Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 27 - Chapter 27

Chapter 27 - Chapter 27

Nanatiling nakatingin sa kanya si Yan Xun, ang mga mata ay nag-aapoy. Swabeng bumaba si Chu Qiao sa kabayo, hindi nahirapan ang kanyang maliit na katawan. Nang makababa na siya ng kabayo, tumingala siya sa kanya. "Aalis na ako, Yan Xun. Kahit na magkaiba ang mundong ginagalawan natin, maalala ko naman sa puso ko ang lahat ng pagkakataon na tinulungan mo ako. Kung dumating man ang panahon na kailanganin mo ang tulong ko, darating ako."

Hindi sumagot si Yan Xun pero may konting ngiti ang sumilay sa labi niya.

Kung titignan ang itsura niya, naghinala si Chu Qiao na may ibang nangyayari pero hindi na niya mas pinag-isipan ito. Nauubos na ang oras, walang magandang maidudulot sa kanya kung mananatili siya dito. Kahit medyo hindi umayon sa plano niya ang nangyari, ang biglang pagsulpot ni Zhuge Yue, pati ang mga sundalo ng pamilya Wei at ang kampo ng Dautless cavalry ay naalerto din. Pero, sa isang malaking syudad, tiwala siyang makakapagtago siya ng maayos.

Lumuhod ang bata at hinigpitan ang kapang suot niya. Nilingon niya sa panghuling pagkakataon si Yan Xun, tapos ay tumalikod at madaling tumakbo sa bakanteng kalye.

Agad namang may narinig na yabag ng kabayo sa likod niya. Bago pa man niya ito makita at malingon, ay may nag-angat ng maliit na katawan ni Chu Qiao. Maririnig ang malumanay na tawa ni Yan Xun sa likuran niya. "Hindi ka naniniwalang mapoprotektahan kita? Tara na! Babalik tayo ng Yan Bei ngayong gabi. Titignan ko kung ano ang magagawa ng heneral ng hukbo ng Wei at ang kampo ng Dauntless cavalry tungkol doon!" pagkasabi nito, malakas niyang ihinampas ang kanyang pamalo, at mabilis na sumulong sa gate ng syudad.

"Kamahalan!" gulat na napasigaw pareho si Feng Mian at Yan Shiqi.

"Shiqi, kuhanin mo ang ating mga tauhan at sundan niyo ako palabas ng syudad."

Sumipol ang panghilagang hangin at binalot ng nyebe ang kalangitan. Higit sa isandaang mangangabayo ang nagmamadaling dumaan sa lansangan at malaking parte ng mga residente ng syudad ng Zhen Huang ang nagising sa kanilang pagkakahimbing. Ngunit wala ni isa sa kanila ang nakakaalam ng nangyari ng gabing iyon. Maingat nilang hinigpitan ang sarado ng kanilang mga bintana, takot na madamay sila sa gulo.

Pinatigil ni Yan Xun ang kabayo niyang pandigma, tapos ay nagtaas ng kamay upang patigilin ang mga gwardya ng Yan na nakasunod sa kanya. Bahagyang nagtaas ng tingin ang batang prinsipe, malamig na tinignan ang mga hilera ng sundalo sa kabilang banda. Umabante pasulong si Yan Shiqi. "Kami ay sundalo ng kamahalan, ang prinsipe ng Yan Bei, na si Yan Xun. Sino kayo at bakit ninyo hinaharangan ang aming daraanan?" malakas niyang sigaw.

"Ako, ang Major General ng hukbo sa kampo ng Dauntless cavalry sa north barricade ay nautusang isarado ang daan na ito." Isang boses ang maririnig sa may harap niya.

Kumunot ang noo ni Yan Xun. "May hawak akong utos galing sa imperyo ng Sheng Jin palace! Sinong lapastangan ang naglakas loob na humarang sa dadaanan ko?" ipinakita niya ang hindi pagkatuwa sa nangyayari.

"Ang malas naman." Isang malumanay na boses ang mabagal na nagsalita. Hindi kalakasan ang boses, ngunit sa tahimik na gabi ay tumatagos ito sa tainga at napakalamig.

Isang batang lalaki na nakasuot ng ink-green silk robes ang pumunta sa harap ng tumpok ng mga tao. Bahagyang ngumiti ito at dahan-dahang sinabi, "Prinsipe ng Yan, malas mo, may hawak din akong utos ng imperyo galing sa palasyo ng Sheng Jin. Ngayong gabi, walang makakalabas sa syudad. Kung sino man ang susuway doon ay..." sinadya ng bata na sandaling tumigil, ang mga mata ay taas-babang tinignan si Yan Xun. Tapos ay ngumiti saglit habang sinasabi ang susunod na mga salita niya, "...papatayin ng walang tawad."

"Wei Jing?" tumaas ang kilay ni Yan Xun. Isang normal na kabayo ang nasa likod nito, pumunta din sa harap si Chu Qiao. Gamit ang kamay na may hawak ng pamalo, tahimik na inangat ni Yan Xun ang kamay niya. Hinarangan nito ang dadaanan ni Chu Qiao at hindi hinayaang makita. Suot ang uniporme ng gwardya sa Yan, nakaramdan ng init sa puso niya si Chu Qiao. Iniangat niya ang ulo at diretsong tumingin sa likod ni Yan Xun. Kumalat ang init sa katawan niya, at sa lamig ng gabi tulad nito, pakiramdam niya ay sobrang mahalaga nito.

"Isa pa, kung tama ang naaalala ko, ang utos sa inyo kamahalan ay ang umalis bukas ng umaga."

"Namimiss ko na ang aking ina, ang reyna ng Yan. Aalis ako ngayong gabi." Singhal ni Yan Xun habang nakataas ang kilay nito.

"Ang pagiging mabuting anak ay maganda, ngunit sa tingin ko ay walang rason para magmadali kang ipakita ito, kamahalan."

"Patawad kung nakita mo akong ganito, batang Wei, ngunit ako ay bata pa at matigas ang ulo. Kung magdesisyon ako sa isang bagay, kailangan makuha ko agad ito. Kung hindi ay mahihirapan akong makatulog."

"Ganoon ba?" bahagyang ngumiti si Wei Jing, malambot ang boses ngunit nakakapanghina. "Kung gayon, ay isang walang tulog na gabi ang kakaharapin niyo kamahalan."

"Matapang ka, batang Wei!" ang batang utusan, na si Feng Mian, ay tumapak paharap at galit na sumigaw, "Kahit sa normal na pagkakataon, ang aking prinsipe ay may karapatang umalis ng syudad at mangaso kung saan man niya gustuhin, at walang sino man ang makakapagsalita tungkol doon, kahit ngayon. Kaninong awtoridad ang humahamon sa karapatan na ito?"

"sa awtoridad ng palasyo ng Sheng Jin!" isang mababang boses ang biglang narinig sa likuran nila. Tumalikod si Yan Xun at ang mga kasama niya, para lang makita nila na may dalawa pang hukbo ang nagmamartsa papunta sa kanila. Nakasuot ng mabalahibong itim na kapa si Wei Shuye, kasama si Zhuge Huai na nasa gillid niya. Ang kanyang mukha ay hindi na makikitaan ng kanyang kabaitan. Bagkus, ito ay nanlalamig at walang kahit anong ekspresyon.

"Sa utos ng imperyo, ang hari ng Yan Bei, na si Yan Shicheng, ay natagpuang nagpaplano ng rebelyon at pagtataksil sa imperyo at napatunayang nagkasala. Ang Major General na si Wei Shuye ay may espesyal na utos na hulihin ang tagapagmana ng hari ng Yan Bei, na si Yan Xun, at dalhin sa kustodiya ng Court of Judgement." Pagkatapos niya sabihin iyon, may kulay pilak na liwanag ang mahihinuhang kumislap sa gabi nang maraming espada ang tinanggal sa lalagyan nito. Nang may gulat na mga ekspresyon, agad na humarang ang mga gwardya ng Yan kay Yan Xun upang protektahan siya.

"Hoy!" tinanggal ni Chu Qiao ang crossbow sa kanyang bewang, tapos ay lumipat para tumayo sa gilid ng balikat ni Yan Xun. "Mukhang nandito sila para sayo."

Unti-unting nawala ang galit at gulat sa mukha ni Yan Xun. "Patawad at nadamay pa kita dito," saad niya habang hindi nawawala ang tingin sa kabilang banda.

"Ayos lang iyon." Ngumiti si Chu Qiao. "isang pabor para sa isang pabor. Oras na matapos ang labang ito, wala na akong utang sa iyo."

Mas madilim ang gabi ngayon. Malalakas na hangin ang bumugso galing sa Nine Realm Platform, ang nagwalis sa buong lansangan. Binaliktad nito ang dulo ng roba ng mga binata, pumagaspas ang kasuotan nila sa hangin na para bang gamogamo na lalapit sa apoy upang mamatay. Sa isang maulap na kalangitan, isang malaking, itim na avian ang lumipad sa gabi, ang mga pakpak ay pumapagaspas habang ito ay nagmamaniobra sa makapal, parang bulak na nyebe, at matinis na humuhuni. Sa Jiuwai Main Street, ang hininga ng mga kabayong pandigma ay agad na naging yelong hamog. Ang mga espada ay naglabas ng isang matingkad, at malamig na liwanag na humahati sa buwan at mga bituin. Kumislap sila laban sa kulay dugong sinag ng mga sulo, na parang mga mata ng halimaw.

Isa-isa, ang mga kasing lakas ng bakal na mga gwardya ng Yan ay nag-umpisang paulanan ng mga palaso. Puno ng dugo ang balikat, desperadong pinutol ni Yan Shiqi ang isa pang paparating na palaso, tapos ay umikot at malakas na sumigaw, "Protektahan ang prinsipe! Ialis niyo siya dito!"

Ilang gwardya ng Yan ang sumagot dito. Paikot nilang iwinasiwas ang kanilang sandata na parang gumuguhit ng bilog na buwan. Pinalibutan at pinrotektahan nila sa Yan Xun sa gitna.

Nang may malakas na dagungdong, isang maliit na catapult ang dinala sa labanan at maya-maya pa ay may bumabagsak nang malalaking bato. Hindi nagtagal, ang bilog ng mga katawang pumoprotekta sa prinsipe ay pwersahang nasira, ang dugo ng mga mandirigma ng Yan ay nagsitilamsik, ang mga nyebe ay nasiliparan nang ang mga katawan nila ay tumama sa lupa.

"Saan ka pupunta?" isang kamay niyang hinawakan si Chu Qiao, kung saan siya ay papasugod na sa laban na crossbow lang ang sandata at isang payat at mahinang katawan na hindi man lang nakakabahala. Balisa siyang pinrotektahan ng binata. "Gusto mo bang mamatay?" galit niyang sigaw.

"Bitawan mo ako!" Nagpumiglas si Chu Qiao, sinuri niyang mabuti ang kabilang kampo. At sa parehong sandali, pinipilit niya makawala sa hawak ni Yan Xun.

Sa isang hampas, pinutol niya ang isa pang palaso. Tumaas ang kilay nito katulad ng kanyang sandata. Galit siyang sumigaw, "tumatakbo ka tungo sa kamatayan mo! Hindi kita hahayaan."

"Maaaring may tyansa pa tayong mabuhay pag umalis na tayo ngayon," umikot si Chu Qiao, ang boses ay matigas. "Inaakala mo ba na mananatili ako dito at hihintayin ang kamatayan natin?"

Natigilan, ang mga mata ni Yan Xun ay bahagyang dumilim sa ilalim ng liwanag ng apoy. Malalim siyang nagsalita at mahihinuha ang kaunti na parang batang sama ng loob, "Isa-puso mo na kahit mamatay ako dito ngayon, hinding-hindi kita bibiguin."

Alam ni Chu Qiao na mali ang pagkakaintindi nito, ngunit napagpasyahang wag na ito ipaliwanag. Bagkus, tumalikod siya at gumawa ng kaunting harrumph na tunog.

"Shiqi," tawag ni Yan Xun, "mamaya, kapag naging magulo na, magsama ka ng ilang tauhan at dalhin siya sa isang ligtas na lugar, naririnig mo ba ako?"

"Prinsipe Yan!" napasimangot ang mukha ni Yan Shiqi habang nagprotesta ito, "Ang tungkulin ko ay protektahan ka!"

"Ang tungkulin mo ay gawin ang sinasabi ko!"

Nakasimangot na tinignan sila ni Chu Qiao. Nang makitang abala si Yan Xun, hinila niya ang kamay niya kumawala sa hawak niya. Bilang maliit at payat, nakakagulat na maliksi siyang sumakay sa kabayo at mabilis na lumabas sa bilog.

"Ikaw!" Dahil sa gulat, malakas na napasigaw si Yan Xun, at biglang ang mga mata ng parehong kampo ay nakatingin sa maliit na bata.

Magaling na sinakyan ni Chu Qiao ang kabayo. Parang isang tigre na nakawala sa hawla, humablot sya ng isang pares ng matalim na sandata sa dalawang gwardya ng Yan. Ang kanyang pagmaniobra ay nakakamangha. Hawak ang kanyang maliit na crossbow, kaliwa't-kanan niyang iginalaw ang katawan, tapos ay tumira sa iba't-ibang posisyon sa gilid at ilalim ng kabayo. Nang walang sapat na liwanag sa gabi, ang matalim, na lumilipad na mga palaso ay hindi man lang siya tinatamaan.

"Dali! Takpan siya!" nagsimula na din pumana si Yan Xun, at may tunog itong bumaon sa ulo ng kalabang mamamana. Bilang magaling sa archery at mayroong perpektong martial form, nakalapit siya sa kalaban sa ilang segundo lang.

Kahit mahina ang lakas, umatake si Chu Qiao sa mga tusong anggulo. May mabilis na mga mata at kamay, naipanalo niya ang mga laban gamit ang tapang at liksi. Napayagan siya nitong makasugod sa ranggo ng kalaban sa ilang minuto, kahit na masasabi ng may matalas na mata na marami pa siyang kailangan malaman sa martial arts. Iwinasiwas niya ang espada at tinamaan ang dalawang lalaki. Tapos ay nagtapon ng kutsilyo bago pa man makaatake ang kalaban niya. Tumagos sa lalamunan ng sundalo ng Wei ang sandata niya.

Nang makita ang pagkaagresibo sa maliit na bata, ang moral ng mga sundalo ng Yan ay tumaas. Nang makita ang oportyunidad, sumigaw si Yan Shiqi, "Sumugod tayo!"

"Isa lang kayong mga nagwawalang hayop na nahuli sa bitag, wala na kayong ibang alam!" malamig na singhal niΒ Wei Jing. Hawak-hawak ang pana, mabilis niyang hinila ang bowstring at nilagyan ng palaso. Kaagad, isang kulay pilak na liwanag ang kumislap nang napakawalan ang palaso at lumipad na parang isang bulalakaw.

Isang tunog ng hangin ang mabilis na papunta kay Chu Qiao, ngunit nang mapagtanto niya ito ay huli na ang lahat. Ihinilig niya ang ulo sa gilid at nakita ang palasong malapit na sa mata niya, at sa isang iglap, tinamaan ang mukha niya habang palihis sa gilid ang kanyang katawan, tapos ay bumagsak siya sa kabayo!

"Lass!" Tawag ni Yan Xun. Tumingin siya kay Wei Jing, ang mga mata ay nagliliyab sa galit at nanganganib na sunugin ang lalaki.

Suminghal ulit si Wei Jing, tapos ay nagsalita ng malakas, "Ang prinsipe ng Yan ay sumuway sa utos ng imperyo! Sundin niyo lahat ang utos ko, hulihin siya, buhay man o patay!"

Humiyaw ang hukbo ng Wei, tapos ay nagmartsa pasulong kasama ang sundalo sa kampo ng Dauntless cavalry. Biglang nagbago ang laban mula sa shooting battle patungo sa close range combat. Pasipang pinalipad ni Yan Xun ang isang malaking lalaki, ang kanyang three-footed na tansong espada ay pasayaw na nilinis ang dalawa pang lalaki na papalapit sa kanya.

"Yan Xun, nagtatangka ka bang magrebelde?" sigaw ni Zhuge Huai na makita ang ginagawa ni Yan Xun. Hindi siya sumali sa laban, bagkus ay inutusan niya ang mga sundalo ng Zhuge na manood at manatili sa labas ng sakop ng laban.

"Kung gusto mo talaga akong hatulan, hindi ba dapat ay humanap kayo ng bagay na ihahatol sa akin? Ni hindi ko man lang naisip na magrebelde, ngunit kung gagamitin ng pamilya Wei ang konseho ng Grand Elder para isakdal kami, wala kaming ibang magagawa kung hindi ipakita na ang mga taga Yan Bei Kingdom ay hindi isang baboy na naghihintay makatay!"

"Arrogant b*stard!" singhal ni Wei Jing. Habang tumatakbo pasulong, ikinumpas niya ang kamay at sinabing, "Kung gayon, wag mo akong sisihin kung makaligtaan ko ang mga panahong sabay tayong nag-aral."

Kaya lang nang mag-uutos na siya ng isang lahatang pag-atake, isang matalas, at nakakabinging tunog ang narinig niya. Naguguluhan, lumingon si Wei Jing para lang makita ang bangkay ng Army Major General sa Dauntless Cavalry Camp na nalaglag sa kanyang kabayo. Mulat na mulat ang mata ng lalaki, ang noo ay natusok ng isang palaso at ang bibig ay nakanganga na parang hindi makapaniwala. Ito ay parang may nais sabihin, ngunit hindi na niya nasabi pa.

Siya at ang general ay nasa labas ng shooting range, at ang tira ay hindi dapat makakalayo, saan nanggaling ang palaso?

Isang malaking problema ang dumating kay Wei Jing. Parang baliw na pinaikot niya ang kabayo niya at tatakbo na sana palayo nang ang kabayong pandigma niya ay umungol at napaluhod, ang mga binti ay mayroong kritikal na mga sugat. Nalaglag sa kabayo si Wei Jing. Bago pa man siya makatayo, isang malamig, at matalim na dagger ang mahigpit na nakadikit sa kanyang lalamunan. Ang malamig na boses ni Chu Qiao ang narinig niya ng direkta sa kanyang tainga, nang may kaunting hibla ng panunukso at pangungutya, "Ano nang nararamdaman mo ngayon, batang Wei?"