"Master! Ilang araw ka nang hindi natutulog! Hayaan mo na kami, magpahinga ka muna." Sabi ng mga disipulong sumama kay Mu Chen sa Qi KIngdom. Nag-aalalang nakatingin ang mga ito sa mapulang mukha ni Mu Chen.
Ngayong inaatake ang Qi Kingdom, ang pangunahin pwersa ng buong Lin Palace simula kay Duke Lin Jun Xian hanggang sa huling sundalo ng Rui Lin Army ay nagmadaling humarap sa giyera. Hindi kinalimutan ni Mu Chen ang kaniyang pinangako kay Jun Xie. Tatlong taon siyang maninilbihan sa Lin Palace kaya naman nang kumilos sina Jun Xian at Jun Qing, ginampanan na niya ang kaniyang tungkulin.
Kahit na wala siyang kakayanan sa pakikipaglaban, ang kaniyang husay sa panggagamot ay isang malaking bagay. Gusto niyang maisalba ang mga buhay ng mga sugatan, masa marami, mas mainam.
"Hindi na kailangan." Saad ni Mu Chen at ikinumpas ang kaniyang kamay. Naririnig niya ang mga iyak ng mga nanghihingi ng tulong. Hindi niya na matandaan kung ilan na ba ang kaniyang nagamot. Nanginginig na rin ang kaniyang kamay sa sobrang lamig. Kilala siya bilang mahusay na manggagamot at alam niya iyon sa kaniyang sarili. Ngunit ngayon, dumagdag ng dumagdag ang bilang ng mga namamatay. Ang mga bumabalik dito na nanggaling sa giyera ay lahat ay sugatan.
Narito siya dahil sa kaniyang pangako kay Jun Xie. Ngunit nang makita niya ang mga sundalo ng Qi Kingdom na buong pusong nakikipaglaban kahit na wala silang kalaban-laban sa dami ng kanilang mga kaaway, labis iyong ikinamangha ni Mu Chen!
Malinaw pa sa kaniyang alaala ang unang araw ng giyera. Ang mga kakampi bansa ng kanilang kaaway ay tahimik na pumasok sa Qi Kingdom. Malalim na ang gabi nang magsimula ang mga itong umatake. Nakaupo siya sa Lin Palace nang gabing iyon at nakikipagkwentuhan kay Jun Xian nang dumating si Long Qi.
[Duke Lin! Ang silangang rehiyon ay inaatake ng malaking pwersa ng Crescent Country!]
[Ang timog na bahagi ay pinapasok na ng Prosper Country!]
[Sa hilaga naman ay nag-umpisa na ring kumilos ang Shire Country!]
[Sa kanluran ay nagsimula nang umatake ang Condor Country laban satin!]
Apat na talata lang iyon ngunit ang bawat talata ay animo'y isang kidlat na pumunit sa kapayapaan ng Qi Kingdom!
Dumanak ang dugo noong gabi ring iyon sa buong Qi Kingdom!
Noong mismong gabing iyon, nagtungo si Jun Xian sa palasyo para humingi ng pahintulot na pakilusin ang mga sundalo. Isang-daang libong Rui Lin Army Soldiers, pinamumunuan ni Jun Xian, Jun Qing, Long Qi at isa pang heneral ay kumilos patungo sa apat na direksyong sinasalakay ng mga kaaway!
Nang dalhin ni Long Qi ang balitang iyon, tandang-tanda pa ni Mu Chen ang gulat na gumuhit sa mga mata ni Jun Qing.
Milyon ang bilang ng kanilang kaaway!
At ang Rui Lin Army ay isang-daang libo lang. Paano nila kakayanin ito?
Pag nagpatuloy pa ang giyerang ito, siguradong lahat sila ay mamamatay!
Subalit,
Simula sa pinakamataas na pinuno hanggang sa pinakamababang posisyon ng Rui Lin Army, wala ni isa ang umatras! Nagmadaling isuot ang kanilang armor, kinuha ang sandata at sinuong nila ang malakas na ulan upang makipaglaban!
Nakatayo si Mu Chen sa gitna ng malamig na ulan ng gabing iyon habang pinapanuod ang mga sundalong kumilos para makipaglaban!