Sa ilang magkakasunod na araw, si Luo Xi ay hindi pa rin sumusuko, ngunit sa bawat araw na
lumipas ay mas matinding pasabog ang dala sa kaniya. Lahat nga mga lason na itinatapon sa
mga balon ay walang saysay, hindi man lang nagdulot maski kaunting alon na naging dahilan
upang mas lalo itong magwala habang kinagagalitan ang kaniyang mga tauhan araw-araw.
Ngunit ang sitwasyon ay mas nagiging malala.
Walang nakakaalam kung paanong ang mga takas na pinahintulutang pumasok sa Clear
Breeze City araw-araw ay nabatid ang sitwasyon sa hilagang siyudad at silang lahat na
kararating lamang ng ilang oras ay agad mag-iimpake ng kanilang mga gamit sa kampo at
tutungo sa hilagang siyudad. Ang sitwasyon na ito ay naging dahilan upang hindi na manatili si
Luo Xi na nakaupo lamang at walang gawin tungkol doon kaya sumugod ito sa City Lord's
Manor upang pagalitan ang City Lord sa kakulangan nito sa pagkilos.
Sinabi ng City Lord na ginagawa niya ang lahat ngunit dahil sa mainam na kalagayan sa
hilagang siyudad, tanging isang mangmang na lamang ang tatanggi doon. Nagpadala siya ng
mga tao upang pigilan ang mga takas sa paglisan ngunit ang mga iyon ay bigo, at ayon sa City
Lord ay wala na siyang maisip kung ano pa ang dapat niyang gawin.
Sinabi pa ng City Lord na bagaman mayroon siyang pinsala, ay lubusan nang napapagod ang
kaniyang katawan at isip, at mas lalong nagalit si Luo Xi na ang mukha nitong maputi ay naging
berde sa tindi ng galit.
Sinubukan na ni Luo Xi lahat ng kaniyang maisip. Nang hindi nagtagumpay ang paglalagay ng
lason sa mga balon, ang sumunod ay pinakialaman niya ang mga gulay na dinadala sa hilagang
siyudad ngunit ang resulta ay ganoon pa rin, lahat ng lason ay tila nalunod sa kailaliman ng
dagat kung saan wala siyang narinig na anuman tungkol sa bagay na iyon.
Nang makita na parami nang parami ang mga takas araw-araw at hindi na nila magawang
makakuha maski isang takas, ang plano nila ay tuluyang nasira.
Dahil sa dami ng pagkain at inumin samahan pa ng magandang lugar upang tirahan, sino ang
magnanais na umalis?
Ang higit na kinatatakutan ni Luo Xi noon ay nangyayari na ngayon at dahil doon ay mas lalo
siyang naging balisa na parang isang langgam sa mainit na kaldero.
Hindi na kayang ipagwalang-bahala lahat, nagdesisyon si Luo Xi na magtungo sa hilagang
siyudad, at sa pagkakataong ito, ay magpapakita siya bilang "dakilang tagapagtaguyod" kung
saan siya kilala.
Ang mga takas na nasa hilagang siyudad ay tuluyan nang nagbago. Bagaman halos dalawang
linggo pa lamang ngunit dahil sa ang matinding pangangailangan nila sa mainit na hapag at
maayos na tirahan sa kanilang mga ulo ay nalutas na, ang kalagayan at kulay ng kanilang mga
mukha ay malaki na ang ipinagbago. At dahil sa pagtuturo na ginawa sa kanila ni Jun Wu Xie
nang nakaraan, ang mga takas ay natutong magbigay ng suporta at magtulungan. Kung
mayroon mang isa sa kanila na makaalitan ang sinuman sa tunay na residente ng siyudad,
alam nilang kailangan nilang magsama-sama upang protektahan ang kanilang mga kasama.
Nang dumating si Luo Xi sa hilagang siyudad at nakita naa ang lahat ay ibang-iba na sa
nakaraan na pagtungo nya doon, ang eksena ng maunlad na pagkakasundo ay tumusok sa
kaniyang puso at nagpangiwi sa kaniya, ang ngiti sa kaniyang mukha ay biglang nanigas saglit.
"Young Master Luo! Ika'y narito!" Mabilis na nakilala ng mga takas si Luo Xi.
Mabilis na itinulak ni Luo Xi ang galit na nag-iinit sa kaniyang kaibuturan at nagpaskil ng
malapad na ngiti at sinabi: "Narinig ko na nagpunta ang lahat dito at ako'y bahagyang nag-
aalala, kaya ako'y naparito upang makita ko mismo."
Kahit na anong uri ng personalidad ang tunay na taglay ni Luo Xi, sa mata ng maraming mga
takas na ito ay isa siyang "mbuting" tao, kaya ang asal sa kaniya ng mga takas ay hindi
matigas.
"Young Master Luo, ang lugar na ito'y napakaganda. Napakabuting tao ni Young Master Jun at
kami'y nakakakain at nakakatulog ng maayos sa lugar na ito. Mayroon pa kaming maayos na
kasuotan na naisusuot dito at ginagamot din ni Young Master Jun ang aming karamdaman
kung sakaling magkasakit kami."
"Oo, tama iyon! Bagaman si Young Master Jun ay bahagyang malamig ang pagkatao, ngunit
siya ay talagang napakabuti sa amin. Ilang araw ang nagdaan, ang aking munting anak ay
nilalagnat at si Young Master Jun ay nagdala ng gamot para sa amin. Tuluyang gumaling ang
aking munting anak pagkatapos uminom ng gamot ng isang beses!" Sa tuwing babanggitin si
Jun Wu Xie, ang mga takas ay labis ang kasiyahan at kasiglahan, bawat isa ay nakikipag-
unahan sa pagsasabi ng papuri sa kabaitan at hindi mapaniwalaang kabutihan ni Jun Wu Xie,
na para bang walang ibang dakilang nilalang bukod kay Jun Wu Xie sa lupaing iyon.
Nilabanan ni Luo Xi na mapanatili ang kunwaring ngiti sa kaniyang mukha, habang matiyaga
siyang nakikinig sa mga papuri ng mga takas kay Jun Wu Xie, ang puso niya ay halos sumabog
na sa nag-uumapaw sa galit na hiniling niyang sana ay makaladkad niya si Jun Wu Xie at kainin
ng buhay.
"Ganoon ba? Si Young Master Jun ay napakabuting tao… Iniisip ko… nasaan na kaya ngayon si
Young Master Jun? Mayroong mga bagay na kailangan kong talakayin sa kaniya." Saad ni Luo
Xi sa kaaya-ayang boses bagaman ang puso niya ay nag-uumapaw na sa galit.