Chapter 373 - Baligtad (1)

Nagising si Jun Wu Xie galing sa mahimbing na pagkakatulog at nagtungo sa bakuran. Nakita niya ang mga lalaking nagtatrabaho at nag-aayos sa East Wing. Nilagpasan niya ang mga iyon at dumiretso sa lawa kung saan nagpapagaling ang Snow Lotus.

Nitong mga nakaraang araw, binabantayan niya ang lawa sa oras na siya ay magising. Ginawa niya iyon dahil iyon ang sabi ni Yan Bu Gui, ang bantayan ang huminang Snow Lotus. Ngunit nito lang, naramdaman niya ang malakas na daloy ng spiritual power sa kaniyang katawan. Mas malakas kaysa noong ang ginagamit niya ay ang Jade Nectar para i-cultivate ang Snow Lotus seed sa simula!

Sa loob lang ng ilang araw, tumaas ang spiritual power na dumadaloy sa kaniyang katawan at pinagtaka niya iyon.

Habang nakaupo siya malapit sa lawa, karga niya ang natutulog na pusa. Nakapako ang tingin niya sa Snow Lotus na unti-unting nanunumbalik ang sigla.

Ang minsang nalantang bulaklak, ngayon ay nagpapakita na ng muling pagkabuhay. Ang mga tuyong dahon nito ay isa-isang nalalagas at tinutubuan ng bagong petal.

"Little Xie." Narinig niya ang boses na nanggaling sa kaniyang likuran.

Lumingon si Jun Wu Xie at nasalubong ng kaniyang tingin ang apat na pigura.

Nagbihis na ang mga ito at ang kanilang mga kasuotan ay bago. Simple lang ang disenyo ng mga damit, pero maganda ang materyal na ginamit doon.

Talaga ngang dinadala ng kasuotan ang tindig ng isang lalaki.

Ang apat ay biniyayaan ng magandang itsura ngunit ang kanilang lumang kasuotan ay ikinukubli iyon. Ngayon, sa mga suot ng mga ito, lahat sila ay agaw-pansin.

Si Fei Yan ay nakasuot ng mahabang coral blue na damit. Kumpara sa tatlong gwapong lalaki, ang ekspresyon sa mukha ni Fei Yan ay nag-aalangan.

Tatlong jade green na dahon ay pinaparesan ng isang matingkad na pulang bulaklak. Nangibabaw ang hitsura ni Fei Yan sa tatlong kasama nito. Nahihiya ito sa kaniyang itsura kaya naman bahagya itong nakayuko.

"Bagay ba?" Tanong ni Qiao Chu. Isang jade ornament ang nakasabit sa may bewang nito.

Inisa-isa sila ng tingin ni Jun Wu Xie at natigil kay Rong Ruo at Fei Yan bago siya nagsalita: "Baligtad."

"Ano?" Naguguluhang tanong ni Qiao Chu.

"O gusto mong magdamit ng ganiyan?" Nakahilig ang ulo ni Jun Wu Xie nang kaniya iyong itanong habang nakatingin kay Rong Ruo at Fei Yan.

Gulat na gulat si Rong Ruo at Fei Yan kaya naman ilang sandali muna ang lumipas bago sila nakasagot.

"Alam mo?" Tanong ni Fei Yan na nanlalaki ang mga mata dahil sa gulat.

"Alam ang?" Bali-tanong ni Jun Wu Xie kay Fei Yan.

"Na...lalaki ako at si Little Ruo ay babae..." Nakaturo si Fei Yan sa sarili pagkatapos ay kay Rong Ruo naman.

Alanganing nakangiti si Rong Ruo.

Tumango si Jun Wu Xie.

"Kita mo na!? Qiao Chu! Ikaw at yang mga bwisit mong pag-iisip! Sabi mo hindi malalaman ni Little Xie ang kasarian namin!" Sigaw ni Fei Yan at hinampas-hampas si Qiao Chu.

Nang dalhin sila dito ni Yan Bu Gui, si Fei Yan ang pinakamaliit. Ang kanilang mga damit ay mga lumang damit na hiningi ni Yan Bu Gui sa headmaster. Isa sa mga iyon ay pambabae. Dahil si Fei Yan ang pinakamaliit at hindi iyon kasya kay Rong Ruo, ang mga pambabaeng damit ay kay Fei Yan napunta. Idagdag pang si Fei Yan ay lalaking ang itsura at hugis ng mukha ay malambot na parang sa babae. Dahil sa kakulangan sa kasuotan laging napagkakamalang babae si Fei Yan ng ibang disipulo ng Phoenix Academy. Dahil naman sa matangkad si Rong Ruo, ang iniisip ng lahat ay lalaki siya...