Bukod pa sa mga patibong na nasa bundok na ito, ang kakaibang klima lang ay napaka-mapanganib na. Halos maubos na ng grupo ang kanilang spirit power para mapanatili ang init sa kanilang katawan. Kung gaano katagal nila itong titiisin, walang nakakaalam.
Sa kanilang paglalakbay, sinubukan ni Qiao Chu na uminom mula sa kaniyang water sack. Sa kabila ng napakababang temperatura ng lugar na iyon, hindi nagyelo ang tubig na laman noon. Ngunit habang umiinom siya, dalawang patak ng tubig ang tumulo sa gilid ng kaniyang labi at agad iyong nanigas at naging yelo.
Maaaring gamitin ang kanilang spirit power para labanan ang matinding panggiginaw subalit ang lason na nasa hangin ay hindi kayang labanan noon.
Ngunit para kay Jun Wu Xie ang lason na iyon ang pinakamadaling solusyunan. Dala niya ang iba't-ibang klase ng elixir sa kaniyang Cosmos Sack at sapat ang dami noon kung sakaling sila ay mananatili doon ng isang taon.
Tahimik lang namang nakasunod si Little Jue sa grupo. Kahit na siya ang pinakabata at hindi pa gaanong malinaw ang kaniyang pag-iisip sa mga bagay-bagay, ayaw niyang dumagdag pa sa problema ni Jun Wu Xie. Sumusunod siya sa bawat sinasabi ni Jun Wu Xie.
Ngunit may isang bagay lang ang nakakapagtaka.
Walang bahid ng spirit energy na ginamit sa katawan ni Little Jue ngunit napanatili niya ang init sa kaniyang katawan. Nang hawakan ni Jun Wu Xie ang kamay nito, naramdaman niya ang init sa palad ng bata.
Sa grupo nila, maliban kina Jun Wu Yao, Ye Sha at Ye Mei, kailangan nilang gamitin ang kanilang spirit power para panatilihin ang init sa kanilang katawan. Ngunit heto, maging si Little Jue ay hindi gumagamit ng spirit power.
Ang nakakapagtaka pa…
Matapos ibigay ni Jun Wu Xie ang elixir, may napansin siyang kakaiba.
Nang matanggap ni Little Jue ang elixir mula kay Jun Wu Xie, kunyari niya lang itong ininom. Sa halip ay pinasok ng bata ang kamay nito sa kaniyang roba. Dahilan para magtaka si Jun Wu Xie na lihim na nag-oobserba sa bata.
"Ilabas mo kung ano man 'yang tinatago mo sa'yong damit." Bahagyang nagsalubong ang kilay ni Jun Wu Xie habang nakatingin kay Little Jue.
Kumurap-kurap naman si Little Jue at napayuko. Sa mga oras na ito, alam niyang nahuli na siya. Napaatras ng isang hakbang ang bata.
Umangat naman ang isang kilay ni Jun Wu Xie. Ang batang ito ay may inililihim gaya ng kaniyang inaasahan!
"Qiao Chu."
"Ngayon na mismo!" Agad na tumalima si Qiao Chu at lumapit kay Little Jue. Bumuka ang bibig ni Little Jue ngunit walang ni isang salita ang lumabas mula doon.
Lumapit din si Jun Wu Xie at doon nakita niya ang napakaraming elixir sa damit ni Little Jue.
Tama.
Maraming elixir…
Sa kaniyang bilang, itinago ng bata ang mga elixir simula ng paalis sila patungong Heaven's End Cliff! Wala itong ininom kahit isang elixir!
Nang mapansing wala namang masamang nangyari sa bata, nakahinga siya ng maluwag. Nangingilid ang luha sa mga mata ng bata. Kinumpiska naman ni Jun Wu Xie ang lahat ng elixir na itinago ni Little Jue.
"Ahhh!!!" Usal ni Little Jue habang malungkot na nakatingin kay Jun Wu Xie.
Nang marahang maibaba ito ni Qiao Chu, nanatiling nakaupo sa lapag ang bata at tahimik na pinunasan ang kaniyang mga luha.