Umangat ang apoy sa himpapawid na para bang kumukulo ang dugo sa lupa. Nagbukas ang kalangitan, pinakawalan ang ulan ng dugo, hinukay ang tanawin at pinatid ang mga karagatan na para bang natamaan ito sa puso ng isang gintong palaso. Ang lupain ay naging isang panunaw na pugon na inuubos ang bawat nabubuhay sa loob, para bang bumangon mismo ang impyerno mula sa kailaliman.
Sa walang hanggang kadiliman, mabilis na kumislot ang kanyang mga mata. Habang nagsimula siyang mabalot ng dugo, ang nakikita lamang niya ay itim na itim na baluti ng mga sundalo, ang matalas na talim ng mga espada, ang buwan sa kadiliman at ang mapanglaw na tanawing nababalot ng nyebe. Habang ang mga patay ay nagsimulang bumagsak tulad ng mga domino at magpatong-patong sa kapaligiran, nagsimulang magpaikot-ikot sa kalangitan ang mga buwitre, ang kanilang mahahabang kuko ay naghihintay na dakmain ang mga katawan. Umihip ang hangin sa kapaligiran, ang buhangin dito ay hinahampas ang lahat na kasing talas ng kutsilyo, habang ang tunog ng pagpatay ay pumuno sa tanawin.
Ang tunog ng mga pandigmang tambol ay mas lumakas, at nang nagsimulang bumuhos ang mga kaaway mula sa lahat ng direksyon, yumanig ang lupa mula sa pagpapanakbuhan ng mga kabalyero, ang mga ulap na sumasakop sa kalangitan tulad ng isang galit na dragon na umaakyat sa ibabaw ng mundo.
"Patayin!"
"Patayin! Patayin!"
"Patayin! Patayin! Patayin!"
Biglang nagmulat ang kanyang mga mata nang agad naputol ang kanyang panaginip. Nag-iisa, nakagiha siya sa kanyang higaan kung saan ang laki ay mas malaki kaysa sa karaniwang silid. Ang itim na itim na satin ay pinapatingkad ng mga disenyo ng gintong dragon, kung saan ang mga makintab na mga hibla ay sinasalamin ang liwanag sa madilim niyang silid. Kahit na may pawis na tumutulo sa kanyang leeg mula sa kanyang mamasa-masang noo, nanatili siyang parehong hindi gumagalaw at tahimik.
Ang katahimikan nang gabing iyon ay ganap na nakakabingi. Walang anumang pagsasalita, anumang huni ng kuliglig, kahit na ang paminsan-minsang bugso ng hangin. Ang lahat nang naririnig ay ang kanyang matatag ngunit mabibigat na paghinga habang nanatili siyang nakahiga sa higaan. Gayunman, kahit na sa pinakamahabang gabi, darating ang pagsikat ng araw. Ang kanyang talento ay ang katangian ng pagpapaubaya. Ito ay pareho sa nakaraan, sa ngayon, at sa hinaharap.
Bigla, mayroong kulay ng pulang ilaw na nagniningning sa mga bintana. Napasimangot si Yan Xun at tumingin, para lamang marinig ang tunog ng agarang mga yapak na nagmumula sa labas ng bakuran.
"Anong nangyayari sa labas?" Ang kanyang boses ay medyo tuyo ngunit kalmado pa rin.
"Kamahalan, nagkaroon ng sunog sa palasyong Changle. Ang departamento ng sunog ay pumasok sa bakuran at sinusubukang puksain ito." Ginawa lamang ng gabi ang kanyang malambot ngunit matalim na tono na higit na nakakaginaw.
Umupo si Yan Xun sa kanyang higaan, tahimik na nakatingin sa anino ng mga puno sa labas ng bintana, bago kusang-loob na naglalakad palabas ng kanyang silid na nakapaa. Higit sampung katulong ang nagmamadaling lumapit sa kanya sa natatarantang paraan, tinutulungan siyang isuot ang kanyang matingkad na dilaw na roba at bota. Nang naglakad si Yan Xun patungo sa palasyong Changle, nagmamadaling tumawag ang pinunong tagasilbi niya ng maraming gwardya upang samahan siya. Habang may hawak ang bawat isa sa kanila ng lampara at sumunod sa kanya, isang maliwanag na landas ang nabuo habang ang papalapit sila sa palasyong Changle.
"Hampasin sila! Hampasin sila hanggang sa mamatay!" Ang boses ng mga gwardya ay maririnig bago pa man sila makarating sa palasyong Changle.
Hindi nababahala, sinundan ni Yan Xun ang isang kanal patungo sa bakuran, para lang makita ang ilang mga opisyales ng palasyo na nakapalibot sa ilang mga bata sa ilalim ng liwanag ng buwan. Lahat ng mga bata ay nakadiin sa barandilya at paulit-ulit na hinahampas ng mga gwardya, ang kanilang pantalon ay punit na habang nakalantad na hilaw na laman. Ang nauna nilang sigaw ay natahimik, habang nagsimulang tumulo ang dugo sa semento sa ibaba.
"Sinilaban ko ang lugar na ito! Patayin niyo ako kung kaya mo!" isang payat na bata ang biglang sumigaw, ang kanyang mga paa ay nakakahindik nang pinalo hanggang hindi makilala. Gayunpaman, sa kabila ng nakapangingilabot na estado ng kanyang katawan, kalmado ngunit matigas ang ulo niyang sumigaw, "Ang tanging pagsisisi ko lamang ay hindi ko nasunog lahat kayong kalait-lait na mula sa Yan Bei!"
Ito ang mga bata mula sa nakaraang dinastiya. Matapos sakupin ng hukbong Yan Bei ang rehiyon, ang mga pamilya at mga tribo ng Xia na hindi nagawang makatakas ay pinatay lahat. Ang mga bata lamang ang nakaligtas sa maramihang pagpatay. Pagkatapos ng lahat, sila ay nasa pagitan lamang ng lima hanggang anim na taong gulang, at kahit na ang pinaka mabangis na sundalo ay nagsimulang lumambot ang puso matapos pumatay ng ilan. Tapos ay hindi nakaya ng mga sundalo na patayin silang lahat. Gayunpaman, sinong makakaisip na babalik ang mga batang ito upang maghiganti?
Ang palasyong Changle ay tahanan ng isang kagandahan mula sa Xinjiang, na may apelyidong Yu. Kinansela niya ang kanyang mga plano sa huling minuto, binanggit ang katotohanan na pagod siya.
Pagkapoot ang talagang pinakamatagal na bagay sa mundo. Ang bakal ay maaaring mabuo muli ng apoy habang ang yelo ay maaaring matunaw ng araw, ngunit tila walang paraan upang burahin ang poot.
"Kamahalan," lumuhod sa lupa ang pinuno ng mga tagasilbi, ang kanyang likod ay nanginginig. Hindi siya sigurado sa takot na nararamdaman niya, tanging nilalamon siya nito at wala siyang magawa upang mapigilan ito.
"Bumalik sa palasyo," saad ni Yan Xun nang sumulyap siya sa kaguluhan bago tumalikod.
Ang gabi ay kasing dilim pa rin ng tinta mula sa kanilang mga panulat. Nang mawala ang kanyang anino sa kadiliman, isang malumanay na simoy ang humangin, tinatampok ang katahimikan, ang hiyaw at mura sa mga bata na umaalingawngaw sa hangin.
"Igaganti ko ang aking ina!"
"Masamang tampalasan ng Yan Bei!"
"Mamatay kayong lahat dahil dito!"
"Magbabalik ang aming hari! Pagsisisihan mo ito!"
...
Habang nagpapatuloy ang gabi, isang patong ng yelo ang nagsimulang bumalot sa gamit ng sundalo sa taguan ng sandata, habang nagsimulang sumipsip sa tarangkahan ng palasyo ang dugo. Ang putol na katawan ng mga bata ay agad na itinapon sa maramihang libingan at iniwan sa awa ng mga mabangis na aso.
Mayroong ilang himala sa mundong ito. Ang paghihirap ng katotohanan ay nangangahulugang maraming nabuhay at namatay sa kailaliman ng poot, samantalang ang mga nagawang tumingin sa tamang bahagi ng mga bagay ay hindi palaging nakakamit ng kaligayahan. Gayunpaman, mas maganda nang mabuhay kaysa sa mamatay.
Tahimik siyang nakaupo sa harap ng bintana, nakasuot ng jade na daliri sa naputol niyang daliri, ang kanilang pagkakaiba sa laki ay humahantong sa isang malaking puwang ng hangin sa pagitan nila. Kahit sa tahing gawa sa gintong sinulid, ang sirang jade at ang lumang hitsura nito ay nangangahulugang walang halaga ang epekto nito; walang pupulot dito kung itatapon ito sa bangketa.
Gamit ang kanyang palad, marahang hinaplos ni Yan Xun ang magaspang na ibabaw ng jade, ang matigas na ibabaw nito ay gumagawa ng kaunting tunog habang kumukuskos ang parehong ibabaw sa bawat isa. Nang tumingin siya sa mga nakaukit na disenyo, isang malabong repleksyon niya ang lumitaw sa kumikinang na ibabaw.
"Kahit anong pagsisisi?" Malamig na tumawa si Yan Xun.
Ang mga emosyon ng kahinaan, takot, o tulad ng sinabi ng mga batang iyon, pagsisisi, ay mga emosyong hindi pinapayagan ni Yan Xun na mapasuko siya, dahil wala silang silbi maliban sa kasuklaman niya. Ang mga emosyong iyon ay nagsisilbi lamang na pandirihan niya, at wala nang iba pa. Ang kanyang mga hangarin ay nakamit na, habang ang paghihiganti ay nagawa na. Ngayon, ang nais niya lang ay magbigay at tumanggap ng kabutihan.
Mayroon bang anumang pagsisisi?
Nang ipinikit niya ang kanyang mga mata, isang malayong sinag ng araw ang tumagos sa linya ng punong kahoy at tungo sa kanyang pasilyo, tapos ay tumama sa kanyang mukha. Ang palasyo, na gawa sa kahoy na itim at obsidian, ay mukhang makapigil-hiningang nakamamangha sa ilalim ng mga sinag ng madaling araw.
Ang dugo ng Yan Bei at ng pamana nito ay nasa kanyang mga ugat, samantalang matagal na niyang pinangarap na pamunuan ang kanyang mga pwersa sa Zhen Huang. Paano niya ito pagsisisihan?
Itinaas niya ang kanyang ulo at tumingin sa malawak na tanawin, sa mga ibon na paikot-ikot na lumipad, isang malaking kaibahan sa maliit na piraso ng lupa na mayroon siya noong bata.
Pagsisisi? Kutya niya.
Sa ika-16 araw ng ikatlong buwan, isang kagyat na ulat ang ipinadala ng mga tagamanman mula sa mga probinsya sa Silangan, sinasaad na naharang nila ang isang pulutong ng mga rebeldeng sundalo, na may isa sa kanila na mukhang kahina-hinala. Isang utos mula sa departamento ng kriminal ang ipinadala upang agad dalhin ang taong iyon sa kabisera.
Matapos ang kalahating buwan, iniharap siya, nakatali sa kanyang mga kamay at paa. Gayunpaman, sa kabila ng malubhang kalagayan, ang kanyang mga tampok sa mukha, tulad ng kanyang matangos na ilong, manipis na labi at kilay ay lalo lang binigyang-diin ang kanyang tikas.
Umupo si Yan Xun sa kanyang trono, tila walang-hanggan na nakatingin sa kanya. Sa halip, inangat ng lalaki ang kanyang ulo, may dugo sa kanyang mukha, at magaang ngumiti kay Yan Xun, para bang dati silang magkaibigan na kaswal na binabati ang bawat isa. "Prinsipe Yan, matagal na rin."
Prinsipe Yan... Isa itong pagbati na matagal niyang hindi narinig. Napaka kalmado, sumagot si Yan Xun, "Young Master Mu."
"Matagal na rin mula noong huling kita natin. Nagkaroon ka na ng reputasyon, Prinsipe Yan."
"Ganoon ba?" Malamig na sumagot si Yan Xun, "Ngunit wala ka."
Tumawa si Mu Yun bilang sagot, "Nabaligtad na ang sitwasyon. Nagbago na ang mga bagay, at sinundan ko ang daloy."
"Tunay na hindi madaling masiraan ng loob ang Young Master. Talagang isang kang matuwid na bayani."
Biglang tumawa si Mu Yun, umiiling. "Ang mga bayani ay matagal nang namatay. Iyong mga nakaligtas, ay naghahanap lamang ng isang buhay na puno ng paghamak at kahihiyan. Salamat sa pag-alis sa akin sa nakakahiyang pagdurusa na ito."
"Mukhang hindi na makapaghintay ang Young Master."
Marespetong yumuko si Mu Yun at sumagot, "Pakiusap tuparin mo ang aking hiling, Prinsipe Yan."
Biglang tumalas ang tingin ni Yan Xun. Ang titig na ito ay nakuha sa militar sa loob ng mahabang panahon. Gayunpaman, wala siyang nakita sa mga mata ng taong ito.
Habang ang kanyang mga pananakop ay nagdala sa kanya ng pamamahala sa lupain, isang bagay na hindi kailanman nito mapapamahalaan ay ang puso ng lahat. Matitigas na ulong mga kaluluwa na nagpumilit sa piraso ng lupa na kanyang nasakop.
Kaswal siyang kumilos, "Kung gayon ay hindi na kita ihahatid."
Tumawa si Mu Yun. Kahit na may sugat siya sa buong katawan, ang sopistikadong hangin ng aristokrasya ay nananatili pa rin sa paligid niya.
"Isang abalang tao si Prinsipe Yan. Hindi na kailangang sumunod sa akin."
Suminag ang sikat ng araw sa barandilya ng bintana, naglalagay ng anino sa lahat ng nasa loob nito.
Nakikipaglaban sa bawat isa sa kanilang kabataan, pareho nilang ipinagpatuloy ang kanilang laban sa isa't-isa para sa kanilang magkakaibang interes habang lumalaki sila. Sa huli, nakatayo siya roon habang pinapanood ang kanyang karibal na naglalakad sa plataporma ng pagbitay, bawat hakbang.
Nang bahagya niyang itinaas ang kanyang baba, isang banayad na bugso ng hangin ang umihip sa kanyang tainga. Para sa tila ay magpakailanman, nanatiling tahimik si Yan Xun, bilang isang alon ng kapaguran ang tumama sa kanya. Kahit na mula sa ganoon kalayo, naririnig niya ang mga patalim ng lamesa ng pagbitay sa Jiu You Platform na humihiwa pababa, ang matipunong katawan na nakahiga dito ay hindi na makatayo muli, ang walang takot niyang mata na habang-buhay nang nagsara.
Dignidad? Dangal? Pagkahari? Lipi? Paninindigan? Pananampalataya? Sa engrandeng pamamaraan ng mga bagay, anong kahalagahan ang kanilang dala?
Ang isa na hindi kailanman nahulog mula sa karangalan at nakipaglaban paakyat mula sa panga ng pagkatalo ay hindi kailanman maiintindihan kung ano ang pinakamahalaga sa kanila.
Ang kondisyong kailangan muna gawin sa lahat ng bagay sa buhay ay dapat na buhay ang isang tao upang magkaroon ng kahulugan ang kahit na ano. Samakatuwid, ang pananatiling buhay ay pinakamahalaga.
Nang imulat niya ang kanyang mga mata, binati siya ng mahigit isang daang opisyales na nakaluhod sa harap niya, ang pakiramdam sa bulwagan ay halos nakakasakal. Nakikita niya na ang ilan sa kanila ay nanginginig, lahat ito ay mula sa takot, marahil ang ilan ay mula sa poot, ngunit wala silang magagawa. Pagkatapos ng lahat, siya ang kataas-taasang pinuno ng lupain, na dapat sundin ng lahat. Ang katotohanang iyon lamang, ay sapat upang masiyahan siya.