Ang pangalawang paraan ay paglalakbay sa katubigan. Humupa na ang digmaan at pati na rin ang pag-iingat sa daanan ng tubig. Alam ni Chu Qiao na may lihim na pagnenegosyo ng pagpuslit ng mga taong walang papeles sa mataas na presyo gamit ang bangka. Kaya, kinailangan niyang makipagsapalaran at pasukin ang syudad sa paghahanap ng ganoong serbisyo.
Dalawang araw niyang sinuyod ang black market bago nagdesisyon sa oras. Sasakay siya ng bangka sa Qian Shui Canal, tatlumpung milya ang layo, sa ika-11 ng gabi, pagkatapos ng isang araw. Sumapit na ang gabi. Nagmamadaling naglakad si Chu Qiao sa mahabang kalye. Para maitago ang pagkakakilanlan niya, nakabihis siya ng parang isang binata na mga 16 o 17 taong gulang. Ang kanyang pulang labi at maputing ngipin ay pinagmukha siyang magandang lalaki. Ang syudad ng Xian Yang ay matatagpuan malapit sa hangganan ng imperyo ng Xia. Malaki ito at kahit sinong mangangalakal ay kailangan dumaan dito kapag nasa teritoryo sila ng Xia. Ang kasiglahan nito ay hindi natatalo sa syudad ng Zhen Huang. Kahit na kalaliman ng gabi, maingay pa rin ang mga kalye. Ang ilang may-ari ng tindahan na inaalok ang kanilang paninda ay dumagdag lang sa kaingayan.
Maglalakbay sa tubig si Chu Qiao sa hinaharap. Ibinenta niya ang kanyang bagong biling kabayo sa mababang presyo at bumili ng tuyong rasyon. Nang naghahanda na siyang umalis, isang nagtitinda ng alipin na maraming mamimili ang nakahuli ng paningin niya. Napasimangot si Chu Qiao na tumitig sa direksyon na iyon, nakakita siya ng malaking metal na hawla na may 80 hanggang 90 alipin. Babae at lalaki ang magkahalo dito. Isa sa mga lalaki na nakasuot ng pang-iskolar na kasuotan ang pansinin. Mayroong mga nasa kalagitnaan ang edad na babae ang sumisigaw para mabili siya bilang alipin at sinusubukan makipagtawaran sa nagtitinda para sa magandang presyo.
"Hi!" palihis na sumandal si Chu Qiao sa hawla. May hawak siyang ilang buto ng melon at tinawag ang lalaki sa hawla. Dumura siya ng ilang buto ng melon sa direksyon niya habang nakangiti. Para siyang isang walang kwentang tao na kabilang sa isang maharlikang pamilya.
Tumingala ang lalaki at tinitigan siya sa mata na nakasimangot. Ang kanyang mukha ay napuno ng pagkadisgusto. Tumungo ulit siya na hindi sumasagot.
"Saglit lamang ang lumipas at nakalimutan mo na ako? Maswerte ka. Ilang araw lang ang lumipas at may bago ka nang amo!"
Natigilan si Liang Shaoqing. Tumingala siya tinantya siya. Pagkatapos siyang makilala, masaya itong napasigaw, "Ah! Ikaw iyan? Bakit ka nakabihis ng ganito?"
"Parang hindi mo alam." Napatawa ang dalaga. "Isa akong bandido."
"Oh, tama." Iniling niya ang ulo habang tinatama ang sarili. "Hindi tama iyon. Paano ka naging bandido? Pagkakamali siguro ito ng mga opisyal, minamali ang mabuting tao."
"Hehe," tumawa si Chu Qiao at kinutya siya, "Anong sinasabi mo? Isa tayong ginoo. Diretso ang lakad natin, may prinsipyo, at may tangkad na pitong talampakan. Bakit nagpapaligoy-ligoy pa tayo? Anong meron? Gusto mong magmakaawa sakin para sa isang pabor?"
"Binibini, pakiusap ilabas mo ako sa lugar na ito," pagmamakaawa ni Liang Shaoqing. "Hindi mo ako maaaring panoorin nalang na mapahiya na parang isang alipin. Hindi sila naniniwala sa kahit anong sabihin ko. Hindi ako pamilyar sa lugar na ito, tanging ikaw nalang ang makakapaglabas sa akin."
"Iligtas ka?" itinapon ng dalaga ang buto ng melon sa lupa at nanlalaki ang mata. "Paano kita maililigtas?"
"Bilhin mo ako palabas?"
"Paano naging angkop iyon?"
"Bakit hindi angkop iyon?"
Iniling ni Chu Qiao ang kanyang ulo at sinabi, "Isa kang iskolar. Halos mabili ka na ng isang grupo ng sibilyan. Isa iyong insulto sa iyong estado. Ikaw ang tagapagligtas ko, paano ko maaatim na gawin ang isang bagay na mapapahiya ka?"
Natuliro si Liang Shaoqing at namula ang kanyang mukha. Pagkatapos ng mahabang sandali, nauutal na saad niya, "Wala na tayong oras at oras ng kagipitan ito. Tayo'y...isantabi muna natin ang usapin ng prinsipyo."
Napatawa si Chu Qiao nang marinig ang sinabi niya. Nang magsasalita na siya, isang matabang babae na nasa singkwenta, napakaganda ng bihis na may makapal na kolorete sa kanyang mukha, sinasamahan ng kumpol ng tao, ang lumapit. Hinawakan niya sa kwelyo si Liang Shaoqing at sinabi, "Itong isang ito."
Natigilan ang may-ari at tumawa. "Lady, sa presyong napagkasunduan natin?"
"Tulad ng gusto mo!"
"Sige! Sandali lamang!"
Namutla ang mukha ni Liang Shaoqing. Nagmamakaawa siyang tumingin kay Chu Qiao.
Nasasamahan ang babae ng higit sa sampung tagasilbi at 20 bagong alipin, lahat ay magandang lalaki at maganda ang katawan.
Kinagat ni Chu Qiao ang kanyang dila. Lumapit siya sa babae at ngumiti. "Lady, ilang taon ka na. Ang maraming pagbili sa magagandang katawan na mga lalaki ito, kakayanin mo ba iyon?" mabagal niyang sinabi.
Hindi nasiyahan ang babae nang marinig ang mga salitang ito. Malamig niyang tinitigan si Chu Qiao at sinabi, "Saan nanggaling ang hangal na ito? Umalis ka sa harap ko."
"Ginagawa ko ito para sa kabutihan mo! Bakit hindi mo ako bigyan ng isang alipin?"
"Managinip ka!" galit na saad ng babae. "Kung magpapatuloy ka sa pagsalita ng walang kabuluhan, lulumpuhin kita!"
"Aiyo, kabagsik!" gumilid si Chu Qiao at sumigaw sa may-ari, "Boss! Magkano ang alipin na ito? Doble ang babayaran ko!"
Nang marinig ito ng may-ari na inihahanda nang ilabas si Liang Shaoqing sa hawla ay napatigil siya. Napatingin siya kay Chu Qiao na kumikislap.
"Doble?" malamig at matalas niyang sinabi, "Apat na beses na mas malaki ang ibabayad ko! Gusto mong makipaglaban sa akin?"
Tumawa si Chu Qiao na nakasandal sa hawla. Wala sa loob siyang sumagot, "Sampung beses na mas malaki."
"Dalawampung beses."
Umiling si Chu Qiao at sinabi, "Mas malaki ng apatnapung beses ang ibabayad ko."
"Magbabayad ako ng isang daang beses na mas malaki!"
"Dalawang daang mas malaki!"
"Isang libong beses na mas malaki!"
"Wow! Isang libong beses na mas malaki!" napangiti si Chu Qiao at sinabi, "Hahayaan ko na siya sayo. Hindi ko matatalo iyan."
Ngiting-ngiti ang may-ari. Nagmadali siyang lumapit at sinabi, "Lady Qian, mayroon tayong pagkakasundo sa isang libong beses na mas malaki sa orihinal mong presyo. Magiging dalawang libong piraso ng gintong dahon iyon."
Napaakto lang dahil sa inis ang babae. Nang mapagtantong hindi karapat-dapat sa dalawang libong piraso ng gintong dahon ang alipin na iyon, tumingin siya sa may-ari at sumigaw, "Boss Mu, nakipagsabwatan ka sa iba para dayain ako!"
"H-hindi ganoon iyon! Kahit na magtangka akong mandaya, hindi ikaw iyon!"
"Hmph! Hindi na ako bibili pa. Maghintay nalang tayo at makikita natin!" saad ng babae at umalis na kasunod ang mga tagasilbi niya.
Nakatayo lang sa orihinal niyang posisyon si Boss Mu na naguluhan. Tumingin siya kaliwa't-kanan bago makita si Chu Qiao na nakatayo sa may hawla. Nagmadali siyang lumapit at sinabi na may ngiti, "Young Master, wala na ang babae na iyon. Dahil nagustuhan mo ang alipin na ito, ibebenta ko siya sa presyong nabanggit mo. Dalawang-daang beses na mas malaki, bale apat na daang piraso ng gintong dahon."
"Boss, sa tingin mo ay bata at wala akong karanasan kaya maaari mo akong apihin?" ngumiti si Chu Qiao at nagpatuloy, "Ginawa ko iyon para inisin iyong babae ngayon lang. Ngayon na wala na siya, hinihingan mo pa rin ako ng ganon karaming salapi? Nagbebenta ka ng alipin hindi batang prinsipe."
Natigalgal si Boss Mu. Kimi siyang tumawa at sinabi, "Kung gayon ay magbigay ka ng presyo."
"Dalawang pirasong gintong dahon katulad ng napagkasunduan niyo."
"Ano?" natigilan si Boss Mu. Nakasimangot niyang sinabi, "Dapat ay ibinenta ko siya sa babaeng iyon. Bakit ginalit ko siya para sayo? Kailangan mong magdagdag ng kaunti pang salapi."
Nanuya si Chu Qiao at naghandang umalis. "Bahala ka. Kung hindi mo siya ibebenta sa akin, pwede mong hanapin yung dati mong mamimili."
"Hoy! Sandali, sandali!" napabuntong-hininga si Boss Mu at sinabi, "Pumapayag na ako."
Napabuntong-hininga sa ginhawa si Liang Shaoqing. Ngunit bago pa siya makangiti, naglabas ng nakakagulat na rebelasyon. "Ngunit boss, hindi ako nakapagdala ng salapi ngayong araw. Paano kung ganito? Bibigyan kita ng IOU at babayaran kita pagkatapos."
"Ano?" lahat nang nasa lugar na iyon ay natigilan. Nagalit si Boss Mu. "Young Master, tigilan mo ang pagbibiro sa akin. Matanda na ako. Higit 20 taon na akong nakatira sa syudad na ito at hindi pa ako nakakakita ng mamimiling gaya mo." Sigaw niya.
"Hoy! Hoy!" bulong ni Liang Shaoqing, "Anong ginagawa mo? Magbayad ka na!"
"Naubusan ako ng salapi." Tumingin si Chu Qiao at sinabi, "Kung hindi ka naniniwala sa akin, pwede mong tignan ang dalahin ko. Nagastos ko na lahat. Sinong may sabi sayong tanggihan ang salapi ko?"
Namutla si Liang Shaoqing. Bumulong siya sa nakakaawang tono, "Ano nang gagawin natin?"
"Wala nang ibang pagpipilian. Ito nalang ang magagawa ko."
Naghandang magtanong si Liang Shaoqing kung ano ang gagawin niya. Subalit, inilabas ng dalaga ang kanyang matalas na patalim. Mabilis niya itong iniamba sa leeg ni Boss Mu na tumatawa, "Inalok kita ng IOU ngunit tumanggi ka. Ngayon, wala akong pagpipilian kung hindi harap-harapan kang nakawan."
Nanginig ang ngipin ni Boss Mu. "Napaka...napaka pangahas!"
"Hindi ko alam kung gaano ako katapang. Subalit, Boss Mu, matapang ka. Sa pagtutok ng kutsilyo sa iyo, mahusay ka pa rin magsalita."
"Pakawalan mo ang amo namin!" ang kumpol ng taong nanonood sa palabas na ito ay dumami. Ngumiti si Chu Qiao at tumingin sa paligid tapos ay bumulong sa tainga ni Boss Mu, "Sa estado mo, karapat-dapat bang mamatay sa halagang dalawang piraso ng gintong dahon?"
Humiwa sa leeg ni Boss Mu ang patalim at may tumutulong dugo ang sugat na iyon. Ang nagbebenta ng alipin na higit sa 60 taong gulang ay matinis na sumigaw.
"Manahimik ka!" sinipa ni Chu Qiao sa binti ang lalaki. Napasimangot siya at sinabi sa malamig na tono, "Pakawalan mo siya!"
"Madali! Pakawalan siya!" isa lang itong maliit na sugat ngunit masidhi na umiiyak si Boss Mu.
Napansin ni Chu Qiao ang kawan ng kabayo sa tabi ng hawla na pag-aari ni Boss Mu. Sa isang iglap, tumalon ang dalaga at sinipa sa dibdib si Boss Mu. Hawak-hawak niya si Liang Shaoqing na sumakay sa likod ng kabayo. May halinghing na lumayo siya sa distansya!
"Madali! Sundan sila!" histerikal na sigaw ni Boss Mu ngunit hindi na sila makita. Sa mahabang malamig na gabi, bumalik ang kapayapaan.
Sa sira-sirang templo sa labas ng syudad, nakaupo si Liang Shaoqing sa tuyong dayami. Inalok siya ni Chu Qiao ng tuyong rasyon na nasa lalagyan niya at tumawa. "Kumain ka ng kaunti."
Hindi tinanggap ni Scholar Liang ang pahayag niya. Hindi rin siya pinuwersa ni Chu Qiao bagkus ay inalok siya ng ilang salapi at sinabi, "Aalis ako bukas. Magkaibang landas ang tatahakin natin kaya hindi na kita maililigtas pa kung masali ka sa gulo. Kunin mo na itong mga salaping ito."
Napakunot si Liang Shaoqing at nagtanong, "Hindi ba't naubusan ka na ng salapi?"
"Sinong nagsabi?"
"Ikaw mismo ang nagsabi sa may pamilihan."
Napataas ang kilay ni Chu Qiao at sumagot, "Mayroon akong salapi ngunit hindi madami. Ganito nalang ang naiwan sa akin. Kung ibibigay ko ito sa kanya, anong mangyayari sayo?"