Tinakasan ng kulay ang mukha ni Poppy. Ang mga ring spirits ay may kakayahang magtransform at magagawa nilang umiwas sa anumang paraan ng atake sa kanila. Ngunit sa itim na usok na umatake sa kaniya ay wala siyang nagawa.
Ibang antas ng sakit ang naramdaman ni Poppy dahil doon.
Tumingin siya kay Jun Wu Yao na ngayon ay nakatayo pa rin sa likod ni Jun Wu Xie. Halos mailuwa niya ang kaniyang puso dahil sa titig nito sa kaniya.
"Naiintindihan ko...hindi na...po mauulit…" Sigurado si Poppy na kapag gumawa siya ng hindi magugustuhan ng lalaki siguradong wawasakin siya nito!
Ngumisi si Jun Wu Yao at sa isang kumpas nito ng kamay, naglaho ang itim na usok.
Bumalik sa pagkakaluhod si Poppy, ngayon ay wala nang bahid ng pang-aakit ang tinging binitawan nito.
Sa totoo lang, hindi naman masisisi si Poppy. Natural na sa mga Poppy ang mahulog sa adiksyon at hindi niya maiwasang ganoon ang aura na lalabas sa kaniyang katawan. Pero sa harap ng isang nilalang na sadyang makapangyarihan, wala siyang magawa kundi ang pigilan ang sarili.
Ayaw niyang mamatay dahil sa napakababaw na dahilan.
Simbilis ng kidlat ang ginawang atake ni Jun Wu Yao at walang nagawa sila Qiao Chu kundi ang mabato sa kanilang kinatatayuan. Ilang sandali muna ang lumipas bago sila bumalik sa kanilang ulirat.
Inobserbahan ni Jun Wu Yao ang reaksyon ni Poppy at maya-maya ay naglaho na ang masama nitong tingin. Noon pa lang niya tinignan si Jun Wu Xie na nasa kaniyang harapan, agad na napunit sa matamis na ngiti ang kaniyang labi.
"Hindi pa pala kita nababati sa pagkakaroon mo ng panibagong ring spirit."
Tumitig si Jun Wu Xie sa nakangiting si Jun Wu Yao. Iba ang pakiramdam niya sa paraan ng "pagbati" nito.
"Pero sa mga ring spirits na iyon, may ilan na hindi puro. Mas mabuti pang itapon mo na lang ang mga ring spirit na iyon at maghanap ng mas maganda sa susunod." Saad ni Jun Wu Yao sa mahinahong boses. Ngunit nang makarating iyon sa pandinig ni Poppy, agad na nagtayuan ang kaniyang balahibo.
[Siya ba ang pinaparinggan nito?]
Ngayon na lang ulit nakaharap ni Poppy ang kaniyang Mistress at ganito pa ang sasapitin niya. Sigurado siyang may kakaibang taglay na kapangyarihan ang nilalang na nasa tabi ng kaniyang Mistress.
Nagpakawala ng buntong-hininga si Jun Wu Xie at nagsalita: "Tumigil na kayo. Kailangan na nating maresolba ito ngayon."
Tama…
Sa mata ni Jun Wu Xie, parang nag-aasal bata lang si Jun Wu Yao at hindi pumasok sa kaniyang isip na magselos.
Nagkibit-balikat lang si Jun Wu Yao at ipinakitang handa na siyang makisali.
Nanatiling tahimik si Poppy at nagpakita na lang ng katapatan sa kaniyang amo na si Jun Wu Xie.
Tinawag ni Jun Wu Xie si Poppy para hiramin dito ang lason nito. Gagamitin niya iyon para labanan ang lason na mula sa Bone Corroding Tree. Pagkatapos ay makakatawid na sila sa Bone Corroding Forest.
"Malaki ang masasakop ng aking lason, tingin ko ay kayang-kaya ko 'to." Seryosong sabi ni Poppyl.
Hindi mahirap ang trabahong iyon para kay Poppy. Kailangan lang palabasin ang amoy nito at ikakalat sa lugar, pagkatapos ay malaya na silang makakalakad sa Bone Corroding Forest. Kahit pa na tamaan ang kahit sino man sa kanila ng Bone Corroding Tree, ang lason nito ay makakayang talunin ng lason ni Poppy at hindi na iyon delikado.