Pumasok si Jun Wu Xie sa silid at sa oras na naisara ang pinto, agad na umilaw ang mga bola ng apoy.
Sa apat na kanto ng silid, mayroong lamparang nakasabit. Kumisap-kisap ang apoy at hindi rin alam ni Jun Wu Xie kung paano iyon nasindihan.
Sa tatlong pader ng silid ay mayroong nakatayong mga wooden shelf. Ang pinakaibabaw noon ay puno ng makapal na alikabok.
Inikot ni Jun Wu Xie ang kaniyang paningin sa sahig. Nagkalat sa sahig ang mga bolang kristal na kasya lang sa palad. Maging ang mga bolang kristal na iyon ay puno rin ng alikabok.
"Meow." Pumatong ang itim na pusa ni Jun Wu Xie sa kaniyang balikat habang ang buntot nito ay kumukumpas sa ere. Mula sa balikat ni Jun Wu Xie, tumalon ito sa isa sa malapit na bolang kristal na nasa sahig.
"Hindi ko matukoy kung anong klase ang mga ito." Saad ng itim na pusa habang nakatingin kay Jun Wu Xie.
"Gagawin ko na lang kung ano ang inutos sakin." Walang kabuhay-buhay na sagot ni Jun Wu Xie. Tinanggap na niyang mayroong ibang paraan ang Cloudy Brook sa mga bagay-bagay. Dalawang academy na ang pinanggalingan ni Jun Wu Xie noon at tanging si Yan Bu Gui lang ang kaniyang kinilalang Master sa Phoenix Academy. Gayong wala namang gaanong itinuro sa kaniya si Yan Bu Gui, binigay nito sa kaniya ang tubig mula sa Heaven's Spring para ma-cultivate niya ang kaniyang Snow Lotus. Noong siya ay nasa Dark Emperor's tomb, kumuha siya ng mga halamang-gamot at gumawa siya ng elixir para makakagamot sa mga nararamdaman ni Yan Bu Gui.
Sa Zephyr Academy naman, bukod sa natutunan niya ang Spirit Healing Technique mula kay Gu Li, wala na siyang ibang bagay na hindi niya kayang aralin.
At ngayon, naiisip niyang marami ulit siyang matutunan sa Cloudy Brook Academy.
Yumuko na si Jun Wu Xie para pulutin ang bolang kristal, ngunit bigla siyang nakaramdam ng kakaiba!
Ang kaniyang mahahabang daliri ay lumusot lang sa alikabok at bolang kristal, wala siyang maramdaman na kahit ano!
Anong nangyayari dito?
Bumakas ang pagkagulat sa mukha ni Jun Wu Xie at muli niyang sinubukang hawakan ang bolang kristal at ganoon ulit ang nangyari.
Lumusot lang ulit doon ang kaniyang kamay na animo'y ang bolang kristal ay isa lamang ilusyon.
Nasa harap niya lang ang mga bolang iyon at nakakalat! Bakit hindi niya iyon mahawakan? Doon na nagsimulang magtaka si Jun Wu Xie.
Ilusyon nga lang ba ang mga iyon?
Maging ang itim na pusa ay nagtaka din sa nangyari kaya naman inabot nito ang bolang kristal.
Tinulak ng pusa ang bola at agad na gumulong iyon. Bumakas ang gulat sa mukha ng pusa.
"Eh???"
Nahawakan nito ang bolang kristal!
Itinaas ng pusa ang kaniyang kamay at hindi makapaniwalang napatitig doon. Naroon pa ang bahid ng mga alikabok mula sa pagkakahawak nito sa bola!
"Na...nahakawakan ko?!" Hindi pa rin makapaniwalang tanong ng pusa kay Jun Wu Xie.
Anong nangyayari? Si Jun Wu Xie ay hindi magawang hawakan ang mga bolang kristal ngunit ang pusa ay pwede?
"Subukan ko kaya...dito sa isa pa?" Paalam ng pusa kay Jun Wu Xie saka lumapit malapit sa paanan ng kaniyang amo.
'Gororo..."
Muling gumulong ang bolang kristal at lumikha iyon ng ingay sa paggulong sa kahoy na sahig.
"..." Natigilan ang itim na pusa.
Wala sa bola ang problema!