Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 235 - Chapter 235

Chapter 235 - Chapter 235

Nang umihip sa silid ang hangin, isang piraso ng dilaw na papel ang kumalat sa sahig. Ito ang papel kung saan isinusulat ng mga emperador ang kanilang imperyal na utos. Naglakad si Chu Qiao sa palasyo, tinapakan ang piraso ng papel na iyon. Kalmado siyang tumingin sa aninong nagtatago sa likod ng kurtina, sinabi sa mabigat na tono, "Nandito ako upang kunin ang buhay mo."

Tumawa si Zhan Ziyu at sumagot sa kalmadong boses, "Hindi ko inaasahan na ikaw yan."

"Hindi ko inaasahan na ang susunod nating pagtatagpo ay ganito. Isang kang bumagsak na tao noon. Upang makarating kung nasaan ka ngayon sa loob ng limang taon, hindi siguro ito naging madali."

Kalmadong nagpatuloy si Chu Qiao na walang ekspresyon ang tingin.

Muling tumawa si Zhan Ziyu at sumagot, "Sinusubukan mo bang aluin ako? Hindi na rin masama. Hindi rin madaling mapuri ng kilalang Heneral ng Xiuli."

Pinanatili ni Chu Qiao ang kalmado niyang kilos at nagtanong, "Mayroong ka bang huling kahilingan?"

Isang itsura ng kalungkutan ang dumaan sa mukha ni Zhan Ziyu. Napasimangot siya at nagagalit na sinabi, "Hindi ako makakaramdam ng katuparan kung hindi ko papatayin ang mga mapagkunwaring maharlika ng Tang na ito." nagpatuloy siya, "Heneral Chu, bakit pwedeng mamuno ang pamilyang Li sa bansang ito, pero hindi ako? Hindi ba't nakuha din ng pamilyang Li ang imperyong ito mula sa nakaraang namumuno dito? Bakit sila ang matuwid na pinuno ng bansang ito, habang ako ang rebelde?" isang mapagmataas na itsura ang nagsimulang makita sa mukha ni Zhan Ziyu. Bahagya siyang tumingin tungo sa bubong, isang itsura ng ambisyon ang nakita sa kanyang mukha. "At saka, binabawi ko lang ang utang ng pamilyang Li sa akin. Anong mali doon?"

Hindi nadala si Chu Qiao habang kalmado siyang nagpatuloy, "Personal mong galit iyon. Wala akong pakialam doon." Marahan siyang humakbang pasulong; ang tunog ng kanyang yabag ay kahalintulad ng tambol sa kalagitnaan ng gabi habang umaalingawngaw ito sa paligid ng pader ng palasyo.

"Pinatay mo iyong taong pinahahalagahan ko. Papatayin kita upang ipaghiganti siya." nang inilabas niya ang kanyang espada sa lalagyan nito, nagbigay ito ng nakakasilaw na kislap na pilak kung saan ay suminag kay Zhan Ziyu, nagpapatama ng puting sinag ng liwanag sa kanyang mukha.

"Ano pang sasabihin mo?"

"Pakawalan mo ang kapatid ko. Isa lang siyang babae. Ginawa niya ang lahat para sa kapakanan ko."

Tumingin si Chu Qiao sa kanya ng mahabang sandali tapos ay nagsimula siyang makaramdam ng bahid ng pighati sa kanyang puso. Umihip ang hangin tungo sa kanila mula sa malayo, humihila sa kanilang mga manggas.

"Pasensya na, hindi ko iyon magagawa."

Isang bulwak ng pulang dugo ang tumilamsik sa kulay itim na kasuotan ni Chu Qiao, nawala ang pulang kulay nito habang sinisipsip ng tela.

Yumuko si Chu Qiao at pinulot ang ulo ng lalaki mula sa sahig. Ang itim niyang buhok ay maayos na nakasuklay; ang kanyang kutis ay makinis. Ang kanyang ekspresyon ay malumanay, para bang nakatulog siya. makikita ang dugo kahit saan sa kanyangleeg, kung saan napugot ang kanyang ulo. Isa itong kahindik-hindik na paningin.

Swoosh! Itinapon ni Chu Qiao ang ulo sa kamay ng panibagong gwardya at ipinahayag sa mabigat na tono, "Isabit ang ulo sa tarangkahan ng palasyo at hayaang makita ng mga sundalo sa Central Army." Nang natapos niya ang kanyang sasabihin, naglakad siya palabas ng palasyong Lingxiao, sumakay sa kanyang kabayo, at inutusan ang mga tao sa kaliwa't-kanan niya, "Sa palasyong Roufu."

Hindi napansin na gumapang ang buwan sa ilalim ng patong ng mga ulap, binibigyan ang kapaligiran ng mapanglaw na itsura. Nang nagsimula nang tumahimik ang palasyong Lingxiao, umalis ang mga sundalong nakasuot ng baluti, iniiwan ang kumpol ng mga katawan. Ang mga uwak sa himpapawid ay naglabas ng huni nito; ang kanilang itim na pakpak ay tila sagisag ng kamatayan. Sa bakanteng palasyong iyon, ang walang ulong bangkay ay nakaupo ng tuwid sa gintong upuan na iyon, nagdadagdag ng takot sa atmospera.

Ang labanan sa palasyong Roufu ay nagtapos na noon. Sabay na dumating si Tie You at Sun Di, makikita ang mantsa ng dugo sa kanilang katawan, kung saan ay ipinapakita ang tindi ng labanan kanina. Tumalon pababa ng kabayo niya si Chu Qiao at sinabi kay Sun Di, "Naging mahirap sayo."

May tawang iniwasan ito ni Sun Di at sumagot, "Ayos lang. Pangit lang ang pagkain sa palasyo. Ang laki ng nawala kong timbang."

"Binibini, nahuli na namin si Concubine Zhan," pahayag ni Tie You sa mabigat na tono.

Tinaas ni Chu Qiao ang kanyang kilay at nagtanong, "Ayos lang ba ang emperador?"

Ginaya ni Tie You ang kanyang ekspresyon at sumagot, "Nabigla lang siya."

"Mabuti naman." Napabuntong-hininga sa ginhawa si Chu Qiao at nagpatuloy, "Kung ganoon ay bakit ka mapanglaw?"

"Pinatay ni Emperatris Yuan ang sarili niya. Nang pumasok kami, akala niya ay mga tauhan kami ni Concubine Zhan. Bago pa man kami makapagsalita, inihampas na niya ang sarili niya sa dingding at namatay."

Mahigpit na napakunot si Chu Qiao, hindi inaasahan ang pamilyang Yuan na magpakita ng ganoong antas ng kaduwagan. Hirap na hirap siyang gumawa ng landas na tatakasan ng mag-ina, ngunit namatay lang ng ganoon ang nanay, na hindi gumagawa ng ingay.

"Binibini," lumapit si Sun Di at ipinahayag sa mabigat na tono, "Pinatay ng magkakapatid na Zhan ang namayapang emperador at nakipagtulungan sa iba pang sindikato upang magplano laban sa kanya habang iniimbot nila ang trono. Ang ebidensya laban sa kanila ay nandito. Maaari natin itong ibunyag sa mundo bukas at ilantad sila sa kanilang mga krimen."

Tinanggap ni Chu Qiao ang mga papeles mula sa lalaki. Ilang piraso lang ito ng papel, ngunit hindi kapani-paniwala ang bigat nito habang hawak niya.

"Palabasin niyo ako! Mga alipin! Palabasin niyo ako!" isang makabagbag-damdaming mga sigaw ang biglang umalingawngaw mula sa hindi nalalayong palasyo. Ang marilag na palasyong Roufu ay naging isang sirang lugar habang patuloy na naglalagablab ang apoy sa gusali, iniiwan ang alikabok at mga labi kahit saan sa bakas nito. Nakasuot si Zhan Ziming ng matingkad na pulang kasuotan habang nagpupumiglas siyang makalabas ng palasyo, na may dalawang alipin na humaharang sa daan niya. Ang kanyang mata ay mapula; ang maharlika niyang kilos ay naglaho.

Nang nakita niya si Chu Qiao, Sun Di at ang iba, napatigil siya. "Nasaan ang kuya ko?" Tanong niya habang nakatingin kay Chu Qiao.

Walang emosyong sumagot si Chu Qiao, "Patay na."

Para bang inaasahan ni Zhan Ziming ang pagdating ng araw na ito. Matapos ang mahabang sandali, nagsimula siyang tumawa ng mapait. Ang kanyang boses ay sumuko na habang ang maliwanag na tingin ng kanyang mata ay naglaho. Tumingin siya kay Chu Qiao at kalmadong nagtanong, "Pinatay mo siya?"

"Oo."

"Magaling, magaling. Talagang may kakayahan ang taong gusto niya. Hindi nakapagtatakang sayo lang siya totoo."

Tumingin si Chu Qiao sa magandang babaeng nilamon na ng kabaliwan, na may naaawang ekspresyon. Sa pamamagitan ng magandang mukha nito, tila nabasa niya ang nasa kailaliman ng puso nito.

"Anong balak mong gawin kay Rong'er?"

"Hindi mo lang siya anak. Anak siya ni Li Ce. Tatratuhin ko siya ng mabuti."

Tumango si Zhan Ziming at mapait na tumawa. "Mabuti. Namamantsahan ng dugo ang mga kamay ko. Pinatay ko siya. Kung hindi dahil kay kuya, hindi rin ako mabubuhay. Patayin mo ako."

Sa sandaling iyon, nakita ni Chu Qiao ang pira-piraso nitong puso sa pamamagitan ng sumuko nitong ngiti. Hinangaan ang kuya niya mula pagkabata, nakinig siya kay Zhan Ziyu at sinunod ang lahat ng ipinagagawa nito. Gayumpaman, nang pumasok siya sa palasyo, hindi niya maiwasang mahulog ang loob kay Li Ce. Siguro, hindi niya napagtanto ito, hanggang sa isinagawa niya ang planong patayin siya. Saka lang niya naintindihan kung ano talaga ang tingin niya sa lalaki. Nang araw na iyon, sa labas ng palasyong Yixin, ang pighating naramdaman niya ay mukhang hindi peke. Sayang, sa dalawang lalaking minahal niya, ang isa ay hindi siya mahal, habang ang isa ay hindi siya kayang mahalin. Sa huli, ginawa siyang tanga ng tadhana.

"Ibigay kay Concubine Zhan ang alak na may lason." Desididong tumalikod si Chu Qiao at malalaki ang hakbang na naglakad palabas ng palasyo. Umihip ang hangin habang nilalamon ng kadiliman ang kapaligiran. Maliwanag na naliliwanagan sa tarangkahan ng palasyong Jinwu, ang mga sigawan ay lumambot ng lumambot. Tunog ng sirena ng digmaan ang tumagos sa hangin. Ang amoy ng mga labi, dugo at patay na mga kaluluwa ang sumalubong sa kanya, at pinalibutan siya mula sa lahat ng direksyon.

Hinawakan niya ang kanyang espada habang suot ang namamantsahan ng dugong kasuotan. Diretso siyang tumayo, kasama ang mga sundalong nakaitim sa kanyang kaliwa't-kanan, habang ang palasyo ay natupok sa likod niya. Ang kanyang tingin ay malamig habang nakatingin siya sa abot-tanaw. Lagpas sa abot-tanaw, ang nag-iisang mga rehiyon sa hilaga ay kumakaway. Hindi siya kumurap, para bang may tinitignan siya. gayumpaman, ang tingin ng mga mata niya ay bakante.

"Ang pagkamatay ni Concubine Zhan..." malakas na pahayag ng eunuch.

Sumikat ang araw, senyales ng pagtatapos sa mahabang gabi. Gayumpaman, anong kinailangan upang itaboy ang kadiliman sa kanyang puso? Ang tadhana ay parang mabagsik na apoy na hindi mapigilan, sinusunog siya hanggang hindi siya makilala. Iyong mga inaasahan at kahilingan para sa hinaharap ay lubos na winasak ng apoy na ito, kasama ang lahat ng kanyang emosyon ng kahinaan, pighati, kabutihang-loob, kabaitan, at ang pag-unawa niya tungon sa idealismo. Tatayo siya at poprotektahan ang lahat ng iniingatan niya. Kung may mangahas na lumagpas sa hangganan niya, sisiguraduhin niyang magbabayad sila ng malaki para doon.

"Tiya!" narinig ang boses ng bata habang lumukso ito sa yakap ni Chu Qiao. Ngumawa ang emperador habang ang kanyang pisngi ay mapula sa pag-iyak niya.

"Patay na si ina! Tiya, patay na ang ina ni Yi'er!" bata pa siya, ngunit namana niya ang kanyang makisig na itsura mula kay Li Ce.

Lumupagi siya at mahigpit na niyakap ang bata. Ang kanyang katawan ay malamig, ngunit mainit ang kanyang puso. Anak ito ni Li Ce, ang kanyang imperyo, ang kanyang tahanan. Maraming taon siya nitong binantayan; oras na para bayaran niya ito.

"Yi'er, huwag ka matakot. Kasama mo pa rin si Tiya."

"Binibini." Tumayo si Meixiang sa gilid, may hawak na panibagong bata sa kanyang bisig.

Tumayo si Chu Qiao at marahang lumapit, napagtantong ang bata ay angn anak ni Zhan Ziming, si Li Qingrong. Ang batang ito, na ipinanganak bilang hari ng Rong, ay mahimbing na natutulog, lubos na walang muwang sa bagyong nangyari dahil sa pagkasilang niya. magkasunod na pumanaw ang kanyang mga magulang, iniwan ang piraso ng lupain at hindi matatag na imperyong ito sa kanyang mga kamay.

"Binibini, tignan mo kung gaano kahimbing ng tulog ng Ikatlong Prinsipe." Napamahal si Meixiang sa bata tapos ay tumatawang iniabot niya ito kay Chu Qiao.

Binuhat siya ni Chu Qiao sa kanyang mga bisig, nagising dahil doon. Naiinip siyang humikab, naniningkit habang nakatingin kay Chu Qiao. Kopyang-kopya niya si Li Ce.

Nagsimulang mamuo ang luha sa mga mata ni Chu Qiao. Mahigpit niyang hinagkan ang bata, idinidiin ang kanyang pisngi sa bata. Isang pakiramdam ng kawalan ang bigla muling namuo sa kanyang puso.

"Heneral, ang anak ni Elder Liu, si Liu Yuanzong, ay nakatayo sa labas ng Qinan Gates na may kasamang grupo ng iskolar at opisyales. Nagtatanong sila kung anong nangyari. Ayos lang ba ang emperador?"

Nagtaas ng tingin si Chu Qiao habang bumalik siya sa kanyang malamig na ekspresyon. Sinabi niya kay He Xiao, "Sabihan ang lahat ng nakatatanda na ang hari ng Shezheng, si Zhan Ziyu, ay nakipagsabwatan kay Concubine Zhan upang angkinin ang trono ng namayapang emperador. Namatay si Emperatris Yuan sa gitna ng kaguluhan, habang ayos lang ang emperador. Nasupil na ang mga masasamang tao. Sabihan din ang mga nakatatanda na huwag mag-alala."

Mabilis na ginawa ni He Xiao ang tungkulin niya. Sa maiksing sandali, mga sigaw ng "Mabuhay!" ang nagsimulang marinig sa labas ng tarangkahan ng palasyo.

Isang gwardya ang bumalik na may sumusunod na balita, "Nangangako ng katapatan si Liu Yuanzong kay Heneral Chu, kasama ang buong korte ng Tang. Ang salungatan sa timog, hilaga, at Ganguang gates ay tumigil na. Ang mga rebelde ng Central Army ay nahuli na. Hinihintay namin si Heneral Chu na harapin sila."

Nang nagbukas ang tarangkahan ng palasyo, ang buong korte ng Tang ay nakatayo sa ibaba ng jade na hagdan ng palasyo. Umakyat ng mataas ang araw sa kalangitan, nagpapakitang-halimbawa ng pagbabalik ng Tang sa maliwanag na hinaharap, hawak ni Chu Qiao ang kamay ng emperador habang marahan silang naglalakad sa jade na hagdan.

"Mabuhay ang Emperador!"

Ang gintong sinag ng araw ay tumama sa kanyang itim na kasuotan. Ang salitang "Xiuli" ay bahagyang makikita sa puting may pagka-pulang sagisag. Habang umiihip ang hangin, nagmukha muling mapanglaw ang kapaligiran.

"Tiya," malutong na tawag ng emperador habang nakaturo sa gintong upuan, yumuyukyok sa takot. Nakasimangot siyang nagpatuloy, "Ayokong maupo doon."

Lumupagi si Chu Qiao at marahang hinaplos ang mukha nito. "Yi'er, ang upuan na iyan ay gawa sa kalamnan at dugo ng libong tao. Nararapat ka doon. Namatay ang mga magulang mo para doon. Nasa mga kamay mo na ngayon ang imperyo ng Tang. Lahat ng nandito, kasama ang ninuno mo sa kalangitan, ay nakatingin sayo. Hindi mo maaaring tanggihan ang responsibilidad na ito."

Makikitang nagulat ang emperador sa mga sinabi niya. Hinila-hila siya nito at nagtanong, "Paano si Tiya. Ayaw mo na ba sa akin?"

Tinulungan siyang makaakyat ni Chu Qiao sa trono habang tahimik niyang sinabi, "Tutulungan ka ni tiya, ngunit sa huli ay kailangan mong pasanin ang ilang bagay."

Tumalikod si Chu Qiao habang ang lahat ng naroon ay mababang yumukod upang magbigay respeto, ginulat ang mga ibong nagpapaikot-ikot sa himpapawid. Hindi nila alam kung kanino sila nagbibigay ng respeto. Ito ba ang batang prinsipeng nasa trono, o ang dalagang pinamunuan ang hukbong Wolf at Xiuli? Walang kahit isang sandali ng kapayapaan at kakalmahan, katulad ng kung paano ito nitong mga nakaraan, sa gitna ng larong pang-isip na nagaganap sa masayang okasyon na ito.

Nang ang alikabok sa likod ng kabalastugan na ito ay naayos, ang susunod na galaw sa larong chess na ito ay nagawa na. Wala nang lugar pa upang umatras.

Li Ce, huwag ka mag-alala.

Related Books

Popular novel hashtag