mga bago niyang estudyante.