Chereads / Genius Doctor: Black Belly Miss (Tagalog) / Chapter 29 - Mapanghilom na mga Kamay (Ikatlong Bahagi)

Chapter 29 - Mapanghilom na mga Kamay (Ikatlong Bahagi)

Ibinabad si Jun Qing gamot na espesyal na inihanda ni Jun Wu Xie. Bagaman hindi pa rin ito nagigising, makikita sa kaniyang mukha ang malaking pagbabago. Ang kaniyang mukha, bagaman at maputla pa rin, ay nagkakaroon na ng kulay at mas maayos na itong nakahihinga 'di tulad ng dati. Nakita itong lahat ng lalaking tagapaglingkod ngunit naroon pa rin ang pag-aalinlangan nito kay Jun Wu Xie.

Nanatili sa tabi lamang ng anak si Jun Xian at napahinga ito ng maluwag sa mga nakitang pagbabago.

"Wala man siyang muwang sa mga nangyayari noon, ngunit ngayo'y nagbago na siya, at higit sa lahat, anak niya si Wu Xie. Huwag kang mabulag sa mga hindi magandang palagay mo sa kaniya noon… kakailanganin niya ng taong mangangalaga sa kaniya upang mapanatili ang kaniyang kaligtasan sa mga darating na araw." Pahayag ni Jun Xian. Batid niyang hindi gusto ng lalaki si Jun Wu Xie. Ang tanging nais na lamang niya ay mabawasan kahit kaunti ang hindi magandang pagtingin nito sa dalaga.

Nanahimik lamang ang lalaki saka nilisan ang silid nang masiguro niyang ang kalagayan ni Jun Qing ay pagaling na.

Matapos makapagligo at makapagpalit ng mas malinis na kasuotan si Jun Wu Xie ay nanatili ito sa kaniyang parmasya. Hawak ang isang tasa ng tsaa sa isang kamay habang ang kabila naman ay abala sa pagsusulat ng ilang pangalan ng halamang gamot.

Umayos man ang kalagayan ni Jun Qing sa ngayon, ngunit marami pa ring mga bagay ang kailangang gawin upang maibalik ang kaniyang pisikal na lakas sa rurok ng kaniyang kalakasan.

Upang makadagdag sa gamot, isinulat din niya ang listahan ng mga pagkain na maaari niyang kainin upang makatulong mapabilis ang kaniyang pagpapagaling.

Patuloy niya itong ginawa hanggang magambala siya ng isang katok.

"Pasok."

Nagbukas ang pintuan at makikita ang isang matangkad na lalaki, siya rin ang lalaking pumipigil sa lahat ng ginagawa niya habang ginagamot si Jun Qing. Napakunot ang kaniyang noo.

"Kung may nais kang sabihin ay sabihin mo na. Kung wala ay umalis ka na." Hindi inaalintana ni Jun Wu Xie ang iniisip ng mga tao maliban sa kaniyang pamilya. Sinasabi niya ng hayagan ang anumang pumasok sa kaniyang isipan.

Nang matapos siyang magsalita, ang lalaking nakatayo ay agad na lumuhod at nagbigay-galang sa kaniya.

"Major General ng Hukbo ng Rui Lin Long Qi ay lubos na nagkasala sa iyo Binibini. Handa kong tanggapin anuman ang ipapataw mong parusa!" Walang badling nitong sabi habang patuloy itong nakaluhod at nakayuko sa harapan ng dalaga.

Major General ng Hukbo ng Rui Lin… tiningnan niya si Long Qi… ang taong ito na laging tahimik at kasa-kasama ng kaniyang Tiyuhin, at laging naroon sa lahat ng pagkakataon para tumugon sa lahat ng pangagailangan niya. Sa kaniyang saloobin ay batid niyang hindi lamang siya isang simpleng tagapaglingkod o tagabantay, ngunit hindi pumasok sa kaniyang isipan na maaaring isa itong heneral ng Hukbo ng Rui Lin!

Ngunit ...

"Mahusay?" Napakunot ang noo ni Jun Wu Xie

Patuloy ang pagluhod ni Long Qi at nanatiling tahimik. Hindi niya ikinakailaang kaniyang mga hindi magandang opinion laban sa dalaga. Maging siya ay pinahinalaan din niyang lumason kay Jun Qing. Ngunit nang makita niya kung gaano ito kaselan sapangangalaga kay Jun Qing at ang magandang naging dulot nito sa kaniyang kalagayan, batid niya na siya ay nagkamali.

Ang pamamalakad ng Hukbo ng Rui Lin ay napakahigpit kung kaya't siya na rin mismo ang nanghingi ng kaniyang sariling kaparusahan. Isa itong matibay na panuntunan na pinapairal sa bawat isa mula sa umpisa. Ang bawat pagkakamali ay may katumbas na kaparusahan!

"Dahil walang anumang nangyari, maaari ka nang umalis." Wala siyang paki-alam kung ano man ang kaniyang katungkulan o maging sa kaniyang hiling. Patuloy man siya nitong pinipigilan sa kaniyang mga gawain, ngunit batid niyang ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ni Jun Qing, kung kaya't hindi niya ito isinasapuso kahit na wala itong pakundangan sa kaniya paminsan-minsan.

Matagal pa siyang nanatili sa pagkaluhod, ngunit nang marinig ang mga salita ng dalaga, tumindig ito at nilisan ang silid. Tanging sa pagkakataong ito nagpakita ito ng respeto sa dalaga, at nagbigay-galang bago nito tuluyang isara ang pintuan.

"A! Ano itong kahanga-hangang bagay na iyong ginawa habang wala ako? Mukhang maganda ito…" Sambit ng mala-misteryosong tinig na may bahid ng kapilyuhan.