"Masakit?" Seryosong tanong ni Jun Wu Xie sa kanyang pusa.
Pinunasan ng pusa ang kanyang luha at ito'y tumigil muna bago umiling.
[Wala… wala akong naramdamang sakit.]
[Pero grabeng pagkabigla ko!]
[Sino bang hindi tatako na parang baliw kung bigla nilang makikitang sarili nilang napapalibutan ng apoy?!]
Napaisip ng maigi si Jun Wu Xie. Kitang kita niya ang apoy na nakapaligid sa kanyang pusa kanina. Kahit katawang ispirito ang itim na maliit na pusa, makakaramdam at makakaramdam ito ng sakit mula sa mga pwersa sa labas. Nilamon siya ng buo ng apoy kanina na at mukha siyang iniihaw at masusunog, pero walang naramdaman na kahit anong sakit ang kanyang pusa.
Binalikan ni Jun Wu Xie ng tingin ang tinakbuhan ng kanyang pusa sa loob ng silid. Makikita ang mga sunog na parte kung saan ito dumaan, at kahit ang kurtinang sinabitan nito'y nasunog. Ito ang mga patunay na totoo ang apoy na kanyang nakita kanina at hindi basta basta ilusyon.
Pero bakit walang naramdamang kahit ano ang maliit na itim na pusa, kahit kaunti?
Nalilito parin si Jun Wu Xie, pero nang balikan niya ang lamesa kung saan nagmula ang pusa, biglang nanlaki ang kanyang mga mata.
"Bago ka mapalibutan ng apoy kanina, may natapakan ka ba?" Tanong ni Jun Wu Xie sa pusa.
Umiling ang pusa.
Itinuro ni Jun Wu Xie ang sinulat niya sa lamesa gamit ang kanyang basang daliri. "Natapakan mo to?"
Napatigil panandalian ang pusa at tinignan nito ang kanyang paa.
[Siguro… baka… natapakan ko yan…]
Kuminang ang mga mata ni Jun Wu Xie at bago pa makagalaw ang pusa, kinarga na ito ni Jun Wu Xie sa lamesa. Habang nakatingin sa mga basang runes sa lamesa, idiniin niya ang isang paa ng pusa dito.
Biglang nagkaroon ng isang malakas na hangin sa loob ng silid!
Ang pusang karga ni Jun Wu Xie ay nadala ng isang napakalakas na hangin.
"MEOOOOW!!!" Nabuhat ang maliit na itim na pusa ng hangin at ito'y nagpupumiglas sa takot.
Nakakaramdam ito ng apat na iba't ibang pwersa sa apat niyang paa. Ang pakiramdam nito'y tila nakasakay siya sa hangin at nahihirapan itong masanay sa pakiramdam na tumapak sa wala.
Paikot ikot ang pusa sa hangin, tila walang kontrol sa nangyayari.
Biglaang nawala ang pwersa, at ang pusang walang kamalay malay ay biglang nahulog mula sa kanyang kinalalagyan. Sa kabutihang-palad, handa si Jun Wu Xie dito ay nasalo niya ang pusa sa kanyang mga braso.
Ang magkasunod na kaganapang tromatiko'y naging rason kung bakit ang pusa ay gulong gulo. Umiikot ang paningin nito habang karga ni Jun Wu Xie.
"So, isang paraan ito para gamitin." Hindi makakaila ang ngiting lumabas sa labi ni Jun Wu Xie.
[A..ano.. An..anong sinabi.. Mo…] Mabilis na umiling ang pusa para linawin ang kanyang pagiisip, ang kanyang dila'y nagkakabuhol buhol pa.
Dahan dahang ibinaba ni Jun Wu Xie ang kanyang pusa at naglakad ito patungo sa kama para kargahin ang nasasarapan sa kanyang tulog na si Lord Meh Meh. Isinawsaw niya uli ang kanyang daliri sa tsaa at nagsulat ng iba't ibang runes sa lamesa. Kinuha niya ang paa ni Lord Meh Meh at idiniin ito sa basang runes na kanyang isinulat.
"Meh~" Ang inaantok na si Lord Meh Meh ay bahagyang nagising, tila walang kamalayan sa nangyayari sa kanyang paligid bago ito bumalik sa tulog.
"Mukhang sa mga katawang ispirito lang gumagana ang mga runes na ito." Ihiniga muli ni Jun Wu Xie si Lord Meh Meh sa kanyang kama bago ito bumalik sa lamesa. Umupo ito't pinagisipian maigi habang tinitignan niya si Lord Meh Meh na nahilik.