"Empress Dowager, ayos lang ang Kamahalan. Kailangan niyang magpagaling."
Nagpagalit ang Empress Dowager habang tumutulo ang kanyang luha. "Lahat kayo! Paano niyo ginagawa mga trabaho niyo? Kapag may nangyari sa Kamahalan, lahat kayo ay mamamatay kasama siya!" nang natapos niya ang kanyang sasabihin, naglakad siya tungo sa palasyong Yixin.
Napaluhod sa lupa ang mga tagasilbi dahil sa takot, hindi nangangahas na mag-angat ng tingin. Walang nangahas na humarang sa kanyang daraanan. Sumunod sa kanya si Chu Qiao, hanggang sa palasyong Yixin. Tulog na tulog si Li Ce; nang makita siya ng Empress Dowager, tumulo ang luha sa kanyang mukha. Kumiling siya pasulong nang sinubukan niyang hawakan ang mukha nito.
Isa sa mga katulong sa palasyo ng Empress Dowager ang naglakad sa harap ni Chu Qiao, sumimangot at nagtanong, "Sino ka? Bakit ka nandito? Binibisita ng Empress Dowager ang Kamahalan. Hindi tinatanggap ang mga tagalabas."
Napasimangot si Meixiang. Nang naghahanda na siyang makipagtalo, hinila ni Chu Qiao ang manggas niya, tumango, at sinabi, "Naiintindihan ko." Nang natapos niya ang kanyang sasabihin, lumabas siya ng palasyong Yixin kasama si Meixiang at ang iba.
"Binibini? Sinabi ng Kamahalan na samahan mo siya."
Napabuntong-hininga bilang sagot si Chu Qiao. "Nakabalik na ang ina niya. anong karapatan natin na manatili sa loob?"
"Labis na mahal ng Empress Dowager ang Kamahalan." Dagdag ni Qiu Sui mula sa gilid.
Bigla, lumapit mula sa harap nila si Heneral Sun Di. Nang nakita sila nito, napatigil siya at nagtanong, "Binibini, bakit wala ka sa loob?"
Sumingit si Meixiang at sinabi, "Nakabalik na ang Empress Dowager. Pinalabas niya ang Binibini!"
"Empress Dowager?" nagulat si Sun Di nang marinig niya ang balita, malalaki ang hakbang tungo sa palasyong Yixin habang sumigaw siya sa mababang boses, "Sino ang sumundo sa Empress Dowager? Walang nakakaalam sa pagtatangkang pagpatay sa Kamahalan. Bakit bumalik siya?"
Bigla, isang makabasag-taingang iyak ng paghihirap ang umalingawngaw mula sa palasyong Yixin. Nagulat si Sun Di at Chu Qiao tapos ay pwersahan nilang tinulak pabukas ang mga pinto ng palasyong Yixin!
May hawak na patalim ang Empress Dowager, ang nagdadalamhati niyang mukha ay namamantsahan ng dugo. Hindi na niya kamukha ang mainit at malumanay na babae. Mukha siyang isang demonyita habang nakatayo siya sa harap ng bintana, walang humpay na sumisigaw, "Papatayin kita! Papatayin kita! Maghihiganti ako para kay Luo'er!"
Nablangko ang isip ni Chu Qiao.
Pumasok ang sinag ng araw sa palasyo mula sa tarangkahan. Maliwanag ito at nakakasilaw. Ang kapaligiran ay magulo; ang iba ay sumisigaw sa pagkataranta, humihingi ng tulong, habang ang iba ay nagmadaling tawagin ang imperyal na manggagamot. Ang mga imperyal na gwardya ay nagmadaling pumunta sa harap habang nakalabas ang kanilang mga sandata, na naglalabas ng masidhing pilak na kislap, nagbibigay ng anino sa lupa.
Nakatayo siya doon, napako sa kanyang kinatatayuan, ang kanyang mukha ay naiirita sa sobrang liwanag. Sa iglap na iyon, tila lumamig ang araw. Habang sumisinag ito sa kanya, nakaramdam siya ng ginaw sa kanyang mga daliri, unti-unting binabalot ang buo niyang katawan. Nagsimulang bumilis ang tibok ng kanyang puso; tila tatalon ito palabas ng kanyang bibig ano mang oras. Nagsimula siyang makaramdam na nasasakal, habang ang paghinga ay unti-unting nagiging mas mahirap.
Ang kasuotan ng Empress Dowager ay namantsahan ng pula dahil sa dugo. Ang mukhang may sakit niyang maputlang mukha ay ipinapakita ang kabaliwan niya. Ang kanyang mata ay maliwanag; ang kanyang ekspresyon ay mabangis. Sa kabila ng pagpigil sa kanya, hindi siya nagpumiglas. May masidhing poot sa kanyang boses, malamig niyang dineklara, "Mga hayop. Dapat kayong mamatay lahat. Pinatay ko siya. Ngayon, papatayin ko kayong lahat upang ipaghiganti ang asawa't anak ko!"
Nang oras na iyon, nakita ni Chu Qiao ang itsura ng mga mata ng lalaki.
Unang beses sa kanyang buhay, pakiramdam niya ay nakita niya ay puso ng lalaki mula sa mga mata nito, hindi katulad noong nakaraan kung saan hindi mahuhulaan ang ekspresyon nito. Nang iglap na iyon, malinaw niyang nakita ang magugulong mga emosyon sa mata nito – ang pakiramdam ng pagkasugpo at pagkabigo.
Nakahiga siya doon, lumalabas ang dugo sa kanyang sugat, minamantsahan ng pula ang berde niyang roba. Tahimik siyang tumingin sa kanyang ina na walang gulat o sama ng loob sa kanyang mga mata. Lahat ng naramdaman niya ay nakakagaping pagod.
Umihip ang hangin, dahilan upang umugoy ang manipis na kurtina. Patuloy na dumadaloy ang sariwang dugo sa lupa at nagsasanga-sanga habang kumpol ng mga tao ang mabilis na sumulong upang pigilan ang pagdurugo. Ang natatarantang sigaw ng mga tagasilbi ay narinig muli sa labas ng palasyo. Lahat ay walang tunog kay Chu Qiao – wala siyang makita o marinig na kahit ano. Ang kanyang tingin ay nakatuon lang sa mata ng lalaki, habang nagbabaybay sa balat niya ang ginaw, bawat pulgada, hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso.
Bigla niyang naisip ang pangangaso sa kabundukan ng Yan Bei maraming taon na ang nakakaraan. Isang inang lobo ang gutom na gutom habang sinasalanta ng mabigat na bagyo ng nyebe ang mga bundok. Hirap na hirap siyang nakahuli ng elk. Malalaking kagat niyang tinatamasa ang karne nito nang sumulpot sa gilid ang anak nito at kumagat ng maliit. Nagalit ang inang lobo tapos ay inangat ang mga kuko nito upang hampasin ang batang lobo, at nasugatan ito. Umatras ang batang lobo sa mga sanga ng puno sa malayo, yumuyukyok sa takot at umiiyak habang nakatingin sa ina nito, hindi nangangahas na lumapit pa. Ang tingin ng mga mata nito ay namimighati, tulad ng isang batang naabanduna.
May ilan na sinubukan siyang hilahin, ngunit tumanggi siyang umalis.
Bigla siyang natakot ng sobra habang ang kanyang dugo ay lumamig. Hindi mapigilan na nanginig ang kanyang mga daliri. Ayaw niyang lumabas. Tumagos sa kanyang mata ang dugo. Natatakot siya na hindi na siya makakatapak pa dito oras na lumabas siya.
Isang nabubulunang boses ng matandang manggagamot na may puting buhok ang biglang narinig. Mukhang nanganganinag ang anino ng babae sa likod ng manipis na mga kurtinang tabing. Ang kanyang mata ay hindi makikita sa likod ng mga patong ng kurtina. Mayroon lamang kaunting makikita na pulang mga kandilang kumukutitap sa silid.
Nang nagising siya, mayroong katahimikan kahit saan. Sa iglap na iyon, akala niya ay nasa isang panaginip siya. Gayumpaman, nang makita niya ang gulat ni Meixiang, nagsimulang sumakit ang puso niya. Kahit bago pa man niya mailagay ang kanyang sapatos, itinapon niya sa gilid ang kanyang kumot at lumukso paalis ng kanyang higaan.
"Nasaan si Binibining Chu?"
Isang nagmamadaling boses ang narinig mula sa labas. Tumakbo siya palabas, ang kanyang mukha ay maputla.
Nakatingin si Sun Di sa kanya habang ang ekspresyon nito ay naging pighati. Tumungo ito at bumulong, "Nais kang makita ng Kamahalan."
Tahimik sa palasyong Yixin. Naglakad siya sa loob habang hinahawi niya ang kurtina, bawat patong, hanggang sa kanyang higaan. Sa iglap na iyon, pakiramdam niya na ang palasyo at ang lalaki ay magiging isa na.
Lumuhod siya sa may higaan nito, inunat ang kanyang malamig na mga daliri. Nang nahawakan niya ang braso nito, binawi niya ang kanyang kamay dahil ang katawan nito ay mas malamig kaysa sa mga daliri niya. Para itong nyebe na bumagsak buong taon sa kabundukan ng Yan Bei.
Ang kanyang paghinga at boses ay magaan habang umalingawngaw ito sa palasyo.
"Li Ce, nandito ako para makita ka."
Bahagyang kumibot ang kilay nito nang minulat ng lalaki ang mga mata nito upang tumingin sa kanya. Ang kanyang tingin ay kalmado at payapa, ngunit ipinakita nito ang maraming iniisip at salitang nais niyang sabihin. Hirap na hirap niyang inunat ang kanyang kamay at kumaway sa babae tapos ay tumawa siya at bumulong, "Qiaoqiao..."
Nagsimulang tumulo ang luha sa mukha ni Chu Qiao habang hawak niya ang kamay nito. Ilang araw palang, ngunit labis na ang bigat na nawala nito sa puntong makikita na ang mga buto nito. Nagsimula siyang mabulunan habang ang kanyang boses ay hindi maintindihan.
Bahagya siyang napasimangot at inunat ang mga daliri upang haplusin ang mukha ng babae. "Huwag kang umiyak..."
"Kasalanan ko lahat," saad niya habang patuloy na tumutulo ang luha niya. Ang kanyang mga daliri ay malamig.
"Nangako akong mananatili ako sa tabi mo. Hindi ako dapat umalis."
Tumawa si Li Ce habang nakahiga siya sa higaan, nakatingin sa komplikadong disenyo ng bulaklak sa bubong ng higaan at ang mga salitang kaligrapiya. Ang kanyang boses ay kalmado at hindi nagdadala ng bahid ng sama ng loob habang sinasabi niya, "Paano ka masisisi para dito? Ina ko siya. Sinong..."
Nagsimula siyang hingalin habang ang kanyang boses ay nanghina. Sinubukang tumakbo palabas ni Chu Qiao upang tumawag ng manggagamot sa gulat ngunit pwersahan siyang pinigilan. Mahirap maisip na malubha ang sugat nito.
"Sino... sinong makakaisip noon?"
Oo, sinong makakaisip noon?
Umihip ang hangin sa silid sa pamamagitan ng mga bintana, gumagawa ng umuungol na tunog. Mula sa malayo, ang pinipigilang boses ng mga katulong ng palasyo ay maririnig.
"Nais kong ako mismo ang magpakasal sa iyo. Ngayon... natatakot ako na hindi ko na iyon magagawa."
"Hindi," malakas at matigas ang ulong na saad ni Chu Qiao habang ang kanyang boses ay umalingawngaw sa bakanteng palasyo. Malakas niyang hinawakan ang kamay nito, tila ba hahablutin ito mula sa iba. "Walang mangyayari sayo!"
Tumingin si Li Ce sa kanya at mahinang ngumiti; ang ngiti nito ay tila tumagos sa puso ni Chu Qiao tulad ng matalas na kutsilyo. Hindi pa siya lubos na natakot dati. Habang ang kanyang luha ay tumutulo pababa sa kanyang mukha at sa kanyang bibig, mahirap tiisin ang mapait na lasa.
"Li Ce, huwag kang umalis. Huwag kang umalis, pakiusap?" bahagya niyang inalog ang braso nito, umaastang para siyang nalulumbay na bata.
"Anong nalang mangyayari sakin kapag wala ka? Sinong tutulong sakin kapag napasok ako sa gulo? Wala na akong lugar na matitirahan pa. Sino nalang ang hahayaan akong umasa sa kanila?"
Isang kakaibang kabastusan ang kumislap sa mga mata ni Li Ce. Nagkukunwaring galit, mapaglaro siyang nagpagalit, "Oh. Nakabili muli ako ng baboy na nakatago."
Maraming taon ang lumipas sa isang iglap. Wala siyang magawang tumingin sa lalaki habang sumasakit ang kanyang puso. Ang boses nito ay kasing kalmado ng tubig ng batis habang inuusal nito, "Nagpadala ako ng tauhan upang sabihan si Zhuge Yue. May maghahatid sayo sa kanya. Umalis ka kasama siya at mamuhay ng maganda."
Habang kagat niya ang kanyang ibabang labi, nagpatuloy na magsalita ang lalaki na may paulit-ulit na paghinto, "Huwag... huwag kang magkunwaring malakas at maging matigas ang ulo sa hinaharap."
Malamig ang gabi. Napasimangot siya at taimtim na tumingin sa babae. Bigla niyang hinililng, "Qiaoqiao, tulungan mo akong bumangon."
Nagulat si Chu Qiao tapos ay umiling. Subalit, bago pa man siya makapagsalita, nakita niya ang matigas na ulong tingin sa mga mata ng lalaki na nagdadala ng hindi kapani-paniwalang dami ng determinasyon doon.
Sumakit muli ang kanyang puso habang tinutulungan niya itong bumangon, hinahayaan siyang sumandal sa upuang nasa may bintana. Nakasuot siya ng matingkad na pulang kasuotan, nabuburdahan ng mga disenyong dragon. Ang kanyang itsura ay mapanglaw, tulad ng unang beses nilang nagkita.
"Qiaoqiao, magulo ang buhok ko."
Kinilala ni Chu Qiao ang sinabi ng lalaki tapos ay kumuha ng puting suklay na jade, kinalas ang pagkakatali ng buhok nito. Humagod ang ngipin ng suklay sa buhok nito habang ang maputla niyang kamay ay hinaplos ang sentido nito, bawat hibla. Sa iglap na iyon, tila naalala nilang muli ang mga alaala at karanasang sabay nilang napagdaan nitong mga taon. Nagsimulang manginig ang kanyang kamay, ngunit tila hindi alam ng lalaki dahil hindi nito inilingon ang ulo nito.