'Salitang bunga ng kalasingan?" Sumimangot si Qu Xin Rui: "May kasabihang nagsasabi ng katotohanan
kapag lasing, at ang mga salitang iyon ay matagal ng nasa loob ng iyong isipan ng mahabang panahon."
"Hindi ako mangangahas..." Lumuhod si Lin Que, nanginginig na nilalang. Sa mga oras na ito, sobrang
galit na si Qu Xin Rui.
"Lin Que, hindi ka ba nagiisip kapareho ng puso mo?" Sabi ni Qu Xin Rui ng may pagkukutya sa mga ngiti.
Nagmadaling lumuhod, inilapat ang noo niya sa lupa: "Ang iyong tagasilbi ay hindi mangangahas! Bakit
naman iisipin ng tagasilbi ang ganoong bagay? Ang iyong tagasilbi ay tapat sa Dakilang Tiyahin at hindi
magtatangkang isipin ang ganoong bagay."
"Hmph." Hindi na maniniwala si Qu Xin Rui sa kahit isang salitang sinabi ni Lin Que.
"Hindi magtatangka? Ano ba ang hindi mo dapat subukan?"
Nagulat si Lin Que at nagpatuloy siya sa pag-untog ng kaniyang ulo sa sahig, paulit-ulit na sinasabi ang
kaniyang hindi mapapantayang katapatan, ngunit wala na itong silbi.
Sa kabilang banda, Si Lin Feng napatalon sa gulat sag alit ni Qu Xin Rui at hindi na ito makagalaw sa
puwesto nito, ang pamumula ng kaniyang mukha ay dahan-dahang nawawala hanggang sa ang kulay ng
kaniyang balat ay namumuti na na tila isa siyang multo.
[Ano ang sinabi niya?]
Hindi makapaniwala si Lin Feng sa kaniyang mga sinabi kay Qu Xin Rui. Ang mga palaisipang iyon ay
dumaan na sa kaniyang isipan ngunit sinasarili niya lamang iyon at hindi siya nangahas na sabihin kahit
isang salita. Ngunit sa hindi matukoy na rason, biglang naramdaman niya ang tila apoy na sumusunog sa
kaniyang puso na siyang nagtulak sa kaniya na sabihin ang lahat ng nasa kaniyang puso at tumigil lamang
ang apoy nang naubos na ang pasensiya ni Qu Xin Rui.
Nang maging kalmado na siya, si Lin Feng ay lumuhod sa sahig.
"Dakilang Tiyahin… Dakilang Tiyahin… Hindi ko sinasadya ang mga nasabi ko, hindi iyon ang ibig kong
sabihin…" Si Lin Feng ay nanginginig pa rin habang nakaluhod sa sahig, walang mababakas na kulay sa
kaniyang mukha dahil sa pamumutla.
"Hindi iyon ang ibig mong sabihin? Kung gayon ano ang iyong ibig sabihin?" galit na saad ni Qu Xin Rui.
"Ang pagtatrabaho mo at ng iyong ama sa akin ay naging mahirap para sa iyo!"
"Hindi! Hindi ganoon iyon!" mabilis na iniling ni Lin Fen gang kaniyang ulo. Pinagpapawisan siya ng
malamig dahil sa tingin na ibinibigay sa kaniya ni Qu Xin Rui at kahit sa kaniyang panaginip, hindi niya
inakalang masasabi niya ng malakas ang kaniyang mga reklamo.
"Hindi? Ha!" Si Qu Xin Rui ay dahan-dahang humakbang at tumayo sa harap ni Lin Feng.
Hindi nangahas si Lin Feng na iangat man lang ang kaniyang ulo at nagpatuloy lang sa panginginig
habang nakatingin sa mga paa ni Qu Xin Rui.
Biglang umangat ang isang paa ni Qu Xin Rui at sinipa si Lin Feng! Tumilapon ito sa ere!
Ang sipa mula sa isang Purple Spirit ay sadyang napakalakas. Nang lumapag si Lin Feng sa sahig, sumuka
ito ng dugo, ang matingkad na kulay pula na dugo ay kumalat sa puting balahibo ng isang hayop na
siyang nagsisilbing basahan sa sahig.
"Ano ako sa iyo sa tingin mo? Nangahas kang magsalita sa ganoong paraan sa akin? Ano ngayon kung
ang iyong ama ay isa sa mga Clan Chief ng Thousand Beast City? Isa lamang siyang tuta na nasa aking
tabi. Kung gusto ko siyang mabuhay, mabubuhay siya. At kung gusto ko siyang mamatay, mamatay siya.
Sa aking harap, wala ka sa posisyon upang pagsabihan ako!" saad ni Qu Xin Rui kay Lin Feng na patuloy
pa ring sumusuka ng dugo habang nakasalampak sa sahig.
Bago pa ang pangyayaring ito, hindi na niya binigyang pansin ang kasalanang nagawa ni Lin Feng tungkol
sa Devious Wyvern, ngunit si Lin Feng, kahit sa piging ng kaarawan ni Qu Xin Rui, ay patuloy sa pagsuway
sa kaniya, kung kaya papaanong papalampasin niya pa ito?
"Dakilang Tiyahin, Dakilang Tiyahin, maawa ka sa akin… Lin Feng… Hindi sinasadya ni Lin Feng ang lahat."
Nang makita niya ang kaawa-awa niyang anak na nakasalampak sa sahig ang puso ni Lin Que ay tila
pinipiga sa sakit, ngunit hindi siya nangahas na lapitan at tulungan ang kaniyang anak sa harap ni Qu Xin
Rui.
"Hindi sinasadya? Lin Que, binigyan na kita ng pagkakataon na bantayan ng mabuti ang iyong anak,
ngunit paano mo ito ginawa? Ang iyong anak ay ininsulto at pinahiya si Jun Xie na isang importanteng
bisita na kinumbida ko. Sa tingin niya ba na ang posissyon niya bilang isang Young Clan Chief ay
maikukumpara sa kay Jun Xie na siyang Emperador ng Fire Country?" saad ni Qu Xin Ruin a puno ng
pagkayamot.