Tumingin ang announcer sa gitna ng battle stage kung saan nakatayo si Jun Xie. Napangisi ito dahil lahat ng kalaban ni Jun Xie ay hindi sumisipot. Sa kaniyang kalooban ay kinamumuhian nito si Jun Xie.
Lahat ng mga mata sa Arena ay nakatuon kay Jun Xie. Tuwing tatayo si Jun Xie sa entabladong iyon ay walang darating para kalabanin siya.
Ngayon ay inaasahan na ng lahat na ganon ulit ang mangyayari. Mayroong palugit na isang oras sa pag-aantay sa makakalaban ni Jun Xie. Gusto na nilang hilahin ang oras para makapagpatuloy na sa susunod na match.
Nauubusan na ng pasensya ang mga tao. Hindi na sila nakatingin kay Jun Xie. Naghahanda na sila para sa susunod nilang mga sari-sariling laban.
Pinapanood ng announcer ang oras at kaunti na lang ay matatapos na ang isang oras na palugit. Maya-maya ay nagsalita na it: "Young Master Jun, sa tingin ko ay hindi rin sisipot si Zhao Xun. Palagay ko ay dapat na tayong magpatuloy sa susunod na match."
Ang ibig talaga nitong sabihin ay tumigil na si Jun Xie sa pagpapanggap at huwag nang sayangin ang oras ng iba.
"Hindi pa tapos ang oras." Diretsong sagot ni Jun Wu Xie.
Napabuntong-hininga ang announcer at nanahimik sa tabi ni Jun Xie
Halata ditong hindi nito nagugustuhan ang pagkukunwari ni Jun Xie.
"Wala namang mag-iiba kung hindi pa tapos ang oras. Alam naman ng lahat ang nangyayari dito at nagpapanggap ka lang na walang alam." Nag-ingay ang buong arena. Kung hindi dahil sa takot ng lahat kay Lei Chen, baka kumilos na ang mga ito para palabasin si Jun Xie.
Ngunit makalipas ang ilang sandali, isang matangkad na lalaki ang sumulpot sa pinto ng arena.
Natahimik ang mga tao at nanigas sa kanilang kinauupuan.
Hindi sila makapaniwala sa pagdating ng binata sa battle stage. Ang iba ay kinusot pa ang kanilang mga mata!
Kilala nila kung sino ang dumating sa arena!
Si Zhao Xun! Ang makakalaban ni Jun Xie sa araw na iyon!
"Bakit siya nandito?"
Nagtatakang tanong ng mga kabataan sa kanilang mga sarili. Hindi pa rin sila makapaniwala sa kanilang nakikita.
Naglakad palapit si Zhao Xun sa gitna ng battle stage sa kabila ng mga pares ng matang nakatuon sa kaniya. Parang wala itong pakialam.
"Pwede na tayong magsimula." Saad ni Jun Wu Xie.
Natigilan ang announcer, nang makabawi ito ay humarap ito kay Zhao Xun at nagtanong: "Zhao Xun bakit ka naparito?"
Nagtaas ng kilay si Zhao Xun at sumagot: "Hindi ba't ngayon ang araw ng aking match? Alam mo dapat iyon."
Nagulat ang announcer sa sagot ni Zhao Xun pagkatapos ay namutla ito. Nagpapalit-palit ang tingin nito kay Zhao Xun at Jun Xie. Naroon pa rin ang pagkagulatt.
Muling nag-ingay ang buong arena! Inaasahan nilang naparito si Zhao Xun para pormal na ianunsyo ang hindi niya pagsali ngunit...
Talaga bang lalabanan nito si Jun Xie?!
Lahat ng naroon ay nagulat.
Sinabi na ni Zhao Xun kahapon na tinanggap na nito ang alok ng Crown Prince at hindi na nga ito makikipaglaban. Ngunit...bakit siya naparito ngayon?
Nagtataka na ang lahat ng naroon.
"Ehem...kung gayon...pwede na kayong magsimula." Nagpunta na sa gilid ang announcer kahit na puno pa rin ito ng pagtataka.