Hindi gaanong nalalayo ang Imperial City ng Condor Country sa Fire Country. Ang lungsod ay maraming tao at ang lahat ay mayroong kani-kaniyang pinagkakaabalahan. Tahimik na nakisabay sa agos ng mga tao si Jun Wu Xie habang hinahanap ang mga sikretong palatandaan na iniwan nina Qiao Chu. Sa gitna ng napakaraming mga tao, may napansin si Jun Wu Xie na kakaiba. Ang ibang mga tao doon ay mayroong nakasabit na espada sa kanilang mga tagiliran. Gayong nakasuot ang mga ito ng simpleng kasuotan, hindi mahirap na tukuyin n ang mga ito ay miyembro ng militar.
Halatang hindi ito mga sundalo ng Condor Country.
Nahanap ni Jun Wu Xie ang palatandaang iniwan nina Qiao Chu sa labas ng isang restaurant at inn. Nang makita niya iyon ay agad siyang pumasok.
Sa guest room sa ikalawang palapag, naabutan ni Jun Wu Xie sina Qiao Chu na naguusap-usap.
"Little Xie! Sa wakas ay nandito ka na!" Lumapit si Qiao Chu at tinapik si Jun Wu Xie sa balikat.
"Nasaan si Rong Ruo?" Tanong ni Jun Wu Xie nang hindi niya makitang kasama ng mga ito si Rong Ruo.
Tumayo si Fei Yan at siyang sumagot: "Sabi niya ay babalik daw muna siya sa kaniyang silid para magpahinga. Pupuntahan ko na siya para sabihing pumarito." Lumipad ang mahaba nitong light blue na palda nang ito ay magsimulang maglakad.
Napahimas si Qiao Chu sa kaniyang baba at tumingin sa "kaakit-akit" na likod ni Fei Yan. Maya-maya ay umiling ito at nagpakawala ng buntong-hininga.
"Sa itsurang iyon ni Little Yan pati na rin sa kaniyang katawan, kung tunay siyang babae, ilan kayang lalaki ang mapapaiyak niya?" Kahit na madalas magkaasaran sina Qiao Chu at Fei Yan, hindi maiwasang purihin ni Qiao Chu ang itsura ni Fei Yan;. Tila isa itong "bulaklak sa gitna ng hardin at buwan sa gitna ng dilim."
"Kung maririnig 'yan ni Fei Yan, sigurado akong masusuntok ka nanaman." Natatawang saad ni Fan Zhuo.
Alanganing ngumiti si Qiao Chu at napakamot na lang sa kaniyang batok. "Paano kayang nagkaroon siya ng ganoon kaliit na katawan at ganoon ka-among mukha pero napakalakas niya. Pambihira."
Tumingin si Hua Yao kay Qiao Chu at sumagot: "Tingin mo, paanong nangyari iyon sa kaniyang ape ring spirit?"
Ang mga ring spirits ay ipinapares sa mga taong may kaparehong katangian sa kanila. Katulad na lang ng mga ring spirits sa Bone Shifters Tribe, halos lahat ng mga iyon ay may kaugnayan sa buto. Mukha lang mahina si Fei Yan dahil sa kaniyang payat na pangangatawan pero ang totoo niyan ay may itinatago itong lakas at pambihirang kapangyarihan. Ganoon din ang ape ring spirit nito.
"Mukha nga. Kaya naman si Rolly ko ay hindi nakilala sa kaniyang kalakasan kundi sa kaniyang taglay na kagwapuhan. Dahil doon, talaga ngang nakuha niya ang katangian ko." Pagyayabang ni Qiao Chu.
Biglang naalala ni Jun Wu Xie ang munting Emperor ng Buckwheat Kingdom habang siya ay nakikinig sa kaniyang mga kasamahan. Ang personalidad nga nito ay hindi nalalayo sa isang kuneho. Kaya naman hindi na nakakagulat na mayroon itong ganoong klase ng ring spirit. Ngunit habang iniisip iyon ni Jun Wu Xie ay may napansin siyang butas sa nalaman niyang iyon.
"Little Xie, may problema ba? Bakit namumutla ka?" Napansin agad ni Qiao ang pagbabago sa itsura ni Jun Wu Xie.
Umiling lang si Jun Wu Xie. Nang maalala niya ang munting Emperor, agad niya ring naisip ang buntot ng kuneho sa likod nito. Ang sabi ni Grand Tutor He ay ring spirit daw ito ng munting Emperor. Ngunit ngayon ay may bigla siyang napagtanto at napansing may mali!
Wala pa halos isang taon mula nang siya ay muling mabuhay. Kahit na pinipilit niyang matutunan ang lahat ng bagay sa mundong ito, mayroong ibang bagay na kahit anong pilit niya ay hindi niya maalala. At ngayon isang kapansin-pansing bagay ang kaniyang nakaligtaan!
At iyon ay ang ring spirit ng munting Emperor!
Kung titignan ang munting Emperor ay naglalaro sa walo o siyam na taong gulang pa lang ito kaya paanong mayroon na agad siyang ring spirit? Sa edad na labing-apat lang nagigising ang ring spirit ng isang tao. At kung pagbabasehan iyon, ang ring spirit ng munting Emperor ay hindi pa gising!