"Ikaw si Jun Wu hindi ba? Napansin kong hindi ka man lang lumalabas sa'yong silid kaya naman dinalhan kita ng pagkain." Malambing na saad ng babae habang nakangiti kay Jun Wu Xie.
Malamig lang itong tinitigan ni Jun Wu Xie. Naaalala ni Jun Wu Xie ang babaeng ito, siya ay pinili ng Blood Fiend Palace. Noong sila ay nakatayo sa labas ng academy, kasama nito ang mga disipulo ng Blood Fiend Palace.
Ang lakas ng Blood Fiend Palace ay halos papantay lang sa Palace of Flame Demons, kaunti lang ang diperensiya nila sa pagiging makapangyarihan. Ngunit nang mawala ang dalawang Elder ng Palace of Flame Demons, agad silang nahabol ng Blood Fiend Palace.
Mayroong sabi-sabi na ang dalawang pinakamalakas na pwersa sa Twelve Palaces ay ang Palace of Flame Demons at ang Blood Fiend Palace.
Kung hindi nagkakamali si Jun Wu Xie, si Gu Ying sa Zephyr Academy noon ay nagmula sa Blood Fiend Palace.
Mukhang hindi naman naapektuhan ang babae sa malamig na pakikitungo ni Jun Wu Xie. Sa halip ay nagpatuloy pa ito sa pagsasalita: "Mukhang hindi tayo pinapakialaman ng Cloudy Brook Academy nitong mga nakaraang araw. Narinig kong hanggat hindi pa tapos ang lahat sa unang assesment, tayo muna ang bahala sating mga sarili. Nagkataong nandito ako sa parehong palapag at nasa tapat mo lang na silid. Ako nga pala si Gu Xin Yan, tanggapin mo itong pagkain baka magutom ka."
Mabait ang itsura ni Gu Xin Yan at malambing ang ngiting nasa mukha nito kaya madali lang para dito ang makipaglapit sa mga tao. Sa hindi malamang dahilan, nang makita ni Jun Wu Xie ang ngiti sa mukha ni Gu Xin Yan, bigla niyang naalala si Qu Ling Yue.
Noon, napakainosente kung ngumiti ni Qu Ling Yue na tila ba'y wala itong ibang pinoproblema o iniisip.
Saglit pang tinitigan ni Jun Wu Xie si Gu Xin Yan bago iniiwas dito ang tingin: "Hindi na kailangan."
Ngunit wala sa isip ni Gu Xin Yan ang sumuko: "Tignan mo nga ang payat-payat mo. Makakasama sa'yo kung magpapagutom ka. Hindi ordinaryong academy ang Cloudy Brook Academy. Para makapag-cultivate ka dito, kailangan mong magpalakas."
Matapos sabihin iyon ay nilabas ni Gu Xin Yan ang mga karton na naglalaman ng pagkain at ipinilit iyon sa kamay ni Jun Wu Xie. Pagkatapos ay agad na itong umatras at kumaway.
"Kainin mo muna 'yan. Kung hindi pa sapat, dadalhan kita ng mas marami sa susunod. Aalis na muna ako." Matapos sabihin iyon ay agad nang tumalikod si Gu Xin Yan at sumunod din ang kasama nitong binatilyo.
Ang binatilyo naman ay hindi man lang nagsalita. Malamig ang tinging binibigay nito kay Jun Wu Xie at wala sa itsura nitong palakaibigan ito.
SInulyapan ni Jun Wu Xie ang pagkain na nasa kaniyang kamay. Bahagyang kumunot ang kaniyang noo ngunit hindi niya iyon itinapon. Dinala niya ito papasok sa kaniyang silid at agad na sinara ang kaniyang pinto.
Nilingon ni Gu Xin Yan ang pasilyo nang marinig niya ang pagsara ng pinto. Napangiti siya nang makitang wala na doon si Jun Wu Xie.
"Xin Yan, bakit nagiging mabuti ka sa batang 'yon? Hindi mo ba nakikitang parang wala siyang pakialam?" Magkasalubong ang mga kilay na saad ng gwapong lalaki. Naiinis siyang makita ang ngiti sa mukha ni Gu Xin Yan. Nilingon naman ito ng babae at sumagot: "Ibalik man niya o hindi ang kabaitan ko, hindi na mahalaga iyon. Kailan ka ba tatalino ha, Hao Yu? Kung magpapatuloy kang ganiyan habang naririto tayo sa Cloudy Brook Academy, magkaniya-kaniya na tayo. Nang sa gayon ay hindi na natin problemahin ang isa't isa." Nabura na ang ngiti sa labi ni Gu Xin Yan habang nakatingin sa nagulantang na si Lin Hao Yu. Ibinuka ng lalaki ang kaniyang bibig ngunit walang salitang lumabas doon.