"Sige." Mabilis na pagpayag ni Jun Wu Xie.
Bigla namang nagsalita si Imperial Physician Li: "Napaka-mapagtiwala naman pala itong si Teacher Jiang. Hahayaan mo talagang ang isang babaeng may gatas pa sa labi na gawin ito."
Ngumiti lang si Jiang Ying Long.
Matapos pumayag ni Jiang Ying Long, hindi na nag-aksaya ng oras si Jun Wu Xie. Agad siyang naglagay ng elixir sa kaniyang kamay, habang ang isang kamay ay nasa leeg ni Qu Ling Yue na animo'y inaalalayan ito. Imposibleng mapansin ng kahit na sino ang karayom na nasa kaniyang daliri at itinusok iyon sa batok ni Qu Ling Yue. Nang maipanom na ng tuluyan ang elixir kay Qu Ling Yue, agad niyang hinugot ang karayom nang walang nakakapansin.
Matapos ipainom ni Jun Wu Xie ang elixir kay Qu Ling Yue, umupo sa isang tabi si Jun Wu Xie. Habang ang grupo ng mga duktor ay nagbubulungan.
Kinakabahang lumapit si Jiang Ying Long sa tabi ni Qu Ling Yue.
Maging si Lei Chen ay kinakabahan ding tumingin sa higaan.
Sumulyap naman si Imperial Physician Li at nang makitang walang nangyayari kay Qu Ling Yue, ngumisi siya.
"Nakakatawa lang isipin na mayroong isang taong masyadong mataas ang tingin sa Heart Coagulating Elixir..."
Bago pa man matapos si Imperial Physician Li sa pagsasalita, napasinghap ng malakas si Jiang Ying Long!
Kumunot ang noo ni Qu Ling Yue at ang daliri nito ay bahagyang gumalaw.
Hindi makapaniwala si Jiang Ying Long sa kaniyang nakita. Simula nang ma-coma si Qu Ling Yue, hindi ito nagkaroon ng katiting na reaksyon. Ito ang unang beses na gumalaw ito!
"Gumalaw si Ling Yue! Gumalaw si Ling Yue!" Tuwang-tuwang saad ni Jiang Ying Long.
Nagitla ang mga duktor sa sigaw na iyon ni Jiang Ying Long. Nang sila ay makabawi agad silang lumapit kay Qu Ling Yue.
Unti-unting bumabalik ang kulay ni Qu Ling Yue. Kahit na nakapikit pa rin ito, pumatag ang paghinga nito at ngayon ay tuluyan nang bumalik ang normal nitong kulay!
Napansin naman iyon ni Lei Chen at lihim na sumulyap kay Jun Wu Xie. Nasalubong naman niya ang tingin ni Jun Wu Xie na parang nagsasabing kumalma muna.
"Paano naging posible iyon?!" Hindi makapaniwalang bulalas ni Imperial Physician Li. Agad itong lumapit kay Qu Ling Yue at sinuri ang pulso nito. Matapos niyang gawin iyon ay nawalan ng kulay ang mukha nito.
Ang abnormal na pulso ni Qu Ling Yue kanina ay normal na ngayon. Sa kaniyang naramdamang pulso, tuluyan na ngang gumaling si Qu Ling Yue. Tanging ang pagkawala na lang ng maraming dugo ang problema dito.
Kung papakiramdaman ang pulso nito ngayon ay masasabi mong parang hindi ito nalagay sa bingit ng kamatayan!
Umatras si Imperial Physician Li. Blanko ang ekspresyong tumitig ito sa kamay na humawak sa palapulsuhan ni Qu Ling Yue.
Naghihintay si Jiang Ying Long na magsalita si Imperial Physician Li. Nang mapansin niyang parang wala pa sa sarili si Imperial Physician Li, hiniling niya sa ibang duktor na suriin ang pulso ni Qu Ling Yue. Nagpalitan sa pagtingin ng pulso ang mga duktor. Lahat sila ay pare-pareho ang reaksyon. Napatitig ang mga ito sa kawalan.