"Shoo shoo shoo, huwag kang manggulo dito kung hindi ka naman bibili. Hindi ito ang lugar para sa mga manlilimos na katulad mo. Bilis, layas!" Nagmadali ang assistant para dalhin ang album kay Old Master Liu. Nang makita siya ng assistant ay agad nitong sinimangutan si Jun Wu Xie.
Nang marinig ng itim na pusa ang sinabing iyon ng assistant ay gusto niyang tumalon mula sa balikat ni Jun Wu Xie at sakmalin ang babaeng iyon. Pero pinigilan siya ni Jun Wu Xie.
Hindi naman pinansin ni Jun Wu Xie ang pangkukutyang iyon ng assistant at pumili na lang sa iba pang mga album na nasa estante.
Ganon na lamang ang paghahangad ng shop assistant na makakuha ng malaking komisyon kaya hindi niya pinansin ang 'pobreng' si Jun Wu Xie. Kumuha siya ng ilang album at dinala kay Old Master Liu.
Ilang album naman ang kinuha ni Jun Wu Xie at inilagay iyon sa estanteng walang laman. Ilan sa mga mayayaman ay ngumisi sa ginawang iyon ni Jun Wu Xie.
"Isa nanamang mahirap ang nananaginip sa ilalim ng tirik na araw? Ang mga hampaslupang katulad nito ay dapat nananatili na lang sa mga basurahan kung saan sila nararapat. Tignan mo nga ang itsura niyan, may pera ba siyang pambili kahit maliit na kubo man lang? Sigurado akong kahit ang pinakamaliit na bahay dito ay hindi niya kayang bilhin." Matatas na salita ng isa sa mga nasa loob ng shop.
"Marami na akong nakitang katulad niya. Noong papunta ako dito sa Clear Breeze City, sila yung tipo ng mga taong linta. Nakaasa lang sa may mga pera. Ang tanging alam lang nila ay manghingi, wala silang pinagkaiba sa mga pulubing nanlilimos."
"Tingin ko, hindi nararapat dito ang mga pulubing katulad niya. Doon na lang sila dapat sa labas ng Clear Breeze City at hayaang kainin ng mga halimaw."
Sa mga mata ng mga mayayamang napadpad dito sa Clear Breeze City, walang bilang ang mga mahihirap. Hindi sila sang-ayon na papasukin pa dito ang mga pobreng matatanda at bata.
Pero iyon ay desisyon ng City Lord ng Clear Breeze City. Kaya kahit na kahit anong pagsalungat nila dito ay wala silang magagawa kundi ang mainis at paringgan na lang ang mga mahihirap na narito.
Hindi nila maintindihan ang gustong mangyari ng City Lord. Sisikip lang ang lugar na ito kung patuloy lang silang magpapasok ng mga basurang katulad nila sa Clear Breeze City. Ano ang makukuha ng City Lord doon?
Mukha namang hindi apektado si Jun Wu Xie sa sinasabi ng mga mapangutyang mayaman sa shop. Nagpatuloy siya sa paglipat ng pahina ng album. At nang may mapili siya dinala niya ang mga album na kaniyang napili sa shopkeeper.
Abala ang shopkeeper sa pagsulat ng kanilang naibenta para sa araw na ito. Mataas ang bentahan nila sa mga bahay kaya naman mataas rin ang kanilang komisyon.
Habang ito ay naglilista kung ilan pang pera ang inaasahan nilang pumasok nakarinig ang shopkeeper ng kalabog. Ang sinag ng araw ay nahaharangan ng isang anino. Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niya ang mga album ng mga naglalakihang bahay na itinitinda nila!
Sa isang tingin niya lang doon ay napunit sa malapad na ngiti ang kaniyang labi. Ngunit nang makita niya na ang naglapag non doon ay isang batang marungis, agad na naglaho ang ngiti sa mga labi nito at nandilim ang mukha.