Sumapit ang gabi at tahimik sa kulungan. Mag-isang nakaupo si Jun Wu Xie sa kaniyang selda. Tahimik lang siyang nakaupo doon katulad ng ginagawa nito kapag ito aya nasa kaniyang silid. Ang mga guwardiya ay dalawang beses siyang pinuntahan at wala pa silang nakitang itinapon sa kulungan na ganito kakalmado.
Nang lumalim ang gabi ay hindi nakayanang labanan ng mga guwardiya ang antok at may mga pumasok sa kulungan.
"Heto ka...nakaupo sa kulungan. Pero parang wala lang sa'yo?" Saad ni Qiao Chu na nakatingin kay Jun Wu Xie. Nakarating sa kanila ang balita ilang sandali matapos arestuhin si Jun Wu Xie. Ang nagsabi sa kanila ay isa sa mga guwardiya sa Crown Prince's Residence. Kahit na hindi nagpakita si Lei Chen, nagpadala ito ng mga tao para ipaabot ang balitang iyon.
Tamad na nag-angat ng tingin si Jun Wu Xie at tumingin sa mga taong nasa kaniyang harapan.
Hua Yao, Qiao Chu, Rong Ruo...at maging si Fan Zhuo ay sumama.
"Nandito kayo." Kalmadong sabi ni Jun Wu Xie, hindi man lang ito nagulat.
"Kung hindi kami pupunta dito, balak mo bang manatili diyan habang-buhay?" Tanong ni Qiao Chu na nakataas ang isang kilay. Tumingin ito sa kandado ng kulungan at nagpatuloy: "Little Yan, samin namin iaasa 'yan."
Tinignan ng masama ni Fei Yan si Qiao Chu at sinabing: "Kung hindi mo ko tinawag sa Little Yan na pangalan na yan, tingin ko mas matutuwa akong tumulong."
Nagkibit-balikat si Qiao Chu at agad na inabot ni Fei Yan ang kandado. Inilabas nito ang spirit power sa kaniyang mga palad at naghahanda nang sirain ang kandado.
"Hindi ko gustong tumakas." Saad ni Jun Wu Xie habang nakatingin sa kaniyang mga kasamahan. Masaya siyang nagpunta ang mga ito, wala sa kaniyang isip na lumabas sa lugar na ito sa ngayon.
"Ano?" Nagulat si Qiao Chu. Agad na naglaho ang spirit power sa kamay ni Fei Yan nang marinig ang sinabi ni Jun Wu Xie.
"Little Xie, pinahirapan ka ba nila?" Nag-aalalang tanong ni Qiao Chu at sinuri si Jun Wu Xie mula ulo hanggang paa. Nang masigurong maayos si Jun Wu Xie ay nakahinga ito ng maluwag.
"Hindi ka naman nauntog, pero bakit nagsasalita ka ng kalokohan? Huwag mong sabihing mas maganda dito kaysa sa Immortals' Loft?!"
Umikot naman ang mga mata ni Jun Wu Xie.
"Kumusta si Qu Ling Yue?" Tanong ni Jun Wu Xie.
"Pinuntahan ko siya, hindi nga maganda ang kalagayan niya. Sa ngayon, lahat ng mga duktor sa Imperial Capital ay nagpunta sa War Banner maging ang mga Imperial Physician. Wala pa rin siyang malay at malala ang kaniyang pinsalang natamo. Kahit na wala itong malay ay nagsusuka pa rin ito ng dugo." Paglalahad ni Fei Yan. Sikreto siyang nagpunta sa inn ng War Banner at nalaman ang sitwasyon doon.
"Little Xie, may galit ka ba kay Qu Ling Yue? Masyadong malala ang ginawa mo sa kaniya. Kung hindi dahil sa Life Extending Elixir na binigay sa kaniya ng War Banner, 'di malayong patay na siya ngayon." Saad ni Qiao Chu habang malungkot na nakatingin kay Jun Wu Xie. Kailanman ay hindi nito minaliit ang kakayahan ni Jun Wu Xie laban sa mga kaaway nito.
"Maging kayo ay iniisip na ginawa ko 'yon?" Taas-kilay na tanong ni Jun Wu Xie.
Nanigas sa kinatatayuan si Qiao at nagtanong: "Hindi ikaw?"
Hindi sumagot si Jun Wu Xie.
Hindi niya rin masisisi si Qiao Chu kung iyon ang iisipin nito. Nakasama niya ito sa kaniyang dalawang misyon at nasaksihan nito kung gaano siya kalupit sa kaniyang mga kaaway. Kaya kung nakita nito si Qu Ling Yue sa ganoong kalagayan, normal lang na mag-isip sina Qiao Chu at ang grupo ng ganoon.