"Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. Pakiramdam ko lang...parang ang sama ng batang iyon. Nagmagandang-loob ka na ngang hatiran siya ng pagkain, ni hindi man lang niya nagawang magpasalamat. Alam niya ba kung sino ang kaharap niya?" Hindi nangahas si Lin Hao Yu na pasamain ang loob ni Gu Xin Yan, ang gusto lang niyang iparating ay ang kaniyang pagkayamot kay Jun Wu Xie.
Subalit humalakhak lang si Gu Xin Yan: "Ano bang alam mo? Ang nag-iisang tao na mula sa Spirit Mastery Race sa buong Middle Realm. Ang nag-iisang tao na nakakaalam ng Spirit Reinforcement. At higit sa lahat, ang nag-iisang taong sa buong history ng Battle of Deities Grand Meet na nakatanggap ng imbitasyon mula sa Twelve Palaces. Tingin mo basta-bastang tao lang si Jun Wu?"
Nanigas ang labi ni Lin Hao Yu sa sinabing iyon ni Gu Xin Yan. "Ano naman? Kahit pa na magaling siya, pare-pareho lang naman tayo dito! Tinanggihan niya ang imbitasyon ng Twelve Palaces at sa halip ay tinanggap ang sa Spirit Jade Palace, hindi ba't ang tanga niya rin? Sinong hindi nakakaalam na ang Spirit Jade Palace ay wala na? Sinong tanga ang pipiliin ang Spirit Jade Palace?"
"Hindi na mahalaga kung anong pinili ni Jun Wu. Hindi mo ba nakikita?" Nauubusan na ng pasensyang saad ni Gu Xin Yan. "Ano ngayon kung ang Spirit Jade Palace ang pinili niya bago pumasok sa Cloudy Brook Academy? Ang mahalaga ay kung anong palasyo ang pipiliin niya sa oras na makatapos siya dito."
Tila naman nataranta si Lin Hao Yu sa sinabing iyon ni Gu Xin Yan.
"Xin Yan, ikaw ba ay..."
Marahang tumawa si Gu Xin Yan. "Spirit Mastery Race at Spirit Reinforcement. Iyan ang dalawang bagay na kailanman ay hindi pa nagkakaroon ang kahit sino sa Twelve Palaces. Ngayong dalawang Elder na ng Palace of Flame Demons ang nawala, panahon na para umangat ang Blood Fiend Palace. Bilang anak ng Palace Lord ng Blood Fiend Palace, natural lang na tulungan ko ang aking ama."
Iba si Gu Xin Yan kumpara sa mga kabataang naririto. Siya mismo ay nagmula sa Blood Fiend Palace at mayroon siyang motibo kung bakit siya sumali sa Battle of Deities Grand Meet.
Tumingin naman sa kaniya si Lin Hao Yu at tumango.
"Sige, mabuti nang maintindihan mo ngayon pa lang. Huwag mo akong ipapahamak sa mga darating pang mga araw." Saad ni Gu Xin Yan nang makita niyang tila naintindihan na ni Lin Hao Yu ang kaniyang intensyon. Kumaway ito kumaway sa lalaki upang umalis na.
Nang makapasok si Jun Wu Xie sa kaniyang silid, inilagay niya ang pagkain na ibinigay ni Gu Xin Yan sa isang sulok. Wala siyang balak na buksan iyon.
Alam ni Jun Wu Xie kung anong binabalak ni Gu Xin Yan.
Noong magpakita siya sa Twelve Palaces, nagpakawala na siya ng kaniyang bitag. Kaya naman alam niya kung anong kailangan sa kaniya ni Gu Xin Yan at walang balak si Jun Wu Xie na abalahin pa ang sarili niya doon.
Ngunit mayroong isang bagay na biglang pumasok sa isip ni Jun Wu Xie.
"Gu Xin Yan, Gu Ying." Tumalas ang mga mata ni Jun Wu Xie. Hindi niya nakaligtaan ang mga detalyeng ito.
Pareho ng apelyido sina Gu Xin Yan at Gu Ying at pareho silang galing sa Blood Fiend Palace. Kaunti lang ang may apelyidong Gu. Tanging ang bloodline lang ng kanilang Palace Lord ang nabigyan noon.
Kung hindi nagkakamali si Jun Wu Xie, maging si Gu Xin Yan man o si Gu Ying na nasa Zephyr Academy noon, pareho silang may koneksyon sa Palace Lord. Ngunit hindi magkamukha si Gu Xin Yan at Gu Ying kaya imposibleng magkapatid sila.
Tumitig si Jun Wu Xie sa pagkaing binigay ni Gu Xin Yan na kaniyang itinapon.
Kahit pa nahahawig ang ngiti ni Gu Xin Yan kay Qu Ling Yue, hindi maitatago ng mga mata nito ang kaniyang balak.
Pero dahil hindi mapakali ang Blood Fiend Palace at nagsimula nang kumilos, bakit hindi niya sakyan ang mga ito?
Dito sa Cloudy Brook Academy, naisip ni Jun Wu Xie na hindi niya magagalaw ang Twelve Palaces. Pero sa nakikita niya ngayon, mukhang hindi naman iyon imposible.
"Gu Xin Yan." Nangalumbaba si Jun Wu Xie at ngumisi.
Pagdating sa pagpaplano ng masama sa ibang tao, kailangan mong mag-ingat na hindi mahuhulog sa bitag ng iba.