Chereads / Genius Doctor: Black Belly Miss (Tagalog) / Chapter 176 - Handling Matters (2)

Chapter 176 - Handling Matters (2)

Kung hindi sahil sa pag-mamaniobra ni Jum Wu Xie, hindi mauupo si Mo Qian Yuan sa trono!

Saglit na sinulyapan ni Jun Wu Xie ang matandang hawak ng dalawang sundalo, at bumalik kay Mo Qian Yuan na nakaupo sa trono at mukhang magiting na bayani.

"Sa tingin mo, bakit niya ginawa 'yon?"

Saglit na tumigil ang dating Emperor at sa nagtatagis na bagang sinabi: "Kasakiman at ambisyon! Ano pa ba?"

Nanatili ang tingin ni Jun Wu Xie kay Mo Qian Yuan. "Siya ay ang tapat mong aso, pero pinilit mo siyang maging isang lobo. Pinatay mo ang kaniyang ina, pinaubos ang mga kapamilya niya at nilason mo siya. Masyado mo siyang sinagad hanggang sukdulan at ginawa mong kalimutan niya ang relasyon niyo bilang mag-ama. Ngayon ang kapal ng mukha mong sabihing trinaydor niya ang sarili niyang ama?"

Ang nangyari dito ay pamilyar sa kaniya. Sa nakaraan niyang buhay, hindi rin siya trinato bilang kadugo. Para siyang aso kung itrato ng sarili niyang pamilya, kinulong siya halos buong buhay niya. Ngayon lang niya natikman ang itrato bilang apo ni Jun Xian.

Ikaw ang nagtanim, ikaw ang umani.

Ang mga ginawa ni Mo Qian Yuan ay dahil din lamang sa ginawa ng sarili nitong ama. Kaya naman hindi mo siya masisisi.

Walang nasabi ang dating Emperor kaya nanahimik na lang ito at tinanggap ang pagkatalo.

"Oras na para pagtuunan ko kayong lahat ng pansin." Sinenyasan ni Jun Wu Xie ang mga gwardiya ng Rui Lin Army.

Nahintakutan naman ang dating Emperor, alam nito ang kakayanan ni Jun Wu Xie. Gusto nitong sumigaw pero walang awa siyang binusalan ng naka-gwardiyang Rui Lin soldiers. Kinaladkad ito paalis sa bulwagan.

Ang Imperial Dungeon ay kung saan isinasagawa ng Imperial Family ang kanilang katusuhan. Tagong-tago ito at sinadyang maging madilim. Bilang lang sa Imperial Family ang nakakaalam nito. Sa loob ng henerasyon, dito pinaparusahan ang mga taong hindi sumasang-ayon sa kanilang pamumuno. Natikman din ito ni Jun Xian, dinala siya dito dati at naghihintay ng kamatayan.

Kinaladkad patungo sa piitan ang dating Emperor. Dinig na dinig ang kadenang nakatali sa mga paa nito.

May dalawang katabing piitan ang piitan na nakatalaga para sa Emperor, sa kabilang panig ay kung nasaan si Mo Xuan Fei at sa kabila naman ay kung nasaan si Bai Yun Xian. Nagising ang dalawa dahil sa ingay na dulot ng kadena kaya naman sila ay napatingin sa labas.

Wala na ang yabang ni Mo Xuan Fei bilang Second Prince magmula nang silain ang kaniyang contractual spirit, malumpo at maiposas sa kaniyang wheelchair. Nakaupo siyang matulog sa wheelchair at nakalaylay ang ulo, ang kaniyang damit ay sobrang dungis na hindi na malaman ang tunay na kulay nito. Ang buhok nito ay gulo-gulo at may mga nakasabit na dayami, maputla ang mukha, bagsak ang pisngi sadyang kalunos-lunos ang itsura nito. Walang ibang emosyong maaaninag sa mata nito kundi takot.

Malayo na ang itsura nito sa kaniyang dating itsura. Kung siya ay papalayain at itatapon sa gitna ng kalsada, hindi mo aakalaing siya ang dating Second Prince.

Ginising siya ng ingay ng kadena at ikinagulat niya ito. Bakas ang takot sa kaniyang mukha ng makita ang amang kinakaladkad patungo sa kulungan nito at itinapon papasok na parang isang hayop.

"Second Prince, tingin ko'y maayos ka na." Isang malamig na tinig ang narinig niya galing sa labas. Kilala niya ang boses na iyon kaya naman siya ay nahintakutan at nagsimulang manginig.

Nanginginig ang kaniyang panga at nang siya ay lumingon, nakita niya si Jun Wu Xie na nakatayo malapit sa mga rehas.

Nakasuot ito ng light blue na bestida. Ang kulay nito ay tumutugma sa malamig na personalidad nito. Diretso ang mukha nito, walang anumang emosyon ang mababakas maliban sa mga titig nitong animo'y nakatingin sa isang patay na aso.