"Mga mahihina! Mahihina!" Tumingin ang binata sa baba at umiling habang tinitigan ang mga patay sa unang palapag. Nakakakilabot ang tanawing iyon, ang mga ulo nito ay halos humiwalay na sa katawan. Ang auctioneer na magiting na nakatayo kanina sa entablado ay nanginig ang tuhod at napaupo sa lapag. Nanginginig ang buong katawan nito habang nakatingin sa binatang may gawa ng lahat.
Gwapo ang binatang iyon, ngunit wala itong pinagkaiba sa demonyo!
Nakita niya ang nagtatakbuhang mga tao hanggang sa maging tuluyang tahimik ang auction house. Inilibot ng gwapong binata ang kaniyang tingin at tumigil iyon sa kaharap na pribadong silid. Nakita niya si Jun Wu Xie.
May bahid pa rin ng dugo ang gwapong mukha nito. Nang kaniyang masalubong ang tingin ni Jun Wu Xie, saglit itong natigilan.
Sa malinaw at malamig nitong mga mata, wala siyang nakitang bahid ng takot o sindak, kundi kalmadong tingin lang.
Ngumisi ang labi ng binata at lumabi:
'Magpatuloy ka pa sa pagtitig, papatayin kita'.
Nag-angat ng isang kilay si Jun Wu Xie.
Nabuhay ang interes sa gwapong binata at akmang lalapit kay Jun Wu Xie.
Agad namang hinarangan nina Qiao Chu si Jun Wu Xie. Ang awrang ibinigay ng binata ay nagpaalerto sa kanila.
Mas lalong nabuhay ang interes sa mata ng gwapong binata. Lulusob na sana siya ng biglang tumayo ang tatlo nitong mga kasama. Isa sa mga iyon ay hinawakan ang kaniyang balikat.
"Gu Ying, tama na." Malamig na saad ng lalaki.
Nabura ang ngiti sa mukha ng lalaki, saglit itong natahimik bago umatras. Ngunit hindi naalis ang tingin nito kay Jun Wu Xie, saka ito muling lumabi:
'May maganda kang mga mata, gusto ko silang dukutin'.
Sina Qiao Chu naman ay nabasa ang labi nito na kanilang ikinagalit.
Subalit hindi interesado ang binata kina Qiao Chu. Lumingon ito sa auctioneer na nakaupo pa rin at sinabing: "Hoy! Ipaakyat mo na dito ang mga elixir. Ngayon din."
Matapos sabihin iyon, naglabas ito ng ilang tseke. Ang mga tsekeng iyon ay itinapon nito sa unang palapag at namantsahan ng sariwang dugong naroroon.
Agad namang nag-utos ang auctioneer na iakyat ang Hibernation Elixirs sa lalaki.
Matapos matanggap ang Hibernation Elixirs, dahan-dahang naglakad paalis ang binata kasama ang tatlo pang mga lalaki. Bago ito lumabas, muli nitong tinignan ng masama si Jun Wu Xie saka ngumis.
"Lintek siya! Sino ang batang iyon!?" Nagngangalit na tanong ni Qiao Chu nang tuluyang makaalis ang binata.
Kung hindi lihim na sumenyas sa kanila si Jun Wu Xie ay inatake na sana ng mga ito ang lalaking iyon.
"Siya ay taga-Middle Realm." Nakasimangot na saad ni Fan Zhuo.
"Ano!?" Bulalas ni Qiao Chu. Hindi ito makapaniwala sa kaniyang narinig.
Nagsalubong ang mga kilay ni Fan Zhuo habang nahulog sa malalim na isipin.
"Hindi niyo ba napansin kanina? Nang akmang susugod ang lalaking iyon, may bahid ng purple spirit ang lumalabas sa katawan nito. Hindi ko matandaang mayroong taga-Lower Realm na nakaabot sa purple spirit level sa ganong edad."
Ang sinabing iyon ni Fan Zhuo ay nakapagpaalala sa maliit na detalye ng nakaligtaan nilang pansinin.
"Mga taga-Middle Realm...Bakit sila naririto?" Nakakunot ang noo ni Hua Yao.
"Ang mga taga-Middle Realm ay purple spirits?" Tanong ni Jun Wu Xie.
May napansin siyang kakaiba sa binata kanina. Ang naramdaman niya sa binata ay kapareho ng kaniyang naramdaman kina Qiao Chu.