Napakalaking biro! Isang halimaw si Jun Xie! Anong naisipan ng Crown Prince!? Paano niya naisip na hindi kakayanin ni Jun Xie ang makipaglaban sa tournament!? Hindi na nito kailangang lihim na kausapin ang mga contestant para umatras sa laban! Hindi ba't isang malaking biro ang nangyari ngayon lang?
Ang mga kabataang minamata ang kakayahan ni Jun Xie ay hindi lubos maisip ang kanilang nasaksihan.
Walang kahirap-hirap na matatalo ni Jun Xie ang sinumang makakalaban nito dahil sa kapangyarihan nito.
Naglaho na ang spirit power glow sa katawan ni Jun Wu Xie. Tahimik nitong inayos ang kaniyang damit at Kalmadong humarap sa announcer na laglag ang panga.
"Pwede mo nang ianunsiyo ang resulta."
Ilang segundo muna ang lumipas bago natauhan ang announcer. Napalunok ito ng laway at blanko ng nakatingin kay Jun Wu Xie. Sa oras na iyon ay wala na ang pangmamatang ekspresyon nito kay Jun Wu Xie. Bagkus ay takot na ang bumakas sa mukha nito.
"Mula sa Zephyr Academy, ang nanalo ay si Jun Xie!" Wala sa sariling anunsyo ng lalaki.
[Ang batang iyan ay nasa labing limang taong gulang pa lang panigurado.]
[At nagawa na nitong maabot ang green spirit!?]
Hindi naging sapat sa Zephyr Academy ang mga tinalo nitong blue spirit, ngayon ay isang labing limang taong gulang na green spirit ang lumitaw sa kanila!?
Lihim na nagpapasalamat ang announcer dahil wala siyang diretsang sinabi kay Jun Wu Xie kanina, dahil sa takot niya kay Lei Chen. Ngunit ngayon ay mukhang hindi na kailangan ni Lei Chen kumilos, sa nakikita niya ay kayang-kaya na siyang parusahan ni Jun Xie!
Umalingawngaw sa buong arena ang boses ng announcer. Natauhan naman ang mga gulat na gulat na kabataan. Lumipat ang kanilang hindi makapaniwalang tingin kay Jun Xie na dahan-dahang naglalakad palabas ng battle stage.
Agad namang nagbigay daan ang mga taong nakapalibot doon. Nakapako ang tingin ng lahat kay Jun Xie at kahit na nagsara na ang pintuang nilabasan nito ay nakatitig pa rin doon ang mga kabataan.
Napakabilis ng pangyayari at animo'y sila ay nananaginip lang.
Walang nakapansin kay Zhao Xun na sinipa ni Jun Wu Xie kanina. Sinamantala niya ang pagkakataong lahat ay nakatuon ang atensyon kay Jun Xie. Tumayo ito at pinagpag ang alikabok sa kaniyang katawan at wala man lang bakas na nasaktan ito. Agad itong lumabas ng arena na hindi lumilikha ng ingay.
Ngayon ang unang beses nilang nakita si Jun Xie na nakipaglaban sa buong Spirit Battle Tournament. Ang isang atake nito ay nakapagbura ng dating masamang iniisip tungkol sa kaniya.
Kung sakaling si Jun Xie ay isang orange level spirit lang at hindi nagpakita ng lakas na gaya ng ipinakita nito kanina, hindi ganito ang gulat ng mga kabataang nanunuod.
Ngunit nang nagpakita ito bilang green spirit, walang dudang kaya nitong patumbahin lahat ng nasa first battle district.
Maliban sa mga taga-Zephyr Academy din na halimaw sa lakas, wala nang iba pang makakapantay kay Jun Wu Xie sa lahat ng kasali sa Spirit Battle Tournament. Nang kanilang masaksihan ang lakas ni Jun Xie, ang lahat ay nagtataka kung bakit kailangang paurungin ng Crown Prince ang makakalaban ni Jun Xie sa tournament.
Umabot sila sa puntong iniisip nilang swerte ang mga dapat na makakalaban ni Jun Xie dahil hindi natikman ng mga iyon ang bagsik ng batang ito.
Ang kusang umurong ay mas mainam na kaysa parusahan pa ng mahigpit ng isang green spirit level na si Jun Xie. Katulad na lang ni Zhao Xun ngayon, agad itong napatumba ni Jun Xie sa loob lang ng ilang segundo. Isa iyong malaking kahihiyan.