Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 281 - Chapter 281

Chapter 281 - Chapter 281

Pagkaalis ni Yushu, nagsimulang umubo si Nalan. Ang ilang nagtatrabahong manggagamot ay nagmamadaling tumakbo papunta sa palasyong Zhaoyang upang kuhanin ang kanyang pulso at magtimpla ng gamot, nanatiling abala sa loob ng higit apat na oras. Isang matinding amoy ng mga halamang gamot ang nagtagal sa palasyo. Nahiga si Nalan Hongye sa kanyang higaan habang patuloy siyang walang tigil sa paghingal na nagaganap simula pa kaninang umaga. Ang kulay sa kanyang mukha ay nawala na.

"Ginang Emperatris, narinig ko na nananatili sa palasyong Qinglu ang Kamahalan ngayong gabi. Walang sinuman ang nasa tabi niya upang paglingkuran siya."

Inilapit ni Nalan ang kamay sa kanyang dibdib. Mahina siyang nagtanong, "Hindi ba't nasa palasyong Qinglu si Lady Cheng?"

"Hindi. Dumating ang regla ni Lady Cheng. Nagpapalakas siya sa Hongfang."

Tumango si Nalan at nag-isip sandali bago sumagot, "Lumalamig ang panahon. Humayo ka at sabihan si Cao Qiu at ang natitirang mga alipin upang maging mas mapagbantay. Huwag hayaang magkasakit ang Kamahalan."

"Masusunod."

Habang naghanda si Wen Yuan na umalis, binuka ni Nalan ang kanyang bibig at sinabi, "Kalimutan mo na. Hindi na kailangang pumunta pa." Pagkatapos, tumalikod siya upang harapin ang loob na bahagi ng silid. Ang kanyang malambot na tinig ay bahagyang narinig, "Hindi na kailangang gisingin ako para sa hapunan. Gusto kong matulog."

"Masusunod, Ginang."

Limang taon na mula nang itinatag ni Yan Xun ang kanyang imperyo. Tulad ng maraming mga emperador dati, ang likod na palasyo ay nagsimulang mabuhay. Hindi mabilang na mga magaganda ang dumaloy sa palasyo; ang ilan ay payat, ang ilan ay mukhang malamig, ang ilan ay edukado, at ang ilan ay kaibig-ibig. Tila lahat ng mga magaganda sa mundo ay nagtipon sa palasyong ito na nanatiling buhay na buhay.

Sa kasamaang palad, hindi maaaring magbuntis si Nalan Hongye, kahit apat na taon na siyang nasa loob ng palasyo. Sa halip, ang ibang mga kerida ang nakagawa nito; ang kapatid ni Cheng Yuan na si Lady Cheng, ay nagsilang ng isang pares ng kambal. Ang kanyang katayuan ay tumaas hanggang sa puntong ito ay sapat na upang magdulot ng banta sa kanya.

Para sa lalaki, matagal na siyang hindi pumapasok sa palasyong Zhaoyang. Kung hindi para kay Yushu, na dinala dito si Yong'er, hindi siya bibisita ngayon.

Nang lumubog ang araw at umakyat ang buwan, isang pares ng pulang kandila ang maliwanag na nagliliyab sa silid. Si Nalan Hongye, na naging buto't-balat nalang, ay yumukyok sa kanyang kumot habang walang tigil siyang umuubo. Marahil, matagal na siyang tumigil sa pag-iisip tungkol doon.

Anim na taon na ang nakalilipas, sa araw kung saan nagtagpo ang iba't-ibang imperyo sa ilalim ng pass, ang balita ng kapanganakan ng batang prinsipe ng Qinghai ay kumalat sa West Meng. Dahil naapektuhan ang kalusugan ng batang prinsipe habang siya ay nasa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina, ito ay halos patay nang isinilang. Ang buhay ni Chu Qiao ay nakabitin din, dahil sa kanyang hindi magandang kalusugan. Ang pag-ibig ng hari ng Qinghai para sa kanyang asawa ay kilalang-kilala, mula sa katotohanan na binitawan niya ang pagkakataon na labanan si Yan Xun upang masakop ang mundo, para sa kanya.

Nagpalabas ng abiso ang Qinghai, nangangako ng malaking gantimpala para sa sinumang manggagamot na magagawang iligtas sila. May sabi-sabi na si Ginoong Qingzhu mula sa Maoling ay may kapuri-puring kahusayang medikal, ngunit tumanggi siyang pumasok sa Qinghai sa batayan na ito ay isang barbarong teritoryo. Ang hari ng Qinghai, sa gitna ng alyansa sa pagitan ng Yan Bei at Song, ay pinangunahan mismo ang 3,000 piling mandirigma palabas ng Cuiwei Pass patungong Maoling upang dakipin si Ginoong Qingzhu. Sa huli, ang buhay ni Chu Qiao at ng kanyang anak ay nailigtas.

Ang araw na kumalat ang balitang ito ay ang araw ng kanilang kasal, na ayon sa kanyang kagustuhan, kung saan itinago niya sa kanyang puso sa loob ng maraming taon. Binuksan niya ang paanyaya upang makita ang kanilang mga pangalan sa tuktok, na isinulat mismo ng lalaki.

Yan Xun, Nalan Hongye.

Ang kanilang mga pangalan ay magkatabi, sa bawat linya na maingat isinulat. Ang kanyang mga daliri ay humaplos sa buong sulat ng paanyaya, tumitigil sa pariralang, "Hinihiling para sa mag-asawa ang walang hanggang pagsasama at pagkakaisa". Ito ay isang simpleng pariralang pagbati, ngunit naging sanhi ito upang mapaluha siya.

Nang gabing iyon, pareho silang nagsagawa ng piging sa palasyong Hehuan. Ang mga puno ng almendras sa bakuran sa labas ay namumulaklak; nang umihip ang hangin, pula at kulay rosas na mga talulot ang kumalat sa lahat ng dako. Nakaupo ito sa harap niya, isang mahinahong hitsura ang nasa mukha nito. Puno siya ng mga salita, ngunit hindi siya masyadong nagsalita. Hindi siya mukhang bastos, ngunit hindi din masyadong malapit.

Gustong ibunyag ni Nalan Hongye ang kanyang nakaraan, na matagal na niyang itinago ngunit nag-atubili siya dahil sa malamig na tingin sa kanyang mukha. Nang sumapit ang gabi, naghanda itong umalis. Desperado, binuksan niya ang kanyang bibig upang magsalita ngunit naantala ng personal na gwardya nito, na nagsabi sa kanya tungkol sa ilang kagyat na mga bagay sa militar na dapat niyang daluhan.

Ang hari ng Qinghai ay malapit na sa Maoling.

Agad nagbago ang malamig na ekspresyon ni Yan Xun habang iniutos niya na magtipon ang hukbo sa paligid ng Maoling. Ang layunin ay upang hadlangan ang hari ng Qinghai sa loob ng isang araw. Gayunpaman, bago makalabas ng silid ang kanyang gwardya, pinigilan niya ito. Nang suminag ang papalubog na sikat ng araw sa kanyang mukha, inunat niya ang kanyang kamay sa gitna, may postura kung saan nais niyang magsalita, ngunit hindi ginawa. Ang mga talulot ng bulaklak ng almendras ay panandaliang nagtagal sa ere, bago nahulog sa lupa.

"Kalimutan mo na," ibinaba niya ang kamay at bumalik sa kanyang mahinahong postura.

"Kalimutan na?" natigilan ang gwardya at wala sa isip na sumagot.

Marahang itinaas ni Yan Xun ang kanyang kilay, hindi nagsalita. Malamig na umikot ang kanyang titig sa mukha ng gwardya. Lumuhod ang gwardya sa sahig, takot na takot. Pagkatapos, mabilis siyang lumabas ng silid.

Habang nagdidilim ang kalangitan, tumalikod si Yan Xun at ngumiti kay Nalan Hongye, na binigyan siya ng isang piraso ng kawayan na nakakain. Pagkatapos, sinabi niya, "Kumain ka ng marami nito, mabuti ito para sa iyong katawan."

Dahil marami nang pinagdaanang hirap at ginhawa sa buong buhay niya, perpekto niyang nalinang ang kanyang mahalagang espiritu. Tumango siya bilang tugon, "Salamat, Kamahalan." Bagaman ang tagpong ito ay hindi mahalaga at mabilis na nakalimutan ng ibang tao, malinaw niya itong naaalala.

Nang gabing iyon, sa ilalim ng lumulubog na araw, isang realisasyon ang napagtanto niya. Gayunpaman, iyon lamang ay tinanggi niyang kilalanin ito ng maraming taon.

Isang mababang tunog ng pag-ubo ang umalingawngaw mula sa loob ng palasyo. Si Wen Yuan, na nasa labas na palasyo, ay naglagay ng ilang sangkap sa palayok ng insenso at marahang sumimangot.

Maganda ang liwanag ng buwan sa labas. Ang taglamig sa Zhen Huang ay malapit nang muli.

Dahil nakaidlip si Yushu sa araw, hindi siya nakaramdam ng pagod sa gabi. Nagsuot siya ng manto at kumuha ng lampara, naglakad tungo sa silid ni Yong'er. Siya ay masunuring bata habang siya ay nananatiling natutulog, hindi sinipa sa gilid ang kanyang kumot. Ang kanyang bibig ay bahagyang gumalaw na parang may kinakain siya sa kanyang panaginip.

Umupo si Yushu sa tabi ng higaan nito. Ang hangin ay tahimik; ang usok mula sa palayok ng insenso ay pabilog na umaakyat. Inunat niya ang kanyang kamay upang hawakan ang mukha ng kanyang anak ngunit nag-atubili siya dahil ayaw niyang maging dahilan upang magkasakit ito. Inihaplos niya ang kanyang mga daliri sa noo nito at ngumiti.

Ang tambol upang ipaalam ang kalagitnaan ng gabi ay tumunog. Nakaramdam siya ng kapayapaan.

Tumayo siya at naglakad palabas ng silid, sinara ang pintuan sa likuran niya. Nang tumalikod siya, nakita niya ang liwanag ng kandila sa silid.

Sa sandaling iyon, natigilan siya.

Tulad ng libu-libong oras dati, tumayo siya doon nang tahimik at nagmasid.

Limang taon na rin. Humupa na ang alikabok; ang mga opisyales ng korte ay nakalimutan na ang tungkol sa kanya. Maging ang mga sibilyan na nanirahan sa tabing dagat, na dati siyang ipinapanalangin, ay pinalitan ang kanyang tableta sa kanilang mga altar para sa kanilang sariling pamilya.

Nakalimutan na ng lahat ang tungkol sa kanya, ang kanyang mga nagawa, kanyang mga kontribusyon, kung ano ang hitsura niya, at ang mabigat na presyong binayaran niya para sa kanyang bansa. Siya lamang ang taong nagsisindi ng kandila tuwing gabi sa silid nito ng pag-aaral, bilang pag-alaala sa kanya.

Hindi siya naglakas-loob na lumapit sa lalaki, tulad noong buhay pa siya. Iniabot pa nga niya ang sabaw na inihanda niya mismo sa mga katulong.

Sinabi nito na mayroon siyang mga bagay ukol sa bansa na dapat niyang daluhan, hinihiling na huwag maistorbo. Naniwala siya dito.

Sinabi nito na mayroon siyang kagyat na mga bagay sa militar na dadaluhan, hinihiling na huwag magambala. Naniniwala siya dito.

Sinabi nito na magiging abala siya hanggang sa kailaliman ng gabi, kaya matutulog siya sa kanyang silid na pag-aaral. Sinabi nito na huwag siyang hintayin. Naniniwala siya dito.

Isa siyang hangal na babae. Kahit na ano ang sabihin ng kanyang asawa, naniniwala siya dito. Gayunpaman, nais niyang magsalita minsan, magrereklamo tungkol sa pagtrato sa kanya, na hindi naiiba sa isang alipin. Nais niyang sabihin dito na siya ay asawa niya at hindi isang tagalabas. Nais niyang sabihin sa kanya na gabing-gabi na siyang natutulog tuwing gabi; hindi nito kailangang mag-alala na magigising siya. Gayunpaman, hindi siya nagsalita. Marahil, nahihiya siya.

Kung kaya, umupo siya sa tabi ng bintana at tiningnan ang kanyang maliwanag na silid ng pag-aaral, hanggang sa mapatay ang mga ilaw. Saka lamang siya makakatulog nang payapa. Minsan, naisip niya sa kanyang sarili: Masasabi din ba ito na matutulog na magkasama? Gayunpaman, habang iniisip niya ang mga bagay na ito, ang kanyang mukha ay namula sa kahihiyan.

Sa tuwing babalik siya sa kanyang tahanan, sasabihin sa kanya ng kanyang kapatid na ang kanyang asawa ay mayroong iniibig sa labas ng kanilang kasal. Galit siyang tutugon sa pagtatanggol dito, hindi pinahihintulutan ang sinuman na siraan ang kanyang asawa. Gayunpaman, dahil sa kanyang kawalan ng kakayahan na magsalita ng mahusay, hindi niya nakumbinsi ang kanyang mga kapatid. Dahan-dahan, pakaunti nang pakaunti ang pagbalik niya sa kanyang tahanan.

Alam niya na mayroong siyang pinakamahusay na asawa sa buong mundo. Siya ay matuwid, mabait, talentado, may respeto, edukado, at matulain. Hindi siya umiinom sa bahay, at hindi rin nagpapakalasing sa labas habang nakikihalubilo. Hindi siya kumuha ng pangalawang asawa ni nagbisyo. Siya ang pinaka kilalang komandante sa militar. Pinabayaan siya nito dahil sa kanyang abalang gawain minsan, ngunit ano naman? Kumpara sa kanyang ina, mga kapatid na babae, at mga kerida na nakikibahagi sa kanilang panloob na pulitika, mas maganda ang kanyang buhay kaysa sa kanila.

Siya ang kanyang asawa, ang kanyang langit, at ang kanyang mundo.

Hindi ba dapat siyang magtiwala sa kanya, ingatan siya, at maghintay para sa kanya? Paano niya mapaghihinalaan, sisiraan, o makakaramdam ng kawalang-kasiyahan sa kanya?

Bukod dito, sa kabila ng kanyang pagkamatay, patuloy siyang nagsasaya sa kanyang pamana. Ang pinakamahalaga, iniwan nito ang kanilang anak, na siyang pinakamahalagang bagay sa kanya.

Walang dapat ikalungkot.

Inosente siyang ngumiti. Hinila niya ang kanyang manto at kinausap ang sarili, "Bibili ako ng ilang papel para sa bintana bukas. Lumalamig na ang panahon. Dapat palitan ko na ang mga papel sa silid ng pag-aaral."