Chereads / Genius Doctor: Black Belly Miss (Tagalog) / Chapter 1318 - Bone Corroding Forest (4)

Chapter 1318 - Bone Corroding Forest (4)

Pinanuod naman ni Jun Wu Xie ang batang animo pinagbagsaka ng langit at lupa. Hindi niya alam kung matatawa ba siya o maaawa dito. Ngunit bigla niyang naalala na wala na pala silang sapat na oras.

Nang malagpasan nila ang napakalamig na daan, nagulat sila sa kanilang nakita!

Isang napakalawak na kagubatan ang tumambad sa kanilang paningin!

Isa iyong kagubatan na nababalot ng yelo. Malaking parte ng gubat na iyon ay nasira. Ang makakapal na puno ay nakatumba. Halatang dahil iyon sa atakeng ginawa ni Jun Wu Yao. Sa loob ng kagubatan na iyon, ang berdeng dagta ay nagkalat. Hindi iyon nanigas sa kabila ng napakalamig na klima. Umalingasaw ang amoy mula sa berdeng dagta.

Pamilyar kay Jun Wu Xie ang amoy na iyon. Humalo sa hangin at hamog ang lason. Doon niya napagtanto na ang lason ay nagmumula sa dagtang iyon!

"Anong klaseng puno ito…" Bulong ni Fei Yan sa sarili habang pinagmamasdan ang kagubatang iyon. Kakaiba ang tubo ng matatayog na puno. Ang mga dahon nito ay makakapal. Ang mga sanga naman nito ay nababalutan ng makapal na yelo.

Kung hindi ito nakalagay sa ganito ka-mapanganib na lugar, magagandahan ang kung sino mang makakakita dito. Pero dahil nasa kalagitnaan ito ng ilalim ng Heaven's End Cliff, nagmukhang mga buto ng tao ang mga puno. Dahilan para maging katakut-takot ito sa paningin. 

Tumitig si Jun Wu Xie sa mga "puting" puno at biglang may nanumbalik sa kaniyang alaala.

Ngayon lang siya nakakita ng puno na ganito ang itsura. Ngunit sa kaniyang nabasa noong lumang sulat, naalala niya ang paglalarawan sa punong ito.

"Bone Corroding Trees." Mahinang usal ni Jun Wu Xie.

"Bone Corroding Trees? Anong klase iyon?" Tanong ni Qiao Chu na nag-uumpisa nang kilabutan. Sa pangalan pa lang nito ay hindi niya mapigilan ang kaniyang mga balahibo na magsitayuan.

"Isang uri ng puno na ang pataba ay laman at dugo. Isang makamandag na uri ng puno." Sagot naman ni Jun Wu Xie. Mula sa lumang babasahing nakuha niya mula kay Qiao Chu, maraming uri ng halaman ang nakapaloob doon.

Nang mabasa niya ang tungkol sa Bone Corroding Trees, nakuha noon ang kaniyang atensyon. Ang paraan ng pagtubo ng punong ito ay kakaiba kaysa sa normal na puno. Hindi nito kailangan ng lupa, kahit ng araw o tubig para tumubo. Ang buto ng punong ito ay kailangan itanim sa buhay na katawan ng tao. Pagkatapos ay ililibing ang tao ng buhay na tanging ang ulo lamang ang nakalabas. Doon ay magsisimula nang tumubo ang buto.

Habang lumalaki ang Bone Corroding Tree, hahatiin nito ang katawang pinagtataniman hanggang sa tuluyang mamatay ang katawang iyon. Mala-demonyo ang punong iyon dahil kailangan nito ang buhay ng isang tao kapalit ng pag-usbong nito. Habang ito ay nagsisimulang tumubo, kailangan nito ng sustansya mula sa limang uri ng makamandag na insekto at labindalawang halamang may lason. Sa madaling salita, lason ang kailangan nito para ito ay umusbong at mabuhay.