Maya-maya pa, ang City Lord na may malaking tiyan at katabaan ay pinamunuan ang isang
hukbo ng mga kawal, mabagsik na nagmartsa patungo sa hilaga ng siyudad. Ito ang unang
pagkakataon na nagtungo siya doon at nang makita niya ang mga hanay ng mga kabahayan,
ang kati sa kaniyang puso ay mahirap pigilan, ngunit alam niya na kailangan muna niyang
mapaalis ang mga takas.
Nang marinig ng mga takas na ang City Lord ay pinamumunuan ang isang malaking grupo ng
mga kawal patungo sa hilaga ng siyudad, ay nagliwanag ang mukha ng lahat. Kahit na ano pa
mang uri ng pamumuhay mayroon sila noon upang makaligtas, sa puso nila ay
nararamdaman pa rin nila na ang City Lord ng Clear Breeze City na bukal sa loob na nag-alok
sa kanila ng tirahan ay isang taong may mabuting puso na mahal ang mga tao. Kahit na
kanilang nakita ang grupo ng mga kawal na pinamunuan niya patungo sa lugar na iyon ay hindi
sila nakaramdam ng kaba.
"Narito ang City Lord! Kaya marahil narito ang City Lord dahil sa pangyayari kanina!"
Isang mabuting lalaki ang City Lord. Kung nalaman niya na ang mga sanggano na iyon ay
nanakot ng mga karaniwang mamamayan, siguradong ipaglalaban niya ang mga ito para sa
hustisya!
Matapos masaksihan ng mga mata nila ang madugong pagpaslang, ang mga takas na mayroon
pa ring takot sa kanilang mga puso ay nakaramdam ng ginhawa nang makita nila ang City Lord,
lahat sila'y nagmamadaling lumapit, ang bibig nila'y puno ng papuri para sa City Lord.
Pinilit ng City Lord na mapanatili ang payapang ngiti sa kaniyang mukha, ang puso niya ay
puno ng pagkamuhi at pagkasuklam para sa mga takas na dumaluyong at pumalibot sa kaniya.
Nang maisip niya ang katotohanan na ang mga parasito na ito ay naninirahan sa
napakagandang lugar na naging hadlang upang makagawa siya ng malaking halaga ng salapi,
hiniling niya na kung maari sana'y iutos niya sa mga kawal na saksakin lahat ng mga basurang
ito hanggang sa mamatay!
Isinumpa niya sa kaibuturan ng kaniyang puso na mamatay na sana lahat ng mga takas na iyon
at muling-isilang, ngunit upang maipagpatuloy niya ang pagpapakita ng imahe ng kabutihan,
pinilit ng City Lord na ipakita sa kaniyang mukha ang mabait at nakangiting maskara, ginawa
niya ang lahat upang maging magiliw ang kaniyang boses sa pagsasalita.
"Kayong lahat ay naghirap sa panahong ito. Bagaman ang Clear Breeze City ay hindi
napakaunlad na siyudad, ngunit habang ako'y narito, hindi ko hahayaan na pagdusahan niyo
ang mga kalupitan! Ngayon, narinig ko na mayroong nagpunta rito at gumawa ng kaguluhan
na aking ikinagalit. Bagaman kayong lahat ay hindi tunay na residente na ipinanganak at
pinalaki dito sa Clear Breeze City, ngunit mula sa araw na tumapak kayong lahat sa Clear
Breeze City, ay itinuring ko na kayo na miyembro dito. Kung mayroon mang nangahas na
apihin sino man sa inyo, siguradong hihingiin ko ang hustisya alang-alang sa inyo!" Matatag na
saad ng City Lord.
Ang mga takas na nagpapasalamat na sa City Lord ay agad na nagpakita ng matinding
pasasalamat.
"Aking Lord, umasa kayo. Ang mga sanggano na iyon ay naharap na!" Masayang saad ng isa,
hindi pansin ang masamang kislap sa mata ng City Lord.
Ngumisi sa kaibuturan ng kaniyang puso ang City Lord, ngunit sa mukha niya ang pinakita ang
isang ekspresyon ng kagalakan. "Oh? Naharap na? Katatanggap ko lang ng balita na ilang
malupit at magugulong ganid ang narito at nanggugulo ng mga mamamayan at agad akong
nagdala dito ng aking mga tauhan upang arestuhin silang lahat at ikulong. Hindi ko inaasahan
na lahat kayo ay mabilis na tutugon ngunit ngayon ako'y nakahinga na ng maluwag. Umaasa
akong walang nasaktan sa inyo?"
Natahimik ang mga takas nang subukan nilang ikuwento sa City Lord ang mga masasamang
ginawa ng mga sanggano ngunit nang ikuwento nila ang nangyari sa matandang babae at apo
nito pati na sa isang babae at anak nito, ang mukha nila ay nabakasan ng pagkabagabag ng
konsiyensya at pagkaligalig.
"Huwag kang mag-alala aking Lord, ang lahat ay nalutas na at si Young Master Jun ay
nagpadala na ng mga tao upang gamutin ang matandang babae sa mga pinsala nito."
Ngumiti ang City Lord habang tumatango, at iniba nito bigla ang usapan ng magtanong siya:
"Ako'y nagtataka kung sino ang tumulong upang malutas ang tungkol doon? Ang mga
ganoong bagay ay aking responsibilidad bilang City Lord na maiwasang mangyari ngunit ako'y
nabigo sa hindi paglutas nito sa oras. Kaya naman, nais kong personal na magpasalamat sa tao
na walang pag-iimbot na tumulong sa inyong lahat."
Nang marinig ang mga sinabing iyon ng City Lord, dalawa sa mga takas ang akmang ibubuka na
ang kanilang mga bibig upang magsalita ngunit nakaramdam sila nang paghatak sa kanilang
damit mula sa ibang tao na nasa kanilang likuran at agad nilang itinikom ang bibig, wala sa
kanila ang may lakas ng loob na ihayag kahit bahagya ang tungkol sa tunay na salarin na
pumtay kay Liu Er.